Tumindig sa harapan ng pakikibaka para sa sosyalistang bukas!
Kasama ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino, malakas na ipinagbubunyi ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-NDF-ST) ang ika-52 anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM)!
Mataas na pagpupugay din ang ipinaaabot ng RCTU-NDF-ST sa lahat ng mga kasapi at kadre ng Partido, kumander at mga Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, mga rebolusyonaryong masa sa kalunsuran at kanayunan.
Iginagawad namin ang aming pinakamataas na pagpupugay sa mga pinagpipitagang bayani at martir ng rebolusyon sa kanilang di-matatawarang kagitingan, determinasyong isulong at ipagwagi hanggang sa tagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. Magiging isang maningning na tala sa kalangitan ang kanilang mga kadakilaan, kabayanihan, at ulirang paglilingkod sa masang anakpawis at sa rebolusyong Pilipino!
Para sa mga uring proletaryado ng buong Timog Katagalugan at ng buong bansa, nagpatuloy lamang ang patakarang neoliberal at matinding pasismo ng estado sa mamamayan na nagdudulot ng napakalalang kahirapan, kagutuman at kamatayan. Umiral ang masidhing kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, na pinatingkad ng pananalasa ng pandemyang COVID-19 sa buong daigdig.
Sa halos isang taong pananalasa ng COVID-19 sa bansa, hindi nasawata kundi lalong pinalala lamang ng rehimen ang krisis dahil sa kriminal nitong pagpapabaya sa mamamayan at pag-una sa mga kapritso ng militarista at sikopantikong gabinete ni Duterte. Bumagsak ang ekonomyang pinagmumukhang malakas ng rehimeng US-Duterte na sa katunaya’y nakaasa sa pautang at dayuhang pamumuhunan. Inilublob nya sa kumunoy ng kahirapan at karalitaan hindi lamang ang masang anakpawis kundi maging ang nasa panggitnang saray ng ating lipunan.
Sa Timog Katagalugan, tatlong taon nang walang dagdag na sahod ang mga manggagawa, na lalong nagpalala sa kadusta-dustang kalagayan ng kanilang mga pamilya. Bumigat lamang ang pasanin ng mamamayan dulot ng nagtaasang presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang mga mahahalagang serbisyo. Umaabot na ang masang anakpawis sa antas na nawawalan na sila ng kakayahang bumili maski ng pagkain — na nagtulak sa karamihan na makipagsapalaran sa kalsada, o umuwi sa kanilang mga probinsya upang makapaghanap ng ibang hanapbuhay.
Kinumplika pa ang abang kalagayan ng mga anakpawis sa rehiyon ng ilang taon nang pag-implementa ng hiwa-hiwalay na tantos ng sahod sa kada bayan at lungsod at ng Two-Tiered Wage System. Nilagay nito ang rehiyon sa pinakasiil na kalagayan para mamuhay at pwersahin ang pagkakapiit sa kanila sa mga engklabo at parkeng industrial. Kulminasyon ito ng ilang dekadang pagiging laboratoryo ng rehiyon sa siil at murang paggawa.
Bago pa man lumaganap ang pandemyang COVID-19 sa bansa, maraming manggagawa na ang nadisloka sa kanilang mga hanapbuhay. Kinumpirma ng mga independyenteng mananaliksik sa ekonomya ang ibayong pagliit pa ng bilang ng mga trabahong pwedeng pamasukan ng mga manggagawa dahil na rin sa dalang mga manggagawa ng Tsina, kapalit ng kanilang mga mabibigat na pautang sa mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build, at dahil sa paghugos ng mga POGO ng Tsina sa bansa.
Nang pinatupad naman ang militaristang lockdown, una sa NCR at sumunod ay sa buong bansa, hinayaan ng gobyerno ang mga manggagawa na makipagsapalaran sa panganib ng bayrus at bumuo ng sariling mga mahihirap at magagastos na diskarte upang manatili sa kanilang trabaho habang lockdown. Kakarampot at huli na nang naisipang magbigay ng ayuda ang gobyerno, na nakabenepisyo lamang sa maliit na porsyento ng mga manggagawa.
Lumobo pa ang mga kaso ng COVID-19 sa mga pagawaan dahil sa kakulangan ng mga sapat na probisyon upang gawing ligtas ang mga pagawaan, engklabo at manggagawa mula sa bayrus. Sangkatutak ang mga kwento ng mga manggagawang napipilitang maglakad araw-araw papunta sa kanilang trabaho dahil sa pagpapasara ng gobyerno sa pampublikong transportasyon. Hindi na rin nakapagbukas pa ang ibang mga maliliit na negosyo dahil sa malaking pagkalugi dulot ng militarisadong lockdown. Nagtaingang-kawali pa si Duterte nang hindi nito pakinggan ang mga maiingay na panawagan para sa malawakan at libreng testing para sa mga frontliners at mga na-expose sa bayrus, katambal ng maagap na pagtunton sa mga potensyal na mahawa ng sakit.
Ngunit lalong mas maraming naging biktima ng pasistang rehimen ni Duterte. Sa halos sampung buwang ipinatupad ang iba’t ibang porma ng lockdown sa bansa, naging talamak ang samu’t-saring pag-aaresto sa mamamayan sa tabing ng pagpapatupad umano ng mga patakaran sa community quarantine. Naging maluwag naman para sa mga elemento ng AFP at PNP na maghasik ng lagim sa mga lunsod at bayan ng rehiyon. Mula sa pagpapapila at pagpapabilad sa araw ng mga pulis at militar sa mga lumabag sa quarantine, o pagkukunwaring mga nag-aabot ng ayuda ngunit naniniktik na pala at nagbabanta sa mga binibisita nito, hanggang sa walang-patumanggang pamamaril, naitanghal ang mapanupil at mamamatay-taong karakter ng AFP-PNP.
Matagal nang naghahasik ng lagim at panghaharas sa Timog Katagalugan ang Southern Luzon Command ng AFP (AFP SOLCOM) sa pamumuno ng sinungaling at ulol na berdugong heneral na si Lt. Gen. Antonio Parlade. Aktibo ang SOLCOM at mga yunit nito, katuwang ang PNP-PRO4A sa paglulunsad ng malawakang panunupil at karahasan sa mga lider manggagawa, organisador at maging sa mga pangkaraniwang manggagawa na nasa ilalim ng pangrehiyong sentro ng kilusang paggawa at pederasyon.
Nagtutuloy-tuloy ang kaliwa’t-kanang pagbabahay-bahay nila para takutin ang mga lider manggagawa at organisador, maging sa kanilang mga kapamilya upang palitawin bilang mga sumukong NPA. Ginawa nila ang malawakang red-tagging at pananakot sa mga lider manggagawa ng Coca-Cola at iba pang mga militanteng unyong inuugnay nila sa CPP-NPA.
Patunay lamang ito ng napakalaking desperasyon ng rehimeng US-Duterte na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan sa kanyang sariling taning bago matapos ang kanyang termino.
Ito ang nagbibigay ng masidhing galit ng mamamayan. Sa harap ng mga paninindak ni Duterte, ang demokratikong rebolusyon ng bayan na pinamumunuan ng uring proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang nagsisilbing gabay ng mamamayan para sa kagyat na pagpapabagsak sa pasistang rehimen ni Duterte, at sa huli ay upang itayo ang lipunang ganap na magsisilbi sa mga proletaryo at mamamayang Pilipino.
MABUHAY ANG IKA-52 ANIBERSARYO NG PKP-MLM!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!