Tanging ang rebolusyonaryong hustisya ang makapagbibigay ng tunay na katarungan para sa sambayanan
Malaking kalokohan ang pagngawa ng PNP, AFP at NTF-ELCAC para sa katarungan gayong tigmak ng dugo ng mga sibilyan ang kanilang mga kamay. Walang inaasahang katarungan ang mamamayan mula sa reaksyunaryong gubyerno at mersenaryong hukbo nito laluna’t malinaw naman sa sambayanan ang rekord ng pasistang estado sa pambabalasubas at pambabaluktot sa katwiran sukat ang paggamit ng batas laban sa mamamayan. Nito lamang Hunyo 8, walang awang minasaker ng mga elemento ng 2nd IBPA at PNP Masbate ang mga magsasakang sina Ramon ‘Boy’ Valenzuela Brioso, 58 taong gulang, residente ng So. Mabuaya, Matiporon, Milagros, Ailyn ‘Eket’ Bulalacao Gracio, 38 taong gulang, residente ng So. Bantolinao, Brgy. Amutag, Aroroy at Antonio ‘Tony’ Polegrantes, 50 taong gulang, mula sa Brgy. Hermosa, Cawayan. Si Brioso ay chief cowboy sa 7R Ranch habang si Polegrantes naman ay chief tanod ng kanilang barangay. Dinukot ang tatlo madaling araw ng Hunyo 7 at pinalabas na napaslang na mga kasapi ng NPA sa isang pekeng engkwentro sa So. Porang, Brgy. Anas, Masbate City kinabukasan.
Ganito rin ang estilong ginawa ng militar at pulis kay Gerardo Abla, residente ng Brgy. Tongo, Siruma, Camarines Sur na dinukot mula sa kanilang tahanan noong Mayo 10 at pinalabas na napaslang na NPA sa isang pekeng labanan sa Brgy. Malabog, Caramoan, Camarines Sur apat na araw makalipas ang pagdukot sa kanya. Noong 2020 hanggang unang kwarto ng 2021, apat na kaso ng masaker at apat na kaso ng pamamaslang ang pinalabas na engkwentro ng kaaway. Umabot sa 16 magsasaka ang pinatay at pinaradang mga NPA sa mga pekeng labanan ng militar at pulis.
Alam ng sambayanang hindi mapagkakatiwalaang magtaguyod ng kapakanan ng nakararami ang estadong nagbubuo, nagpopondo, nagsasanay at nag-aalaga ng mga mamamatay-taong militar, pulis at mga grupong paramilitar. Nitong Hunyo 11 lamang, pinawalang-sala ang mga pulis na sangkot sa masaker ng siyam na Tumandok at magsasaka sa Tapaz, Capiz noong Disyembre 2020 sa kabila ng mabibigat na ebidensyang nagpapatunay na may kinalaman sila sa krimen. Hindi rin malimot ng masa ang paggamit ng gubyerno sa maanomalyang Good Conduct Time Allowance noong 2019 para palayain kapalit ng kurakot ang humigit-kumulang 1,400 kriminal, kabilang ang malalaking druglord, rapist at mamamatay-tao. Samantala patuloy na inaaresto at binubulok sa kulungan, kung hindi man pinapaslang dahil ‘nanlaban’, ang mga sibilyan, magsasaka, manggagawa, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, makabayan at progresibong indibidwal.
Higit na superyor ang rebolusyonaryong hustisya kaysa sa sistema ng hudikatura ng reaksyunaryong gubyernong batbat ng anomalya, korupsyon at makasariling mga interes. Ang hustisyang itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ay may layuning pairalin ang pagkakapantay-pantay sa katayuan at karapatang pang-ekonomiya at pampulitika. Sumusunod ito sa malinaw na makauring mga pamantayan at obhetibong pagsusuri at pagpapasya. Naninindigan ito para sa katotohanan at sa pantay na paggagawad ng hustisya. Ang lahat ng rebolusyonaryong pwersang nasa ilalim ng mahigpit na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay buung-buong tumatalima sa lahat ng patakaran at disiplinang ipinapatupad ng rebolusyonaryong kilusan.
Kung ang NTF-ELCAC at mersenaryong hukbo ay sinserong nananawagan ng katarungan, ano’t hindi nila atupagin ang imbestigasyon ng patung-patong na pang-aabusong militar at paglabag sa karapatang tao ng kanilang mga sariling yunit at elemento laluna ang panibagong kaso ng masaker sa Masbate? Ano na ang nangyari sa imbestigasyon sa lampas 27,000 napaslang sa ilalim ng Oplan Tokhang? May napanagot na ba sa alinman sa napakahaba nang listahan ng mga brutal na operasyong pulis at militar na nagdulot sa walang lubay na pamamaslang at masaker?
Kung tunay na sila ay para sa kaunlaran at kapayapaan, ano’t hindi nila mapanagot ang lahat ng mga burukrata kapitalista, sa pangunguna ni Duterte, sa walang lubay nitong paggamit ng kanyang kapangyarihan upang igupo ang malawak na masa sa kahirapan at kagutuman habang tinitiyak naman ang pansariling ganansya.
Mabuti pang tigilan na nila ang pang-iintriga at paninira sa rebolusyonaryong kilusan at bigyang-pansin ang mahahalagang usapin ng pambansang soberanya at seguridad gaya ng banta ng mga dayuhang kapangyarihan sa West Philippine Sea at iba pang soberanong teritoryo ng bansa.
Nagpapasalamat ang rebolusyonaryong kilusan sa Bikol sa patuloy na suporta at tiwala ng masa. Makakaasa silang patuloy na panghahawakan at higit pang hihigpitan ng buong rebolusyonaryong kilusan ang mulat na disiplinang bakal at rebolusyonaryong hustisya sa layuning higit pang mapahusay ang paglilingkod sa sambayanang Pilipino.