Terorismo ang Nasa Likod ng mga “Pagsuko”
Read in: Hiligaynon
Sukdulang kalupitan sa mga mahihirap at kawalanghiyaan. Ito ang ipinamalas na pag-iisip at asal ng mga matataas na opisyal ng AFP at PNP sa Panay matapos minasaker ng kanilang mga tropa ang 9 na walang kalaban-laban na mamamayang Tumandok sa Tapaz, Capiz at inaresto ang 16 iba pa sa Tapaz at Calinog, Iloilo noong umaga ng Disyembre 30, 2020. Matapos ang kanilang karumal-dumal na krimen, ipinagmamayabang sa media ng mga tagapagsalita ng 3ID PA, 301st Bde at PRO-6 ang “pagsuko” ng mahigit dalawangdaan na diumano’y mga “NPA at tagasuporta” nito. Ito daw ang “maliwanag na bahagi” at “positibong epekto” ng nangyari sa Tapaz at Calinog. Para sa mga buhong na teroristang ito, may “liwanag” at “positibo” sa pagpatay ng walang kalaban-labang mga sibilyan at sa pagtanim ng ebidensya para ikulong ang maraming inosente, dahil “sumuko” ang maraming iba pa na natakot at nangamba.
Pagkatapos ng masaker at panghuhuli, nagpakalat ng banta ang mga tropa ng 12th IBPA at mga galamay nito sa mga kanayunan ng Tapaz at Calinog na meron pang susunod na mga reyd sa ibang kabahayan at baryo, at para hindi mamatay o makulong kailangang “sumuko” sa malapit na kampo ng Phil Army upang “linisin” ang kanilang pangalan. Nagdulot ito ng matinding pangamba sa maraming residente, lalo pa’t nanatiling marami ang presensya ng mga militar malapit o nasa kanilang mga baryo. Maraming sibilyan ang napilitang pansamantalang tumuloy sa mga sentro ng baryo at bayan, at natigil sa kanilang pagsasaka. Ngayong Enero sana ang karaniwang umpisa ng kanilang paglilinis ng mga lupang tataniman ng palay. Dahil sa pananakot ng mga mersenaryong militar napilitan ang iba sa mga magsasaka na lumapit sa militar upang “linisin” ang kanilang pangalan, maibsan ang pangamba na papatayin o huhulihin at makabalik sa kanilang mga sakahan. Ngunit sila ay ipinarada ng mga pasistang opisyal ng 3IDPA at PRO-6 sa media bilang sumukong mga NPA at tagasuporta nito. Para sa mga opisyal na ito, isang achievement na dapat pang ipagmalaki ang “pagsuko” ng maraming sibilyan dahil sa sindak at takot na patayin o kulungin sila.
Mas lumilinaw ngayon ang kaugnayan ng matagal nang RCSP ng mga militar at pulis sa sampung baryo ng Tapaz at Calinog mula noong Hunyo 2020, ang masaker at maramihang pag-aresto noong Disyembre 30, at ngayong pwersahang pagpapasuko ng mga sibilyan. Isa itong traidor at teroristang kampanya ng militar at pulis laban sa mga mahihirap na magsasaka sa kanayunan sa ngalan ng kontra-insurhensya. Kabilang ito sa desperadong tangka ng TF-ELCAC na tuluyang gapiin ang CPP-NPA-NDF sa Panay nitong 2021.
Kahibangan para sa pasistang rehimen at TF-ELCAC sa pag-akala na makukuha nila ang puso at isip ng mamamayan dahil “sumuko” na. Kahit anung pakunyaring salita, gawa at serbisyo ang ipagmumudmod nila, nasa isip at damdamin ng Tumandok na sila ay mamamatay-tao, niyuyurak ang kanilang mga karapatan at sila ang tunay na terorista.
Nanawagan kami sa mga magsasaka sa Tapaz at Calinog na huwag magpatalo sa paninindak ng mga militar at pulis. Ngayon mas higit na kailangan ang inyong pagkakaisa para igiit ang inyong mga karapatan bilang mga sibilyan. Huwag maniwala sa mga intriga at kasinungalingan ng mga militar, pulis at mga galamay nila upang kayo’y linlangin, pagwatak-watakin at patuloy na apihin. Matapang na ibunyag at labanan ang terorismo ng rehimeng Duterte at TF-ELCAC sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Hinihikayat namin ang mga kabataan na di bababa sa 18 taon ang edad at may mabuting pangangatawan na sumapi sa NPA at buong panahong lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ito ang pangunahing paraan para labanan at talunin ang mga nagsasamantala at nang-aapi sa atin. Sa armadong pakikibaka lamang makamtan ang tunay na hustisya para sa Tapaz 9 masaker at iba pang biktima ng pamamaslang ng mga pasistang tropa.
Hustisya para sa mga biktima ng masaker at mga gawa-gawang kaso sa Tapaz at Calinog!