Tuligsain ang gubyerno sa paghilot sa datos para pagtakpan ang malubhang disempleyo
Marapat na tuligsain ng mamamayang Pilipino ang pagmamasahe ng gubyerno sa datos para pagmukhaing hindi labis na malubha ang krisis sa disempleyo sa bansa. Lumilikha ang mga pahayag sa midya ng Philippine Statistics Authority (PSA) at National Economic Development Authority (NEDA) ng huwad na larawan ng umuunlad na sitwasyon ng empleyo sa bansa sa pamamagitan ng pagpokus sa mga porsyento at pagmamaliit sa absolutong bilang ng walang trabaho.
Tusong itinatago ng pahayag na bumagsak sa pinakamababang antas ang disempleyo sa 6.9% noong Hulyo mula 7.7% noong Hunyo ang katotohanang nabawasan nang 3.4 milyon ang ang bilang ng mga manggagawang may trabaho sa panahong iyon. Isinaad ng parehong sarbey na ang bilang ng may trabahong manggagawa ay bumagsak mula 45.1 milyon noong Hunyo tungong 41.7 milyon noong Hulyo.
Ang tunay na lubha ng kawalang trabaho sa Pilipinas ay ikinukubli rin sa klasipikasyong underemployed o kulang sa trabaho na ang bilang ay lumobo sa pinakamataas na antas na 8.7 milyon simula magkapandemya. Ang mga manggagawang ito na bumaling sa pansamantala at kontraktwal na mga trabaho, kabilang ang may 1.5 milyong drayber sa deliberi, na hindi kumikita ng sapat at humaharap sa walang-patumanggang paglabag sa kanilang mga karapatan sa paggawa.
Ang mga tagapangasiwa ni Duterte sa ekonomya ay pantas sa pambabaluktot ng estadistika. Hinihilot nila ang datos para ihatid ang mensaheng malayo sa katotohanan. Pinalalabas nila na ang disempleyo ay hindi na kasinlubha sa simpleng hindi pagbilang sa milyun-milyong walang trabahong manggagawa sa pamamagitan ng pagklasipika sa kanila na “di na kabilang sa pwersang paggawa.”
Ipinunto ng mismong estadistika ng PSA na ang tantos ng “labor force participation” (o mga manggagawang may trabaho at walang trabaho pero “naghahanap ng trabaho”) noong Hulyo 2021 ay bumagsak tungong 59.8% mula 63.2% noong Abril 2021, kaya may 2.67 milyong “inilaglag.” Ang datos noong Hulyo ang pinakamababa mula nagsimula ang pandemya noong nakaraan taon. Ang pinakamalubhang pagbagsak sa empleyo ay nasa sektor ng agrikultura (1.7 milyon na nawalang trabaho), malamang na resulta ng batas sa liberalisasyon ng bigas at iba pang patakarang nagdulot ng pagkawala ng trabaho ng mga manggagawang bukid.
Ang salamangkang ito sa estadisika ay mayroong epekto na ipinamumukha sa mga manggagwang sila’y nag-iisa o kakaunti lamang silang nadurusa, habang ang katotohanan ay isang malubhang krisis sa kawalan ng trabaho sa bansa dahil sa mga patakaran sa ekonomya at prayoridad ng rehimen.
Dapat iprotesta ng mga manggagawa at ng laksang walang trabaho ang panlolokong ito at paalingawngawin ang kanilang panawagan para sa dagdag na trabaho at pagwawakas sa mga neoliberal na patakarang ng rehiimeng Duterte na pumapatay sa trabaho at paigtingin ang kanilang panawagan para sa tunay na pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo.