Tumitindi ang pangangailangang tumangan ng armas at panagutin si Duterte sa di-matatawarang kampanyang pamamaslang ng AFP-PNP-CAFGU sa Kabikulan!
Pinaslang ng mga elemento ng Retooled Community Support Program (RCSP) team ng 9th IDPA si July Barotillo, barangay secretary ng Brgy. Lamon, Goa, Camarines Sur noong Oktubre 1, 2021, bandang 8:00 ng gabi. Ang naturang pamamaslang ay bahagi ng kampanyang pandarahas ng militar at pulis sa rehiyon upang supilin ang lahatang-panig na paglaban ng masang Camarines Sur sa malawakang militarisasyon sa prubinsya sa ilalim ng operasyong RCSP.
Ang pagpatay kay Barotillo ang ika-204 na kaso ng pampulitikang pamamaslang ng mga ahente ng estado sa Kabikulan mula nang maupo sa pwesto si Duterte. Lahat ng mga biktima ay pawang mga sibilyang pinalabas na pinaratangang ‘nanlaban’ o kaya’y pinatay sa kasagsagan ng mga operasyong militar at pulis.
Armadong pwersa ng estado laban sa mga sibilyan: ito ang larawan ng maruming gerang panunupil ni Duterte at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na ipinapatupad ng 9th IDPA at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) sa rehiyon. Nakabatay ang paghahari ni Duterte sa patakarang pumatay nang pumatay. Kaya may NPA man o wala, mandato ng militar at pulis ang sistematikong pagtarget sa di-armadong mamamayan at kanilang mga komunidad. Ito ang nangyari sa libu-libong pinaslang sa ilalim ng gera kontra-droga at Martial Law sa Mindanao.
Subalit ang malawakang kampanyang pamamaslang at pagbaling sa sibilyan ng 9th IDPA at JTFB ay hindi kailanman naging tanda ng pananagumpay ng gera kontra-insurhensya ni Duterte sa rehiyon. Bagkus, dulot ng maramihang pagpatay at walang kaparis na kahirapan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, lalong nagliliyab ang kapasyahan ng masang Bikolano na isulong ang armadong rebolusyonaryong paglaban sa terorismo ng estado at tiraniya ng pasistang rehimen. Patunay dito ang matatagumpay na aksyong militar ng mga yunit ng Hukbo sa rehiyon, kabilang ang operasyong isnayp ng Tomas Pilapil Command – BHB East Camarines Sur sa Brgy. Scout Fuentebella laban sa mga militar na naglulunsad ng RCSP sa bayan ng Goa at aksyong pamamarusa ng Santos Binamera Command- BHB Albay sa kontrarebolusyonaryong kriminal na si Police Staff Sergeant Allan Madelar.
Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap para sa masang Bikolano ang pananahimik at pagsasawalang-kibo sa harap ng pangangailangang panagutin si Duterte at ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang patung-patong na krimen. Tiyak na makakatuwang ng masang Bikolano ang rebolusyonaryong kilusan sa laban para sa kanilang buhay, kabuhayan at kinabukasan. Hamon para sa bawat yunit ng Hukbo, mga komite ng Partido sa iba’t ibang antas at sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa na pangibabawan ang anumang kahirapan sa pagharap sa atakeng militar, pataasin ang kakayahan sa pakikidigmang gerilya at pandayin ang kanilang nagkakaisang lakas upang tuluyang biguin ang tumitindi pang maruming gerang panunupil ng rehimeng US-Duterte.