Tuloy-tuloy ang misencounter ng Army sa Quezon
Kahapon ng umaga, isa na namang misencounter ang nangyari sa mga sundalo ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army na nag-ooperasyon sa Sityo Pinaglaraan, Barangay Cawayan ng bayan ng Gumaca.
Iniulat ng mga nakarinig ng putukan ang inakalang labanan sa pagitan ng sundalo at NPA na nagkaroon ng ilang minutong barilan, pero maya-maya pa ay nagsigawan ang magkabilang pangkat na pare-pareho silang sundalo.
Ayon sa pahayag ni Ka Cleo del Mundo, ang ganitong kapalpakan sa focused military operations ng Armed Forces of the Philippines ay resulta ng paghahabol ng mga sundalo sa kanilang dedlayn na wakasan ang rebelyon ng CPP-NPA sa bansa, kung saan napipilitang magdeploy ng malaking bilang ng tropa sa maliit na saklaw.
“Resulta rin ito ng mapanlinlang na paraan ng AFP na magsuot ng uniporme ng NPA o kaya ay magbihis-sibilyan sa kanilang mga operasyon,” dagdag ng tagapagsalita ng NPA sa Quezon.
Noong Marso 5, pagkatapos mapalaban ang isang yunit ng AMC-NPA sa umaatakeng sundalo ng 85IBPA, naglabas ng balita ang 201st Infantry Brigade na nagkaroon ng kasunod na labanan sa Sityo Sinuutan ng Barangay Malabahay sa bayan ng Macalelon.
Mariin itong pinabulaanan ni del Mundo. Aniya, walang ibang labanan noong araw na iyon bukod sa nangyari sa Sityo Colong, Barangay San Francisco-B ng Lopez kung saan hindi bababa sa tatlong (3) sundalo ang namatay matapos silang masabugan ng bomba.
Matatandaan na noong buwan ng Pebrero, pinabulaanan din ng AMC-NPA at tinawag na fake news ang inilabas na balita ng 201st Infantry Brigade, na ayon sa NPA ay para pagtakpan ang sunud-sunod na misecounter sa hanay ng AFP.#