Trak ng sundalo, inambus ng NPA sa Quezon

,

Matagumpay na tinambangan ng New People’s Army ang dalawang Hummer trak ng sundalo sa Barangay dela Paz, bayan ng Buenavista sa kahabaan ng Lopez-Buenavista road, kahapon, mag-aalas-sais ng gabi.

Sa panimulang ulat, napahinto ang unang trak matapos paulanan ng bala ng mga pulang mandirigma. Walang habas namang nagpaputok sa iba’t ibang direksyon ang mga sundalo na lulan ng ikalawang sasakyan.

Ligtas na nakaatras ang yunit ng NPA na walang pinsala matapos ang ambus.

Ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command), ang yunit ng NPA na nang-ambus, “Ang aksyong militar ng NPA kahapon ay pagbibigay katarungan sa mamamayang biktima ng abusong militar sa panahon ng lockdown at focused military operations ni Duterte.”

Inihalimbawa ni del Mundo ang pang-aabuso ng mga nakatayong military at police checkpoint sa Lopez-Buenavista road na perwisyo sa mga byahero. Dagdag pa ng tagapagsalita ng NPA, “Sa unang dalawang linggo lamang ng taon, hindi na pinatatahimik ng pinagsanib na sundalo, pulis at CAFGU ang mahigit sa 20 barangay ng 5 bayan ng SQBP dahil sa kanilang panghahalihaw sa komunidad ng magsasaka. Dahil rito, hindi makapagtrabaho sa bukid ang mga tao sa takot na pagbintangan silang NPA o suporter nito.”

Nananawagan si del Mundo sa mamamayan ng lalawigan na manindigan sa pagpapatigil ng operasyong militar ng 59IB at 85IB sa tabing ng lockdown at pandemyang Covid-19. “Sa halip, tulong medikal sa anyo ng buwanang subsidyong pinansyal, pansamantalang pagpapatigil sa pagbabayad ng utang, pagdaraos ng information seminar, pagpapadala ng medical worker ang dapat na atupagin sa panahon ng pandemya.”

Nataon ang taktikal na opensiba sa ika-34 na taong paggunita sa Mendiola Masaker kung saan 13 magsasaka ang namatay nang sila ay pagbabarilin ng armadong elemento ng gubyerno noon ni Corazon Aquino. Nananawagan noon ang mga magsasaka ng pagpapatupad ng reporma sa lupa sa kauupong pangulo ng bansa matapos mapatalsik sa isang popular na pag-aalsa ang diktador na si Ferdinand Marcos.

Ang NPA sa bansa ay naglulunsad ng gerang magsasaka na ang layunin ay magpatupad ng tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng pabuwag sa monopolyong-kontrol sa lupain ng malalaking panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito sa magsasakang Pilipino.#

Trak ng sundalo, inambus ng NPA sa Quezon