Terorismo at kasinungalingan, magkatambal na krimen ng 85th IB!
Malaon nang nagpupuyos ang galit ng mamamayan ng Quezon sa anim na taong walang tigil na paggamit ng dahas, panlilinlang at terorismo ng AFP sa bansa. Sa gitna ng krisis na ating nararanasan, tila isang naglalaway na aso ang mga heneral ng SOLCOM, 85th IBPA at 201st Brigade sa bawat utos ng kanilang commander-in-chief na si Rodrigo Duterte.
Marso 20 ng gabi bandang alas-8:30, nang marinig ng mga magsasakang nakatira sa hangganan ng mga bayan ng Gumaca at Pitogo ang putukan na tumagal ng 10 minuto. Diumano’y may naganap na labanan sa pagitan ng NPA at AFP sa naturang lugar. Kaugnay nito, kagyat na naiulat na nagkanà ang mga sundalo ng kanilang mga tsekpoynt sa mga mayor na kalsada sa Bondoc Peninsula at Gumaca-Pitogo Road. Nagpakalat din ng mga balitang may 3 NPA na namatay at kasalukuyan silang nasa “pursuit operations”. Kinabukasan, hindi bababa sa limang trak ng sundalo ang tumuhog sa mga barangay ng Gumaca at Pitogo.
Walang katotohanan at mariing kinukundena ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army ang pagpapakalat ng pekeng balita ng 85th IBPA, 201st Brigade at SOLCOM. Walang yunit ng NPA ang napapalaban noong araw na yun. Sa halip posibleng sila-sila o misencounter ang naganap o dili kaya’y pinaputukan na naman ng mga sundalo ang mga magsasaka na naninirahan sa naturang lugar na pinaghihinalaang mga kasapi ng NPA.
Kailangang tutulan ng mamamayan ang paghahasik ng takot ng AFP sa buhay at kabuhayan ng mga Quezonin. Ginagamit ng mga berdugong sundalo ang kanilang sariling pagkakamali para maglunsad ng todo-gerang atake laban sa rebolusyonaryong mamamayan ng Quezon at pagtakpan ang nagpapatuloy nilang krimen — ang paghahasik ng teror sa kanayunan.
Nananawagan kami kay Mayor Sayat ng Pitogo at Mayor Letargo ng Gumaca at sa lahat ng lingkod-bayan ng lalawigan na masusing imbestigahan ang naturang pangyayari sapagkat malamang na mga sibilyan ang ipinapakalat na namatay na NPA. Higit sa lahat, lubhang nakakaabala at nakakabahala ang walang tigil na Focused Military Operations (FMO) ng 85th IBPA sa kanayunan ng probinsya. Huwag na nating hintaying singilin tayo ng mamamayan sa bawat pagkikibit-balikat at kawalang pananagutan sa problema ng bayan. Huwag niyo nang tularan si Digong at kapanalig nito na mulat na ginagawang libangan ang gera at paglabag sa karapatang pantao.
Salaminan ang nasabing pangyayari na ang iiwan ng rehimeng US-Duterte sa bansa ay ibayong panunupil at kahirapan. Hindi mapapasubalian na ang anim na taong panunungkulan ni Digong ay isang bangungot sa kasaysayan ng bansa na lalong nagsadlak sa aping kalagayan ng uring magsasaka at manggagawa. Marapat lamang siyang singilin ng mamamayan at pagbayarin sa kanyang mga krimen. ###