Tutulan ang importasyon ng mga produktong pang-agrikultural
Malaking kalokohan ang muli na namang pagbabandera ng reaksyunaryong gubyerno sa importasyon bilang solusyon sa sumisirit na presyo ng mga bilihin lalo ng pagkain at diumano’y di-istableng suplay ng mga produktong agrikultural. Inilulugmok ng importasyon ang kabuhayan ng mayorya ng populasyon, ang mga magsasaka, kaya kung tutuusin, ito ang nagbubunsod ng tag-gutom at disempleyo sa bansa. Dapat nang itigil ang importasyon at ibasura ang ugat nitong liberalisasyon sa agrikultura upang tunay na ibsan ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino.
Kailangan itong paulit-ulit at mas malakas na ipanawagan lalo’t importasyon na naman ang bukambibig ng rehimeng Duterte sa harap ng pinalulutang na pagtaas ng presyo ng asukal. Tusong ginagamit ng Sugar Regulatory Administration ang nakaraang kalamidad na Odette upang bigyang-matwid ang pagpapahintulot na mag-import ng 200,000 tonelada ng asukal. Anito, pag-angkop ang importasyon sa pagbaba ng produksyon ng asukal bunsod ng pinsala ng bagyo sa mga prodyuser ng asukal tulad ng Panay, Negros at Eastern Visayas. Ang totoo, sinusunod ng SRA ang interes ng mga negosyo lalo ng mga kumpanya sa pagkain at inumin, mga industrial users ng asukal, na makatipid sa gastusin. Ikatutuwa rin ito ng mga imperyalistang bayan na maaaring pagkukunan ng mas murang asukal.
Kataksilan ito sa mga magsasaka sa tubuhan at maliliit na prodyuser ng asukal sa bansa. Sasapitin din nila ang higit pang pagbagsak ng kabuhayan na dinanas ng mga magsasaka sa palay sapul nang isabatas ang Rice Liberalization Law noong Pebrero 2019. Tripleng pasakit ito kasabay ng pagsirit ng presyo ng fertilizer at produktong petrolyo na parehong esensyal sa produksyon. Pinapanukala ng mga ekonomista ang 50% bawas sa taripa sa mga produktong agrikultural at ang 64,050 metriko tonelada sa minimum access volume ng pulang asukal. Malamang na humantong ito sa kagutuman at mas matinding paghihirap ng mga magsasakang umaasa sa halos 20,000 ektarya ng tubuhan sa TK.
Nakagagalit ang pagpupumilit ng rehimen na mag-import sa kabila ng malinaw na kabiguan ng liberalisasyon na gawing istable ang merkado at pababain ang presyo ng pagkain. Tatlong taon nang umiiral ang RLL pero sobrang mahal pa rin ng bigas sa halagang halos P45 kada kilo ang abereyds na presyo ng komersyal na bigas. Wala namang kwenta ang pantapal na solusyong importasyon ng karneng baboy, manok at isda dahil hindi naman bumalik ang presyo ng mga ito sa dating antas bago ang pandemya at pesteng African Swine Fever.
Samantala, kinakaharap din ng mga magsasaka ang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador. Ang mga palayan, tubuhan at iba pang malawak na produktong taniman ng mga magsasaka ay isinasailalim sa pagpapalit-gamit ng lupa. Inireresulta rin nito ang pagbaba ng bolyum ng mga produktong nalilikha ng mga magsasaka na siyang ikinakatwiran ng rehimeng Duterte para sa pag-aangkat ng iba’t ibang produktong agrikultural.
Hindi kayang igarantiya na magmumura ang asukal kung mag-iimport nito. Ang tiyak na mangyayari, malulugi ang mga lokal na prodyuser ng asukal dahil ibabagsak nila ang presyo ng kanilang produkto para sumabay sa napakamurang asukal galing sa ibang bansa. Bunga nito, tiyak na maraming magsasaka at manggagawang-bukid sa tubuhan ang alinman sa mawawalan ng trabaho o lalong liliit ang kita. Hindi rin awtomatikong bababa ang presyo ng tinging asukal na binibili sa mga tindahan dahil malamang na sagpangin ng mga trader ang pagkakataon para pumiga ng mas malaking tubo.
Sa pangmatagalan, lalong ikawawasak ng mga konsyumer na Pilipino ang pagsandig sa importasyon para tustusan ang panloob na pangangailangan ng bansa. Mas mahirap kontrolin ang presyo ng mga pagkain kung sa labas nanggagaling ang suplay nito. Magiging bulnerable rin ang bansa sa pagpasok ng mga peste pati marurumi at mababang kalidad na produktong pagkain. Higit din itong panganib sa seguridad sa pagkain o food security ng bansa dahil pwedeng tumangging mag-export ang mga pinagkukunang bansa sa panahon ng kagipitan tulad ng kalamidad o gera.
Simulat sapul, mahigpit nang tinututulan ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawa sa sektor ng agrikultura ang importasyon ng mga produktong pang-agrikultura. Ginagawa nila ito hindi lamang para isalba ang kanilang kabuhayan, kundi bilang bahagi rin ng laban para paunlarin ang sektor ng agrikultura at industriya para sa pambansang kapakinabangan. Ikinalulugod nila at ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pagtindig ng ilang kandidato sa eleksyong 2022 laban sa importasyon ng mga produktong pang-agrikultura lalo na kung susuhayan nila ito ng mga lehislatibong hakbang para harangin ang labis na importasyon. Umaasa ang bayan sa kanilang sinseridad. Hamon sa kanila na patuloy na lumahok sa laban na ito kahit matapos ang eleksyong 2022 at anuman ang kahinatnan ng kanilang kandidatura.
Ang tunay na solusyon sa atrasadong produksyong agrikultural at pumapaimbulog na presyo ng mga pagkain ay nasa paglutas sa problema ng mga prodyuser ng pagkain: ang paglutas sa problema sa lupa ng mga magsasaka sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo, modernisasyon ng agrikultura at pagpapaunlad sa kanayunan kakabit ng pambansang industriyalisasyon. Malaon nang isinusulong ng pambansa-demokratikong kilusan ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon bilang sagot sa daan-taong paghihirap at kaapihan ng mga magsasaka. Kasabay nito, kailangang iwaksi ang mga neoliberal na kasunduan sa ekonomya at kalakalan na pumapatay sa lokal na agrikultura at industriya ng mga malakolonya upang paburan ang pagkamal ng tubo ng mga imperyalistang bayan. Susi ito upang lumago ang lokal na agrikultura at tiyakin ang masaganang hapagkainan para sa bawat pamilyang Pilipino.###