Tuligsain ang PNP sa pagtatakip nito sa pasistang malawakang pagpatay
Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Philippine National Police (PNP) sa ginawa nitong pagtatakip at pagmenos sa lawak ng pasistang maramihang pamamaslang na kagagawan kapwa ng mga pulis at death squad ni Duterte sa pagpapatupad ng umano’y “drug war” ni Duterte.
Tinutuligsa ng PKP ang PNP sa pagtanggi nito sa panawagan ng mga kilala sa buong mundo na tagapagtaguyod ng karapatang-tao na imbestigahan ang laganap na kaso ng pamamaslang sa pagsabing ang mga operasyon ng pulis sa “pangkalahata’y lehitimo at malinis ” at na lumaki ang bilang ng mga napaslang dahil ang mga suspek ay “nanlaban.”
Mula nang manungkulan sa kapangyarihan nung 2016, walang-habas na naghasik ng pasistang karahasan si Duterte laban sa mamamayan sa kanyang gera kontra droga laluna sa mahihirap sa maralitang komunidad. Sa paulit-ulit na pagsasabi nito na ang mga gumon sa ilegal na droga ay walang karapatang mabuhay, sinulsulan ni Duterte ang mga pulis at mga death squad na isagawa ang maramihang pagpatay.
Halos tatlong taon na ang malawakang pasistang pamamaslang ni Duterte. Humigit kumulang 35,000 katao ang pinaslang ng mga pasistang tauhan ni Duterte. Kasama sa bilang na ito ang 6,600 naiulat na napatay sa mga operasyong likidasyon na nakatago sa likod ng diumano’y “lehitimong operasyon.” Iniulat din ng pulis ang di-pangkaraniwang mataas na bilang ng 29,000 na kaso ng “pagpatay na iniimbestigahan” simula Hulyo 2016, kung saan pinaniniwalaang kagagawan ng mga death squad ni Duterte, na karamiha’y pinatatakbo rin ng pulis o ng Malacañang mismo.
Ang gera kontra droga ni Duterte ay walang iba kundi gera ng mga sindikato sa droga. Tanda ito ng sobrang lalang “narcopolitics” kung saan si Duterte ang pinaka-amo, kasabwat at kakumpitensya ng mga dayuhang kartel sa droga na nagnanais kontrolin ang kalakalan ng droga sa bansa at ang gamitin ang Pilipinas bilang internasyunal na daanan ng droga.
Dumugtong ang gera kontra droga ni Duterte sa kanyang kampanya laban sa mga progresibo at patriyotikong pwersa sa anyo ng “kontrainsurhensya” o “pagwawakas sa lokal na komunistang armadong tunggalian.” Gusto ni Duterte na
gamitin ang pasistang paraan ng maramihang pagpatay subalit napipigilan ng malawakan at organisadong paglaban.
Daan-daang mga magsasaka at iba pang aping mamamayan ang pinapaslang ng mga pwersa ng militar at pulis, paramilitar at iba pang armadong grupo ng estado, habang libu-libo ang napupwersang umalis sa kanilang komunidad dahil sa walang tigil na operasyong militar. Ilang daang mamamayan ang iligal na inaresto, ikinulong, tinortyur, ni-”red-tag”, sinindak at pinagbantaan. Libu-libo ang tinitipon at pilit na pinalalabas ng militar na mga “rebeldeng sumuko”.
Nananawagan ang PKP sa lahat ng biktima ng pasistang rehimen ni Duterte na magbangon at ipaglaban ang hustisya at ipakita sa buong bansa at sa internasyunal na komunidad ang malalang kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas na resulta ng pasistang panunulsol ni Duterte at malaganap na pag-abuso sa kapangyarihan ng militar at pulis.
Hinihimok ng Partido ang lahat ng mga ina, kamag-anak, at kaibigan ng lahat ng pinaslang, ikinulong, at di makatarungang inusig ng rehimen na mag-organisa at lumaban.