Tutulan ang umiigting na malawakang pang-aaresto ng naghihingalo at desperadong rehimeng US-Duterte sa mga Bikolano!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isang karuwagan ang walang pakundangang pang-aaresto ng mga armadong pwersa ng estado laban sa mga sibilyang arbitraryo nitong pinaghihinalaang kalaban ng rehimeng US-Duterte. Labis ang pagkatakot ng tigreng papel sa rebolusyon, na sa bawat eskinita, bawat paaralan, simbahan, baryo at sentrong lunsod ay nakakakita siya ng multo ng Pulang hukbo. Pagpasok ng Enero ngayong taon, tumodo-larga na ang AFP-PNP sa Bikol sa iligal na pang-aaresto at detensyon ng mga sibilyan. Sa loob pa lamang ng pitong linggo, 15 kaso na ng iligal na pang-aaresto at apat na kaso ng iligal na detensyon ang naitala. Pinakamarami ang naitala sa Masbate (pitong kaso) na sinundan ng Camarines Sur (limang kaso), Sorsogon (apat na kaso), Albay (dalawang kaso) at Catanduanes (isang kaso).

Sa buong panahon ng panunungkulan ni Duterte mula 2016 hanggang 2022, may 171 indibidwal ang iligal na inaresto, idinetine at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso sa buong Kabikulan. Kabilang dito ang tatlong senior citizen at isang dalawang taong gulang na bata. Nangunguna ang Sorsogon na may pinakamalaking bilang ng mga iligal na inaresto (64 kaso). Sa isa sa mga insidente, walang awang idinamay ng militar ang isang bata sa pag-aresto sa kanyang buong pamilya, na magkakasamang dumulog sa detatsment ng militar upang hilingin na mapalaya ang kanilang kaanak na una nang kinuha ng mga elemento ng 22nd IBPA. Sa Masbate na may 51 kaso ng iligal na pang-aresto, hindi kinilala at ginalang ng AFP-PNP ang karapatan ng mga kaanak ng mga tinukoy nilang mga kasapi at kadre ng NPA sa pag-aresto at pagsampa sa kanila ng mga gawa-gawang kaso.

Karamihan sa mga pampulitikang pang-aaresto ng AFP-PNP sa Bikol ay pinalalabas na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Tulad na lamang ng pagdawit kay Maricel Trilles Morilla, isang sibilyan, sa pagkakapaslang sa apat na elemento ng 31st IBPA sa Brgy. Banquerohan, Legazpi City, Albay noong 2020. Nitong Enero 20, 2022 hinuli ang walang kamalay-malay na ginang at sinampahan ng kaso para panagutin sa naganap na insidente.

Tulad ng isang naghihingalong asong ulol, ibubuhos nang lubusan ng pasistang rehimeng US-Duterte ang natitira nitong lakas sa pamamagitan ng mga berdugong instrumento nitong NTF-ELCAC at Joint Task Force Bikolandia upang mang-aresto at maghasik ng kaguluhan sa buong rehiyon. Wala itong sasantuhin at hindi isasaalang-alang ang mga karapatan ng mamamayan makamit lamang ang ninanais nilang pagbubura sa CPP-NPA-NDF sa Kabikulan at buong bansa.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan na laging maging handa at mas higpitan ang pagbabantay sa kanilang mga kanilang mga karapatan. Huwag pumayag na basta na lamang mayroong damputin ang pulis, paratangan ng kung anu-anong krimen at ikulong nang walang batayan at tamang proseso. Kung ang pinakamarami ay titindig at magtatanggol, walang kulungang kayang magpreso sa sanlaksang handang manindigan para sa kanilang mga karapatan. Walang hihigit sa lakas ng lumalabang kilusang masa at lumalakas na rebolusyonaryong kilusan.

Tutulan ang umiigting na malawakang pang-aaresto ng naghihingalo at desperadong rehimeng US-Duterte sa mga Bikolano!