Tugon hinggil sa pahayag ng Solcom-AFP
Taliwas sa lason at kasinungalingang inihahasik ng Southern Luzon Command-Armed Forces of the Philippines (SOLCOM-AFP), ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ay nanatiling matatag at mahigpit ang pagkakaisa.
Mariing pinabubulaanan ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang pahayag ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philipines (SOLCOM-AFP) na nagkakagulo at demoralisado ang New Peoples Army sa rehiyon dahil sa pagkadakip kay kasamang Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng Melitor Glor Command ng NPA-Southern Tagalog.
Malinaw na ang pahayag ng SOLCOM-AFP ay desperadong hakbang upang muling maghasik ng kaguluhan at intriga sa hanay ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon at buong bansa. Nais nilang lumikha ng “panic scenario” upang papaniwalain ang taumbayan na nagkakagulo na ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at sa kabilang banda palabasin na ang SOLCOM-AFP na nagtatagumpay sa kanilang kontra rebolusyonaryong digma laban dito.
Hindi na ninyo kayang linlangin at lasunin ang kaisipan ng mamamayan sa rehiyon at bansa sa pamamagitan ng inyong mga taktikang saywar. Wala nang maniniwala sa AFP at PNP. Muhing-muhi na ang taumbayan sa inyo at lalong higit sa inyong among pasista, traydor, korap at mamamatay taong rehimeng US-Duterte.
Ang buong rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa rehiyon ay nanatiling matatag at determinado na isulong sa isang bago at mas mataas na antas ang demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB) sa kabila ng pangyayari kay Kasamang Jaime Padilla. Laging handa ang rebolusyonaryong kilusan sa mga susuungin nitong panganib at sa di inaasahang pangyayaring katulad sa pagkahuli kay Ka Jaime Padilla. Batid ng bawat isa na bahagi ito ng pakikibaka at sakripisyo na kailangang paghandaan ng mga rebolusyonaryo sa kurso ng kanilang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at sosyalismo. Pinanday ang mga rebolusyonaryo sa mga kahirapan at sakripisyo, sa buhay at kamatayang pakikibaka na may mataas na kahandaang i-alay ang tanging buhay kung kinakailangan alang alang sa rebolusyon at sa bayan.
Ang ganitong di magagaping diwa ng rebolusyonaryong kilusan ay wala sa mersenaryo, pasista at anti-mamamayang SOLCOM-AFP. Kaya ganun na lamang kamahal ng mamamayang Pilipino ang CPP-NPA-NDFP. Habang sa kabilang banda, muhing-muhi sila sa AFP, PNP at sa buong pasistang rehimeng US-Duterte.
Ang pagkadakip kay Kasamang Jaime Padilla ay maituring na pansamantalang kabiguan lamang. Hindi mapapaatras ni mapipigilan ang momentum ng pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa rehiyon. Hindi mapipilay o maaantala ang rebolusyonaryong mga gawain dahil sa mahaba ang bangko at listahan ng mga kadre at opisyal ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na maaaring pagpilian, na siyang pupuno at hahalili sa naiwang gawain ni Kasamang Jaime Padilla.
Samantala, mariin naming kinokondena ang ginawang paglipat ng mga ahente ng pasistang estado kay Ka Jaime Padilla mula sa Kampo Crame tungo sa hindi pa malamang lugar. Ang paglipat ng kulungan kay K. Jaime Padilla na hindi pinaalam sa kanyang pamilya at abugado ay maituturing na pagdukot o pagkidnap sa kanya. Malinaw na paglabag ito sa kanyang karapatang pantao para mabisita at makausap ng kanyang pamilya at mga abugado habang nasa kustodiya ng kapulisan. Hindi maiiwasang mangamba ang mga kapamilya at abugado sa maaaring sapitin ni K. Jaime Padilla na pisikal o mental tortyur sa kamay ng mga dumukot sa kanya sa Crame para makapiga ng impormasyon. Maselan ang kalagayan ng kasama na napapailalim sa medikasyon dulot ng nakitang di magandang kalagayan ng kanyang puso. Anumang masamang mangyari sa kasama ay malaking pananagutan ng pasistang rehimeng US-Duterte sa rebolusyonaryong kilusan at sa bayan.
Ang paghuli kay kasamang Jaime Padilla, bilang NDFP peace consultant, ay malinaw na paglabag ng gubyerno sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pagitan ng GRP at NDFP. Lalong nilabag ng gubyernong Duterte ang Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) nang hulihin nito si Ka Jaime Padilla habang nagpapagamot sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City sa sakit sa puso. Si Ka Jaime Padilla ng mga panahong iyon ay maituturing na hors de combat at binibigyan ng proteksyon ng CARHRIHL at iba pang internasyunal na makataong batas. Hinuli at pwersahang kinuha ng CIDG-PNP sa hospital habang sumasailalim sa pagsusuri ng mga doktor sa kanyang nararamdamang sakit sa puso.
Kondenahin ang hindi makataong pagtrato kay Kasamang Jaime Padilla bilang bilanggong pulitikal at may karamdaman.