Tutulan ang Economic Cha-Cha ng taksil at papet na si Duterte
Limang siglo matapos sakupin ng kahariang Espanya ang Pilipinas at gawing kolonya, may panibagong banta mula sa ngayo’y mga mas makapangyarihang dayuhan sa pangunguna ng imperyalistang US at Tsina. Linalayon nilang agawin ang soberanya ng Pilipinas at tuluyang itali ang bansa sa pagiging isang malakolonya magpakailanman. Kapwa tinatangka ng dalawang imperyalistang mananakop na sagpanging lubos anumang natitira pang soberano at patrimonyal na mga karapatan at kalayaan ng Pilipinas. Habang unti-unting kinakamkam ng Tsina ang mga soberanong teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea, nariyan ang Estados Unidos bilang numero unong tagapagtulak na mabago ang Konstitusyon ng Pilipinas upang buu-buong mapasakamay at maari ang yamang-likas ng bansa.
Pinadadali ng mga taksil na gaya ni Duterte ang lubusang panlulupig ng mga dayuhan. Kasabay ng patalo at pasukong postura niya sa West Philippine Sea, lantaran ding itinutulak ng kanyang pangkatin ang 100% na pagbubukas ng ekonomya at patrimonyal na rekurso ng bansa sa mga dayuhan. Sinasamantala nila ang krisis na dulot ng palpak na pagharap ng rehimen sa Covid-19 upang palabasing ang tanging paraan upang makabangon ang bansa ay ang pagbuyangyang nito ng sarili nitong pambansang ekonomya sa dayuhang panghihimasok.
Sakaling maipasa ang economic cha-cha, hindi na lamang mga soberanong teritoryo ng bansa ang maaaring agawin ng mga dayuhang kapangyarihan kung hindi maging buu-buong larangan sa ekonomya gaya ng telekomunikasyon, edukasyon at kuryente. Ang mga ito ay susing sektor sa pagpapatatag ng pambansang ekonomya na dapat sana’y pinuprotektahan at pinalalakas ng gubyerno. Kapag napailalim na sa kontrol ng dayuhan ang mga larangan ng ekonomyang ito, malaya nang masasagad ng mga dayuhang negosyante ang pambabarat sa mga manggagawang Pilipino at ang pagpapasirit ng mga presyo ng yutilidad at serbisyong panlipunan.
Marapat lamang na tutulan ng mamamayan ang economic cha-cha, lahat ng iba pang pagtatangkang baguhin ang Konstitusyon at iba pang mga neoliberal at kontramamamayang programa. Ngayong pinatitingkad ng pandemya ang pagkabaon ng bansa sa krisis na dulot ng matagal nang pagpapakatuta ng mga reaksyunaryong gubyerno, higit lalong dapat magpunyagi ang mamamayan sa walang patlang na pagtutol at paglaban sa mga taksil na hakbangin ng rehimen. Higit sa lahat, marapat lamang na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at kumilos ang pinakamalawak na mamamayan upang tuluyan nang kalasin ang tanikala ng imperyalistang pang-aapi at pagsasamantala.