Ubos-kayang ilantad at labanan ang Cagayan River Restoration Project ng sabwatang Duterte-Mamba-China!

Pinakamahabang ilog sa buong Pilipinas, hindi maitatangging napakayaman ng Ilog Cagayan sa likas na rekurso partikular ang mga may komersyal na halaga tulad ng buhangin, graba, ginto, at magnetite o black sand.

Sa bahaging saklaw ng Cagayan, matatagpuan ang 986,067 kubiko-metro ng buhangin at graba sa lawak na 107 ektarya, at 420 metriko-tonelada ng ginto sa saklaw ng 20 ektarya. Konsentrado ang mga ito sa mga makikipot na bahagi tulad ng Magapit Narrows at iba pang bottlenecks sa kahabaan ng ilog. Ito ang nasa likod ng pagkukumahog ni Mamba at ng kanyang mga kasabwat na unahing “idredge” ang mga bahaging ito upang tanggalin daw ang nakabarang “sand bars.”

Walang naniniwala sa ipinagmamalaki ni Gov. Mamba na sasagutin ng mga pribadong kontraktor ang lahat ng gagastusin para sa dredging nang walang kapalit. Negosyo bago serbisyo: ito ang islogan ng Public-Private Partnerships (PPP) na pinapasok ng gobyerno. Interes ng supertubo at hindi lang simpleng adbokasiya ng pagsagip sa kalikasan at pagkakawang-gawa ang tumatakbo sa utak ng mga kapitalistang ito.

Higit na pagdurusa at pinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayang Cagayano ang kapalit ng dambuhalang kickback ni Duterte-Mamba sa mga proyektong ito. Ni DENR ay hindi kinukonsidera ang dredging bilang solusyon sa malawakang pagbaha. Bagkus, nakikitang mas malaki ang panganib na dulot nito kaysa maitutulong sa balanse ng ecosystem at flora at fauna ng ilog.

Mayaman na sa mga aral at karanasan ng pakikibaka at pagtatanggol sa Cagayan River ang mamamayang Cagayano. Kayat bigo si Mamba at ang kanyang idolong si Duterte kasama ang mga negosyanteng mandarambong sa pag-aakalang muli nilang malilinlang ang masa. Dapat maagap na bigkisin ang pagkakaisa ng nag-aalimpuyong galit at pagtutol ng masa upang ilantad at labanan ang dredging sa Cagayan River bilang tabing ng mining. Asahang nakahanda ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Cagayan na parusahan ang mga imperyalistang mandarambong na sumisira sa kalikasan. Dapat ilantad si Mamba bilang sagadsaring tuta ni Duterte na naglilingkod para sa negosyo at para sa sariling interes nito. Dapat higit pang magpunyagi ang mamamayan at hukbong bayan upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na maghahawan ng landas tungo sa kaunlarang tunay na naglilingkod sa mamamayan, siyentipiko at malaya sa kontrol ng dayuhan.

Ubos-kayang labanan ang CRRP at iba pang neoliberal ng proyekto sa Cagayan!

Panagutin si Duterte-Mamba sa kanilang pakikipagsabwatan sa mandarambong na imperyalistang Tsino!

Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!###

#ExposeAndOpposeCRRP

#HandsOffPH

#DuterteWakasanNa

#CPP53

Ubos-kayang ilantad at labanan ang Cagayan River Restoration Project ng sabwatang Duterte-Mamba-China!