Tutumbasan ng mamamayan ng rebolusyonaryong paglaban ang teroristang pandarahas ng JTFB!
Nagkakandaugaga ang militar at pulis sa pagsakay sa panahon ng pangangampanya upang lalo pang paigtingin ang kanilang teroristang pang-aatake sa buong Kabikulan. Nasa sentro ng mga atakeng ito ang mga prubinsya ng Sorsogon at Masbate. Nitong Enero lamang, ibinalita ang pagdaragdag ng isa pang batalyon, ang 96th ‘Alab’ Batallion-PA, sa prubinsya ng Masbate. Kakambal ng deployment na ito ang sunud-sunod na kaso ng pekeng labanan at sapilitang pagpapasurender ng mga sibilyang wala namang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Samantala, sa Sorsogon, sunud-sunod ang insidente ng pamamaslang sa mga kasapi ng progresibong grupo at iligal na pang-aaresto at detensyon ng mga sibilyan.
Idinadahilan ng Joint Task Force Bicolandia ang panahon ng eleksyon upang bigyang-matwid ang kanilang presensya sa naturang mga prubinsya at iba pang bahagi ng rehiyon. Ngunit hindi ba’t kung kailan ipinapakat ang kanilang pwersa sa mga prayoridad na erya ay siya namang paglobo ng mga naitatalang kaso ng pang-aabuso, paglabag sa karapatan at kaguluhan sa mga lugar na ito? Mula 2016, naitala ang pinakamataas na bilang ng pampulitikang pamamaslang at masaker sa Masbate at Sorsogon, dalawang prayoridad na erya ng deployment ng militar at pulis. Hindi bababa sa 60 ang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Masbate habang 41 naman ang sa Sorsogon. Naganap din sa Masbate ang siyam sa 15 naitalang masaker sa rehiyon, na may kabuuhang 53 biktima, mula nang maupo si Duterte sa pwesto.
Ngunit sa gitna ng kagimbal-gimbal na sahol at brutalidad ng mga atakeng ito, may isang kritikal na pagkakamali ang mga berdugo at kanilang mga amo. Minaliit nila ang tapang, kapasyahan at tatag ng pagkakaisa ng mamamayang lumalaban. Inakala nilang mapatitiklop nila ang masang Bikolano sa mapanindak na paghahasik nila ng pasistang terorismo. Umasa silang kalilimutan at bibitawan na lamang basta ng mamamayan ang kanilang armas, pag-asa at paghahangad ng isang lipunang malaya mula sa pang-aapi at karahasan. Ito ang kanilang hindi mababawing kahinaan.
Pinatutunayan ng aktwal na danas ng rehiyon na kahit sa harap ng pinakamatitinding unos ng karahasan, nananatiling metatag ang paglaban ng mamamayan. Ang bawat sakyada, bawat pamamaslang, bawat pangdudusta at pang-aabuso ay apoy na ibayo lamang humihinang sa kapasyahan ng masa na isulong ang rebolusyon bilang tangi nilang kasalbahan.
Ang matatagumpay na taktikal na opensiba sa buong rehiyon – mula sa mga isla ng Catanduanes at Masbate hanggang Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Camarines Norte ang sumasampal sa JTFB sa katotohanang ang kanilang teroristang pandarahas ay tinutumbasan, at hinihigitan pa nga, ng mamamayan ng paglaban. Mula sa mga eryang akala ng kaaway ay nadurog na ang rebolusyonaryong kilusan hanggang sa mga lugar na hungkag nilang tinututukan ng pang-aatake, ang buong rehiyon ay pinagliliyab at tiyak na lalo pang magniningas sa lagablab ng armadong paglaban at pagbabalikwas ng mamamayang hindi na muling paaalipin.