Tuligsain ang mga ipinataw-ng-US na neoliberal na batas ni Duterte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Duterte sa tripleng ulit na pambansang pagtataksil at sagadsaring pamamaninkluhod sa imperyalistang US sa kamakailang sunud-sunod na pagpirma sa pag-amyenda sa Public Service Act, amyenda sa Foreign Investments Act, at sa Retail Trade Liberalization Act. Lalong pinatitibay ng mga neoliberal na batas na ito ang mga pang-ekonomyang interes ng mga imperyalista sa bansa at isasadlak ang ekonomya sa pagiging palaasa.

Ang pag-amyenda sa Public Service Act (Republic Act 11659) na pinirmahan ni Duterte noong Lunes ay magpapahintulot sa dayuhang mga kapitalista na lubos na magmay-ari at magpatakbo ng mga empresa sa telekomunikasyon, lokal na biyahe ng barko, tren at subway, mga airline, mga expressway at tollway at mga paliparan na maghahawan ng daan para lubusang hawakan ng dayuhang mga kapitalista ang mga kritikal na imprastruktura ng bansa. May mga dahilan ng pambansang soberanya at seguridad ang mga bansang rumerespeto sa sarili tulad ng US at China na ipinagbabawal nila ang mga dayuhang kapitalista na kontrolin ang gayong mga larangan sa pamumuhunan. Batay sa karansan ng bansa sa ilalim ng todong-liberalisasyon, and bagong batas na ito ay hahantong sa mas mataas na gastos para sa transportasyon at komunikasyon.

Ibinaba ng Foreign Investments Act (RA 11647) na pinirmahan ni Duterte noong Pebrero ang minimum na kapital tungong $100,000 o ₱5,000,000, at ang rekisitong lakas paggawa tungong 15 (mula 50) para lubos na magmay-ari at mag-opereyt ng isang lokal na negosyo. Ang kaugnay na binagong “negatibong listahan ng dayuhang pamumuhunan” ay magbubukas din ng karagdagang mga larangan ng pamumuhunan para sa dayuhang mga kapitalista kabilang ang turismo at agrikultura na magbibigay-daan sa pagpapalawak ng mga plantasyon at proyektong ekoturismo na dati nang nagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupa.

Ang Retail Trade Liberalization Act (RA 11595), na pinirmahan ni Duterte noong Disyembre 2021, ay magpapahintuot sa dayuhang mga kapitalista na mamuhunan nang kahit ₱10 milyon (mula ₱127 milyon sa ilalim ng orihinal na batas noong 2000) para makapagbukas ng tindahan ng pagtitingi sa Pilipinas, na tiyak na magdudulot ng hindi patas na kompetisyon sa katamtamang laki at maliliit na mga magtitinging Pilipino, at ibyaong magpapabaha ng dayuhang produkto imbes na mga bilihing gawang-Pilipino.

Lugod na lugod sa mga batas na ito ang embahada ng US, ang American Chamber of Commerce at iba pang samahan ng mga dayong kapitalista sa Pilipinas, kasama ang kanilang mga ahenteng lokal sa Employers Confederation of the Philippines (Ecop) at iba pang lokal na malalaking grupo sa negosyo. Matagal na nilang ipinananawagan ang mga hakbang na ito kasabay nang iginigiit nilang pag-amyenda sa konstitusyong 1987 na naglilimita sa mga dayuhang kapitalista na magmay-ari nang 60% ng lokal na negosyo.

Sa mga amyendang neoliberal na ito, pahihintulutan na ang malalaking dayuhang kapitalista na magmay-ari ng 100% sa lokal na negosyo sa halos lahat ng aspeto ng ekonomya, maliban sa halos hindi naman umiiral na “industriya sa depensa.” Sinundan nito ang magkakasunod na patakaran sa nagdaang mga dekada na nagbigay ng paparaming karapatang pang-ekonomya sa dayuhang mga kapitalista sa bansa at kontrol sa ekonomya.

Ibinalik ng tripleng hakbang na ito ang bansa sa panahon ng Parity Rights Amendment sa ilalim ng Bell Trade Act noong 1946 na nagbigay sa mga Amerikano ng pantay na karapatan na gumamit ng yamang pang-ekonomya ng bansa, bukod pa sa ibang mga patakarang nagtali at nagpailalim ng ekonomya ng bansa sa US.

Ang mga hakbanging neoliberal na ito ay huli sa mga kasunduan at batas pang-ekonomya na idinikta ng US sa huling 75 taon na humawan sa daan para sa mga kumpanyang Amerikano at alyadong imperyalista para hulmahin, dominahan ang bansa bilang pagkukunan ng murang hilaw na materyales (kahoy, mineral, tubo, saging, buko, pinya), at permanenteng isadlak ang bansa sa kasalukuyang hindi industriyal, atrasado at agraryan na estado.

Ang reaksyunaryong konstitusyong 1987 ay naglaman ng mga probisyong “proteksyunista” bilang tugon noon sa malakas na sigaw para sa nasyunalismo sa ekonomya matapos ang pagbulusok ng ekonomya dulot ng mga dikta ng IMF at World Bank sa panahon ng diktadurang US-Marcos. Ang mga ito, gayunman, ay lansakang niyurakan simula huling bahagi ng dekada 1980 nang magkakasunod na papet na rehimen sa pamamagitan ng mga batas at hakbangin tulad ng batas sa awtomatikong paglalaan ng pondo sa utang, ang serye ng mga “debt restructuring” sa atas ng IMF na nagresulta sa pagkaltas ng pondo para sa serbisyong sosyal, ang Electric Power Industry Reform Act, and paiksi nang paiksing “negatibong listahan” ng mga erya sa pamumuhunan na nakareserba para sa mga Pilipino, ang pagpasok ng bansa sa GATT at World Trade Organization (GATT/WTO), ang Oil Deregulation Law at pagpihit ng mga patakaran para sa liberalisasyon sa importasyon, kasama ang liberalisasyo ng importasyon ng bigas, na nagresulta sa pagbaha ng sarplas na imported na produkto sa kapahamakan ng lokal na maliliit na nagmamanupaktura at agrikultural na prodyuser.

Sa pagbaklas sa lahat ng proteksyon sa lokal at maliliit na independyenteng kapitalista, ang neoliberal na mga pag-amyenda ng rehimeng Duterte ay hahantong sa pagkalipol sa pambansang burgeysa, ang pagpatay sa kasarinlang pang-ekonomya at ibayong paglubha ng kalagayang sosyo-ekonomiko ng bayan.

Ang mga hakbanging neoliberal na ito ay magpalulubha sa pagiging palaasa ng bansa sa dayuhang kapital at dayuhang pautang at sa oryentasyon nito sa pag-eeksport ng mababang dagdag-halagang mga mala-manupaktura na nakaugnay sa pandaigdigang assembly line na kontrolado ng mga korporasyong multinasyunal. Palulubhain nito ang kawalang-kakayahan ng bansa na makatindig sa sarili nitong mga paa.

Huwad ang pagpapangako ng mga tagapagtaguyod ng mga hakbanging neoliberal na ito na ang pagpasok ng karagdagang mga dayuhang kapitalista ay magdadala ng mas maraming trabaho at magpapababa sa gastos sa transportasyon at telekomunikasyon. Madali itong pasubalian ng kongkretong karanasan ng mamamayan sa ilalim ng todong liberalisasyon ng mga pampublikong yutilidad gaya ng sa tubig at kuryente sa nagdaang ilang dekada, kung saan kumakamkam ng napakalaking tubo ang mga subsidyaryo at katuwan ng mga dayuhang kumpanya sa pamamagitan ng pataas nang pataas na singilin sa milyun-milyong konsumidor.

Ang mga neoliberal na hakbanging ito ay itinutulak ng mga dayuhang monopolyo kapitalista sa kanilang desperasyong buksan ang lahat ng posibleng larangan ng pamumuhunan sa harap ng matagalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista kung saan labis-labis ang suplay ng mga kalakal, labis na akumulasyon ng hindi maipuhunang kapital at bumabagsak na tantos ng kita. Ang mga neoliberal na batas na ito ni Duterte ay desperadong panawagan para sa ganid-sa-tubong dayuhang kapitalista na mamuhunan sa Pilipinas para sairin ang malakolonyal at malapyudal na sistema.

Dapat patuloy na itaas ng mamamayang Pilipino ang kanilang pambansa-demokratikong mga kahingian at idiin ang kanilang panawagan para sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa bilang susing mga patakaran para paunlarin ang ekonomya, lumikha ng trabaho, bawasan ang pagsalalay sa dayuhang kapital, at itaas ang kakayahan ng bansa para magmanupaktura ng batayang pangangailangan gayundin ng bagong tipo ng mga produkto.

Dapat tuligsain ng mamamayang Pilipino ang pambansang pagtataksil ng rehimeng Duterte sa tripleng neoliberal na mga hakbangin na ibayong patitindihin ang dominasyon sa ekonomya ng dayuhang monopolyo kapitalista at imperyalistang kontrol sa ekonoya, at patuloy na maglunsad ng lahat ng anyo ng pakikibaka at rebolusyonaryong paglaban para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Tuligsain ang mga ipinataw-ng-US na neoliberal na batas ni Duterte