Tumangan ng armas at kamtin ang tunay na kalayaan — NPA-Bikol
Raymundo Buenfuerza | Spokesperson | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
June 09, 2020
Sa darating na Araw ng Kalayaan, pinagpupugayan ng RJC-BHB Bikol ang kapasyahan ng mamamayang ipaglaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kalayaan. Nakikiisa ang Pulang hukbo ng Kabikulan sa kolektibong hangarin ng sambayanang lumaya mula sa kontrol at pagsasamantala ng mga dayuhan at mga papet nila sa bansa. Malaon nang hinahangad ng mamamayang Pilipinong matamasa ang tunay na kalayaan. Higit pang nagniningas ang mithiing ito sa panahong lahatang-panig na sinisikil ng pasismo at imperyalismo ang kalayaan ng taumbayan.
Lantarang isinasantabi ng rehimeng US-Duterte ang kalayaan at karapatan ng mamamayang Pilipino. Ipinapain ni Duterte ang mga teritoryo ng bansa para sa suporta ng mga imperyalista sa kanyang diktadurang paghahari. Buong bangis niyang hinaharap ang rebolusyonaryong kilusan, ngunit duwag kung harapin ang mga banta ng Tsina at US na angkinin ang iba’t ibang bahagi ng bansa at gamiting mga base militar. Ang labis na kahirapang nararanasan ng masang anakpawis, laluna sa gitna ng pagharap sa Covid-19, ay resulta ng matagal nang nanunuot na krisis dulot ng neoliberalismo. Binabawi at yinuyurakan ng pasistang estado ang mga karapatang matagal nang ipinaglaban ng mamamayan.
Ang tunay na paglaya ng mamamayan ay laging ibinubunsod ng kanilang pag-aarmas at paglaban. Hindi kailanman kusang-loob na ibinibigay ng mga kolonyalista at imperyalista ang kalayaan ng mamamayan.
Ang mga demokratikong karapatang tinatamasa ng taumbayan ngayon ay resulta ng daan taong pag-aalsa at armadong paglaban mula sa pananakop ng mga dayuhan hanggang sa mga papet at pasistang rehimen. Masalimuot at puno man ng sakripisyo ang landas ng rebolusyon, ito ang tanging landas upang maipundar ng mamamayan ang lipunang tunay na malaya.
Sa unti-unting pagbubuo ng mga rekisitos para sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, naitatayo na ang mga binhi ng organong pampulitika sa kanayunan. Ipinapamahagi ang mga nakumpiskang lupa sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo. Kabilang sa programa nito ang pagpapaunlad ng agrikultura tungo sa pagbubuo ng sariling industriya sa bansa. Sa pamamagitan nito, hindi na sasalig ang kagalingan ng taumbayan sa mga tagibang na kasunduan at patakaran ng mga imperyalista at umuusbong na kapitalistang bansa.
Mahigpit na nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa mamamayang panghawakan ang kapasyahang lumaban para sa tunay na kalayaan. Gawing inspirasyon ang kapangahasan nina Bonifacio, Simeon Ola at Elias Angeles sa paglaya mula sa mga kolonyalista. Bukas ang mga sonang gerilya at yunit ng hukbo sa lahat ng handang tumangan ng armas para labanan ang pasismo ng estado at tuluyang ibagsak ang imperyalismo.
Talingkas sa pagkaoripon!
Lumaban at lumaya!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Tumangan ng armas at kamtin ang tunay na kalayaan -- NPA-Bikol