Tayo’y Tumindig at Lumaban–PKM Albay
Ngayong Setyembre 21, muling inaalala ng sambayanang Pilipino ang deklarasyon ng Batas Militar. Nagdulot ng bangungot sa daang libong Pilipino ang hudyat para sa armadong pwersa ng rehimeng Marcos para sa walang patumanggang pang-aabuso sa kapangyarihan sa isa sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan, dinanas ng masang anakpawis ang hagupit ng pasistang panunupil. Hanggang sa kasalukuyan hindi nanagot ang pamilyang Marcos at ang kanilang mga kroni sa kanilang krimen laban sa mamamayan.
Libu-libo ang naging biktima ng maramihang pagpatay, dumanas ng iba’t ibang klaseng tortyur, panggagahasa, pwershang pagkawala na hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw – na ang may kakayanan gumawa ay ang mersenaryong pwersa ng kasapakat na rehimen. Ang mga paglabag na ito sa loob ng 20 taon ay higit na nalampasan ng kasalukuyang rehimeng US-Duterte. Hindi na lamang patago ang pagpatay, naging lantaran at sa dulo, nagbubunyi ang mga pasista dahil sa impunidad (pagpatay ng walang pananagutan sa batas).
Sa Albay, tampok ang pagpaslang sa dalawang aktibistang nagpipinta ng kanilang mga kahingian. Karumal-dumal na pinaslang ng Philippine National Police (PNP) sa katwirang ‘nanlaban-patay’. Nagdudumilat ang ebidensya ng autopsy report – sa mga balang tumama sa likod, palatandaan ng tortyur at mula sa sanaysay ng mga saksi. Ito ang mukha ng rehimeng US-Duterte.
Ang PKM – Albay ay higit na nagluksa sa karumal-dumal na pagpaslang sa mga kapwa namin magsasakang sina Jemar at Marlon at iba pang biktima ng pamamaslang ng rehimen. Tapos na ang pagdadalamhati, ngayon ay pagbangon upang ituloy ang laban na tutugon sa pintang iniwan ng Guinobatan 2!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!