Tutulan ang papalaking papel ng militar sa DSWD!
Ang paglalagay ng isang militar bilang kalihim ng DSWD ay isang desperadong taktika sa ilalim ng Oplan Kapayapaan na ilagay ang sibilyang ahensyang ito sa kamay ng mga mersenaryong tulad ni Lt. Gen. Rolando Bautista. Ito ay upang makuha nila ang damdamin at isip ng mga mahihirap na mamamayan nang walang kahirap-hirap, dahil sa loob ng halos 50 taon ay hindi sila nagtagumpay dito.
Ang ganitong kaayusan ay tuwirang pagkontrol sa mga mamamayan na kung nais nilang makakuha ng tulong mula sa DSWD ay dapat makipagkaisa sila dito sa anumang nais nitong ipagawa sa kanila. Sa pamamagitan din nito, maaaring mas mapaburan ng ahensya sa usapin ng serbisyo ang mga lugar na bukas at hindi kumukontra sa rehimeng US-Duterte kaysa sa mga kilalang may markang pula sa mapa ng AFP at diumano’y impluwensyado ng rebolusyunaryong kilusan.
Mas higit na kapangyarihan ang mapupunta sa mga mersenaryong sundalo dahil direkta na ang kanilang pangangasiwa sa mga kasangkapang gamit nila sa kontra-insurhensyang programang OpKap tulad ng 4Ps, cash for work at iba pa.
Malaking pakinabang ang ahensyang ito sa mga tulad ni Bautista na may malawak na kasanayan at karanasan sa gawaing paniktik. Tiyak na pagsisilbihin din niya sa gawaing ito ang naisabatas na National ID System upang maihiwalay ang mga maaaring madeklarang lehitimo at hindi lehitimong mamamayan ng isang bayan batay sa nasabing batas.
Unti-unting kinokopo ng mga dating heneral ang gabinete ni Duterte. Hindi na kailangan ng pormal na deklarasyon ng Martial Law para sabihing ang bansa ay nasa ilalim ng pamumuno ng mga utak-pulbura, pasista at diktador.
Kailangang mas maging matalas ang mamamayan at aktibong hadlangan ang ganitong mapangwasak at di-makatwirang balak ng rehimeng US-Duterte!
Lansagin ang militarisasyon ng serbisyong panlipunan!
Ibagsak ang Oplan Kapayapaan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Mamamayang Pilipino!