Tangkang pagpaslang kay Rodolfo Abion, Desperadong hakbang ng 31st IBPA!
Kinukundena ng Celso Minguez Command ang tangkang pamamaslang kay Rodolfo Abion, 45 taong gulang, may asawa, tricycle driver at magsasaka mula sa Barangay Tinampo, Irosin, Sorsogon nitong Setyembre 24, 2018, pasado alas-6 ng gabi.
Mula sa pamamasada ng tricycle, pumunta si Abion sa tindahan upang bumili ng sigarilyo nang biglang binaril ito ng 2 lalaking nakabonet na nakasakay sa motorsiklo, habang may 1 motorsiklo pa na may 2 sakay na lalaki na nakabonet din at isang berdeng van ang nakaparada malapit sa kanyang bahay. Pagkabaril sa kanya ay agad syang tumakbo palayo habang ang mga salarin ay agad ding umalis sa pinangyarihan. Maagap na nadala sa ospital si Abion pagkakita sa kanya ng kanyang pamilya at kababaryo.
Sa kasalukuyan ay nakakaranas ng pananakot ang pamilya ni Abion, may nakitang 3 lalaking di kilala na naka-abang at nagmamasid sa kanilang bahay.
Nung Hunyo 2017 ay tinangka na ding paslangin si Abion ng mga lalaking pareho ng dekskripsyon sa naunang binanggit. Naganap ito habang ipinaparada nya ang kanyang tricycle sa kanilang bahay pagkagaling sa pagpasada.
Malinaw na 31st IBPA ang nasa likod ng tangkang pamamaslang kay Abion at harasment sa kaniyang pamilya. Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan ng pasistang rehimeng US-Duterte, mga mamamayang Sorsoganon ang target ng kanilang mga operasyon. Bagamat hindi pa idinideklara ang batas militar sa buong Pilipinas, ramdam ng mamamayang Pilipino ang dahas ng diktadurya sa haba ng listahan ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, tangkang pagpaslang, iligal na pag-aresto, harasment at samuít saring paglabag sa karapatang tao ng alipures ni Duterte na AFP-PNP-CAFGU.
Sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomya at pulitika, asahan na magpapatuloy pa ang mga operasyong militar ng pasistang rehimeng US-Duterte upang gapiin ang paglaban ng mamamayan. Dapat magkaisa ang mamamayang Sorsoganon upang harapin, ilantad at labanan ang mga panunupil at pasismo ng mga berdugong 31st IBPA. Sa ipinapakitang pasistang tiraniya ng rehimeng US-Duterte, mas lalo lamang nitong itinutulak ang mamamayan na pumanig at sumampa sa lehitimong hukbo ng mamamayan, ang Bagong Hukbong Bayan.
Hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao!
Militar sa kanayunan, palayasin!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!