Tumitinding pasismo ng estado sa Kabikulan

,

Walang lubay ang rehimeng US-Duterte sa pagwawasiwas ng teror kahit sa gitna ng tumitinding pandemya at iba pang sakuna. Sunud-sunod na pamamaslang at iligal na pang-aaresto ang isinagawa ng magkakumbinang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU sa Kabikulan sa unang linggo pa lamang ng Mayo. Hindi bababa sa lima ang pinaslang sa loob lamang ng dalawang buwan. Tuluy-tuloy ang iligal na pag-aresto, red-tagging at panghaharas laluna sa hanay ng mga makabayan at progresibo. Ito ang mga naitalang paglabag sa karapatang tao mula sa loob lamang ng halos dalawang buwan:

Pagpaslang kina Greg at Uno, mga residente ng Brgy. Progreso, San Miguel, Catanduanes noong Marso 31.

Pagpaslang kay Brgy. Kgwd. Froilan Oaferina III noong Abril 25. Di umano’y matagal nang high value target si Oaferina dahil sa iligal na pagbebenta ng mga armas. Ayon sa anak ni Oaferina, mayroong mga bisitang pahinante ng trak ang kanilang ama nang lusubin ng PNP ang kanilang bahay. Pinalabas ng PNP ang lahat ng taong nasa loob ng bahay, matagal na ininteroga si Oaferina at tsaka pinagbabaril. Mariing pinabulaanan ng pamilyang Oaferina ang pahayag ng PNP na nanlaban ang kanilang padre de pamilya, gayong wala itong baril. Si Oaferina ang ika-46 naitalang upisyal ng barangay na pinaslang ng rehimeng US-Duterte.
Iligal na inaresto at idinetine ang mga lider ng progresibo at makabayang organisasyon na sina Dan Balucio ng Bagong Alyasang Makabayan-Bikol (BAYAN-Bikol), Sasa Sta. Rosa ng Anakbayan-Naga, at Justine Mesias ng Youth Act Now Against Tyranny-Bikol (YANAT-Bikol).

Pinaslang si Marlon Collantes at inaresto naman si Jo Begonia ng Brgy. Payatan, Goa, Camarines Sur noong Mayo 2.

Dinukot mula sa kanyang tahanan si Gerardo Abla sa Brgy. Tongo, Siruma, Camarines Sur at pagkatapos ay pinaslang at pinalabas na napatay na kasapi ng BHB sa isang pekeng engkwentro Caramoan, Camarines Sur nitong Mayo 14.

Pagpaslang kay Ed Navalta, coordinator ng Camarines Sur People’s Organization (CSPO) para sa unang distrito sa Ragay, Camarines Sur noong Mayo 18.

Tuluy-tuloy ang sosyoekonomikong pinsala sa komunidad at mga paglabag sa karapatang tao dulot ng militarisasyon sa mga baryong saklaw ng focused military operations (FMO), Retooled Community Support Program (RCSP) at iba pang brutal na mga operasyon ng pwersang AFP-PNP-CAFGU. Inookupa ng mga yunit ng militar ang mga sibilyang pasilidad na labag sa International Humanitarian Law o batas ng digma.

Pinatutunayan ng tumitinding pasismo at terorismo ng estado ang napakalaking takot ng rehimeng US-Duterte sa sambayanan. Takot siya sa mga namumulat at nagtatanggol-sa-sariling mamamayan. Takot siya sa lahat ng determinadong magsulong ng kanilang mga karapatan at demokratikong interes. Takot siya sa mga nangangahas kumilos para sa kanilang kagalingan at kinabukasan. Takot siya sa nagkakaisang mamamayang tiyak na magpapaguho sa kanyang paghahari. Ilang buwan bago magtapos ang termino ni Duterte, hindi maitago ang kanyang desperasyong panatilihin ang naghihingalong kapit sa poder ng kapangyarihan.

Ngunit anumang bigwas ang kanyang gawin, hindi na maaapula ng rehimeng US-Duterte ang pagngangalit ng mamamayan. Sa bawat araw ni Duterte sa pwesto – mula noong 2016 hanggang sa kanyang kainutilan at patuloy na pandarahas sa gitna ng ligalig at mga krisis dulot ng mga sakuna at pandemya sa kasalukuyan, lalong nag-aalab ang pagnanais at kapasyahan ng mamamayang ibagsak ang utak-pulbura at pahirap na diktador. Saanmang bahagi ng kapuluan, para sa hanay ng anakpawis hanggang sa hanay ng mga propesyunal at pambansang burgesya, si Duterte ang numero unong mamamatay-tao. Kasama ang NDF-Bikol at ang buong rebolusyonaryong kilusan, determinado ang mamamayang Pilipinong lumaban at magbalikwas!

Tumitinding pasismo ng estado sa Kabikulan