Takot na takot si Duterte sa mamamayang gutom at kapit-sa-patalim
Kagabi, nagbanta si Duterte na ipababaril ang mga tao sa lansangan na humihingi ng ayuda sa panahon ng military lockdown. Binalingan niya ang Kaliwa na aniya’y silang dahilan sa lumalawak na disgusto sa tangkang pagtakpan ang kabiguan ng kanyang gubyerno na harapin ang tumitinding krisis sa pampublikong kalusugan, ekonomya at kabuhayan ng masa.
Sa paulit-ulit na pagbanta na papatayin ang mga gutom at kapit-sa-patalim, malinaw na siya talaga’y taong walang habag. Kahit ngayong panahon ng humanitarian crisis, dahas ng militar at pulis ang kanyang solusyon.
Panlilinlang ang sabi niyang di niya magampanan ang kanyang tungkulin kung may gulo sa lansangan. Naghuhugas-kamay lang siya. Ang totoo, hindi matahimik at nagkakagulo ang mga tao dahil wala nga silang natatanggap na pinangakong ayuda. Hindi magkakagulo kung tinutupad lamang ng kanyang gubyerno ang inaasahan ditong pangangalaga sa kagalingan ng bayan. Nasaid na ang pantawid na ayudang natanggap nila mula sa mga lokal na gubyerno at pribadong organisasyon.
Mahigit isang linggo matapos ibigay sa kanya ng tuta niyang kongreso ang emergency powers, naghihimutok ang bayan. Binabatikos nila ang bagal at korapsyon. Bakit di pa sila nababahagian ng P275 bilyong pondo? Bakit ba ang kupad-kupad ni Duterte? Tanong din nila: nasaan na ang mga medical kit para sa mass testing?
Ibinubunton ni Duterte ang sisi sa mga upisyal ng lokal na gubyerno, na sa nakaraang tatlong linggo’y desperadong harapin ang pangangailangan ng kanilang mga residente gamit ang limitadong rekurso na walang suporta ng pambansang gubyerno. Kagabi, lahat sila’y kinutya ni Duterte na mga “pulitiko.” Isinaisantabi niya ang mga LGU at idineklarang ang gubyerno na niya ang mamamahala sa pamamahagi ng pera. Bangungot ito sa mga empleyado ng DSWD. Dagdag pa, lumilikha siya ng kundisyon para sa malakihang korapsyon.
Ipinakikita ni Duterte na wala siyang kakayahang harapin ang pandemyang Covid-19 sa bansa, na hindi gumagamit ng lantarang dahas ng militar at pulis. Sa tabing ng pagsupil sa “fake news,” ipinaaaresto at pinakakasuhan ang mga kukwestyon sa pagharap ng gubyerno sa krisis. Ilampung libo na ang inaresto sa mga paglabag sa lockdown.
Lubos na makatwiran ang ispontanyong pagkilos kahapon ng mga residente ng Sityo San Roque na humihingi ng ayuda dahil isinadlak na sila ng military lockdown ni Duterte at kabiguan niyang tugunan ang pangangailangang panlipunan at pangkabuhayan ng masa. Tiyak na darami pa ang mga maralitang komunidad na ispontanyong magpuprotesta sa susunod na mga araw at linggo sa Kamaynilaan at sa buong bansa.
Sa kabilang panig, ang pag-aaresto at pagkukulong sa mamamayan ang siyang laging tugon ng isang diktadurang nakaasa sa panunupil ng militar at pulis. Sa pag-aresto at pagbantang papatayin ang mga nagugutom at desperado, ipinakikita ni Duterte na takot na takot siya sa bayan.
Subalit ang kanyang mga banta ay lalo lang nag-uudyok sa bayan na lalo pang palakasin ang kanilang tinig. Malawak na bahagi ng lipunan–mula sa mga duktor hanggang artista sa sine at telebisyon, mga estudyante at abugado–ay nauudyok ng kawalang-habag at kapalpakan ng gubyerno ni Duterte.
Ang namumuong poot ng mamamayan sa krisis sa kalusugang pampubliko at hirap na kalagayang pangkabuhayan bunsod ng military lockdown ay mabilis na nagiging poot sa pulitika. Mismo si Duterte ang humahamon sa mamamayan.
Inihihiwalay ni Duterte ang kanyang sarili. Labis na siyang nakabukod sa mamamayan. Lumalaki ang konsensus (DUmarami ang naniniwala na na hindi na niya kaya na panghawakan ang sitwasyong pangkagipitan at napapatunayang hindi niya karapat-dapat na hawakan ang lahat ng kanyang kapangyarihan.
Lumalawak ang panawagan para patalksikin si Duterte. Ginagamit ng bayan ang social media at lahat ng paraan para ihayag ang kanilang disgusto. Nagpapakita sila ng tapang sa harap ng bantang arestuhin ng militar at pulis ni Duterte. Di maglalao’y may paraan na matitipon ang kanilang kolektibong galit. Hindi napipigilan ng pagkwarantina at “physical distancing” ang kumukulong sagupaan pulitikal.