Talumpati ni Ka Cleo del Mundo sa pagdiriwang ng Ikalimampung Taong pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas
Pagbati sa lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa lahat ng mga miyembro ng iba’t-ibang organisasyong masa at buong sambayanang Pilipino.
Isang mataas na pagpupugay din sa ating mga dakilang martir na walang pag-aalinlangan na nag-alay ng buhay para sa rebolusyon. Kung hindi sa kanilang walang pag-iimbot na paglilingkod, hindi natin makakamit ang mga tagumpay sa nagdaang 50 taon.
Ang makabuluhang ipinagdiriwang natin ngayon mga kasama ay ang pagdiriwang ng ginintuang anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa makabuluhang pagdiriwang nating ito ay bigo ang rehimeng us-Duterte na wasakin at durugin ang rebolusyonaryong kilusan!
Nagyayabang na nagsabi ang pasistang tropa ng rehimeng US-Duterte na wala raw anumang dapat ipagdiwang ang CPP-NPA.
Mga kasama, may isang libo’t isang dahilan tayo na ipagdiwang at masayang salubungin ang ginintuang anibersaryo ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas. Sa loob ng 50-taong buhay-at-kamatayang pakikibaka, itinampok ng ating Partido ang wasto at matatag na pamumuno sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino upang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya mula sa saklot ng malapyudal at malakolonyal na sistema ng naghaharing malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa’t mga burukratang kapitalista.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling nakatayo ang bandera ng Partido Komunista ng Pilipinas, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines, at umabot nga tayo ng 50 taon sa kabila ng matinding pang-aatake at pangggigipit ng rehimeng US-Duterte at mga kasapakat nitong AFP-PNP-CAFGU at iba pang paramilitar.
Ang sabi ng AFP ay laos at lipas na ang rebolusyon, dahil limampung taon na ay hindi pa ito manalo-nalo. Ibalik natin ito sa kanila, at sabihing – E KUNG GAYON, BAKIT HINDI NINYO PA RIN KAMI MATATALO-TALO?
Kaya isang mataas na pagpupugay ang ibinibigay natin sa Bagong Hukbong Bayan sa kabila ng kahirapan at sakripisyo, buong tapang, buong giting nilang iniaalay ang buong panahon para sa armadong pakikibaka. At sa lahat ng mga mamamayan, partikular sa lalawigan ng Quezon na walang sawang sumusuporta sa rebolusyon.
Alam nyo ba mga kasama, kami po ay natutuwa sapagkat sa araw na ito ay sama-sama tayong sumasalubong sa 50 taon ng Partido Komunista ng Pilipinas, maaalala natin ito sa mga susunod na panahon sa pagsusulong ng rebolusyon, hanggang sa magtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Labis pong lumulundag ang aking puso sa tuwa, sa mga masa natin at sa mga bisita natin na galing sa kalunsuran, at maging sa ibang bansa, at sa mga magsasaka sa kanayunan ng Quezon na mas pinili nilang dito mag-Pasko at masaksihan ang pagdiriwang nating ito sa kabila ng matinding pagbabanta ng rehimeng US duterte na tayo ay dudurugin sukdulang idadamay nila ang mga sibilyan na sumusuporta at sumisimpatya sa CPP-NPA.
Sampal sa mukha ni Digong Duterte ang pagtitipon nating ito ngayon!
Sa ginintuang pagdiriwang nating ito ay higit tayong susulong, makakaigpaw sa ating mga kahinaan na natukoy sa kilusang pagwawasto upang makamit natin sa susunod na tatlong taon ang abanteng yugto ng estratehikong depensiba, at sa malao’t madali ay makatuntong sa pagkakapatas. Mula doon mga kasama, lalong magniningning ang ginintuang pag-asa ng pag-alpas sa pagkaapi ng sambayanang Pilipino.
Kaya ang ating panawagan – buong sambayanan, sumapi sa NPA! Ipagtagumpay ang Digmang Bayan!
Mabuhay ang ginintuang anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang pilipino
Mangahas makibaka! Mangahas magtagumpay!