Tunay na panlipunang pagbabago, hindi huwad na ECLIP program ang panawagan ng mamamayan
November 22, 2019
Kung ipagmayabang ni Maj. Ricky Aguilar, tagapagsalita ng 9th IDPA, ang limpak-limpak na pondong ginagastos nila para sa kampanyang pagpapasurender ay tila ba tuwang-tuwa pa siyang nawawaldas ang kabang-bayan para sa walang katuturang pang-aatake nila sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Paano man bihisan, sadyang lumilitaw ang babaw at labnaw ng pagsusuri ng mersenaryong hukbo sa kalagayan ng lipunang Pilipino.
Paano naman matutugunan ng ipinagyayabang na P450,000 pondo sa pabahay at kung anu-ano pang pabuya kapalit umano ng pagsuko ang problema ng masa sa kahirapan kung wala ngang programa ang gubyerno para sa milyun-milyong pamilyang walang katiyakan sa panirahan at trabaho? Ano ang kakayahan ng berdugong militar mangakong ECLIP ang tugon sa suliranin ng masa sa kabuhayan kung ni wala ngang anumang malinaw na programa para sa lupa ang rehimen? Tatlong taon na ang lumipas ngunit wala ring anumang makabuluhang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa, laganap pa rin ang kontraktwalisasyon at lalo pa ngang bumagsak ang bilang ng nalilikhang trabaho. Kaya bang solusyunan ng Oplan Kapanatagan ang pagkalumpo ng ekonomyang dulot ng mga patakarang neoliberal na ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Duterte?
Para sa kaalaman ni Aguilar, pinatutunayan lamang ng kanyang pahayag kung ano ang tunay na prayoridad ng pagpopondo ng rehimeng US-Duterte – pasismo at hindi mga serbisyong tunay na magsisilbi sa mamamayan. Linalayon lamang niyang iwasiwas ang pasismo upang busalan ang paglaban ng sambayanan. Sa katunayan, sa panukalang P4.1 trilyong badyet para sa 2020, pumapalo sa P2.1 trilyon ang kabuuhang badyet para sa pasismo at pork barrel ng mga pulitiko. Habang nagkaroon ng malalaking bawas sa badyet ng sektor edukasyon, agrikultura, industriya at paggawa at kalusugan, lumobo naman ng halos doble ang badyet para sa depensa. Umaabot sa P236.2 bilyon ang badyet ng Dept. of Interior and Local Government (DILG) at P189 bilyon naman ang Department of National Defense (DND). Katumbas ito ng lampas 9% bahagdan sa kabuuhang badyet. Mayroon ding P8.28 bilyong badyet na nakalaan para sa confidential at intelligence funds ng iba’t ibang ahensya kabilang na ang Tanggapan ng Pangulo.
Samantala, P8.4 bilyon lamang ang nakalaan para sa Department of Agrarian Reform (DAR) at P6 bilyon lamang ang badyet ng Department of Trade and Industry (DTI). Ang Department of Social Welfare and Development ay makatatanggap lamang ng P158.6 bilyon.
Ang pondo para sa ECLIP at mga kahalintulad na proyekto ay nagsisilbi lamang balon ng korupsyon ng militar at pulis. Noong 2018 naglaan na ng lampas P400 milyon para sa pagpapagulong ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng Oplan Kapanatagan. Daragdagan pa ito ngayong 2020 at magbibigay ng P622 milyon para rito. Saan napunta ang pondong ito? Mayroon na bang anumang bayan sa rehiyong nagsabing nalutas ang kanilang suliranin sa kahirapan dahil sa Oplan Kapanatagan? Wala.
Nagsasayang lamang ng laway si Maj. Aguilar sa pagwawasiwas ng kung anu-anong benepisyo umanong matatanggap ng mga susuko. Ang pang-aapi at pagsasamantalang dinaranas ng masa ay hindi matutugunan ng kanilang halfway houses at kakarampot na konswelo-de-bobo. Ang panawagan ng mamamayan ay tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at makabuluhan at pangmatagalang pagbabago sa lipunang pakikinabangan hanggang sa mga susunod na henerasyon ng masang Pilipino. Sa paglalantad ng kanilang makitid na pagkalulong na gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sukat na atakehin ang buhay at kabuhayan masa, higit na nagiging malinaw na tanging sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan tunay na malulutas ang kahirapan.
Tunay na panlipunang pagbabago, hindi huwad na ECLIP program ang panawagan ng mamamayan