Ubos-kayang labanan at biguin ang teroristang gera ng rehimeng US-Duterte
Malugod na binabati ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang mga Pulang mandirigma at kumander sa buong bansa ngayong ika-52 anibersaryo ng NPA! Ipagbunyi natin ang lagpas sa limang dekadang pagsusulong ng armadong pakikibaka na kailanma’y hindi nagawang gapiin ng mga nagdaang rehimen. Hanggang ngayon, patuloy na binibigo ng NPA ang mga atake ng estado at nananatiling matatag at magiting na hinaharap ang teroristang gera ng rehimeng US-Duterte.
Pulang saludo naman ang iginagawad ng MGC sa lahat ng mga dakilang martir ng NPA na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang tanging buhay para sa rebolusyon.
Wala nang ibang tutunguhin ang demokratikong rebolusyong bayan kundi sa tagumpay. Ang CPP-NPA-NDFP ang tanging sinasaligan ng mamamayang Pilipino sa gitna ng patuloy na lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Higit na nagdarahop ang bayan sa pagtindi ng krisis na pinalala ng COVID-19. Sa ilalim ng paghahari ng rehimeng Duterte, higit na sinira ang dati nang sadsad na ekonomya ng bansa at isinadlak ang mamamayan sa walang kaparis na kahirapan. Patuloy na dumarami ang kaso ng COVID-19 dahil sa mga palyadong solusyon ng rehimen sa pagtugon sa pandemya. Samantala, higit pang yumayaman ang mga kroni at paksyon ni Duterte sa pagdambong ng pondo ng bayan imbes na ituon ito sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, ayuda at pagbangon ng produksyon.
Ang mga kalagayang ito ang nagbunsod ng pagsiklab ng mga pakikibakang masa. Sinisingil ng mamamayan si Duterte sa patraydor na pagbebenta ng pambansang patrimonya sa imperyalistang US at China kapalit ng makabagong armas, pautang, pondo at bakuna. Lumalakas ang mga kilos-protesta sa palpak na pagtugon ng rehimen sa pandemya at ang lalong pagkalugmok ng ekonomya ng bansa. Dumaraming mamamayan ang nasusuklam sa sobrang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang laganap at mas malubha ang kawalan ng trabaho at hanapbuhay.
Upang pigilan ang pag-aaklas ng bayan, ginagamit ni Duterte ang kamay na bakal ng estado. Pinakakawalan ng rehimen ang maduming kontra-rebolusyonaryong gera at ginamit ang pasismo at terorismo para supilin ang pakikibaka ng mamamayan. Pinakikilos ni Duterte ang AFP at PNP at itinayo ang huntang sibilyan-militar para maghasik ng karahasan gamit ang buong makinarya ng burukratiko-militar na estado. Ginawang sandata ang Anti-Terror Law laban sa mga aktibista, progresibo, kritiko, oposisyon at iba pang nakikibaka sa rehimen.
Ibayong pinahihirapan ang sambayanan sa ngalan ng pinaigting na “anti-komunista” at anti-mamamayang gera ni Duterte na nagresulta sa kaliwa’t kanang pagpatay at dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang tao. Pinakahuli sa mga kaso ng pamamaslang ay naganap sa Timog Katagalugan kung saan 9 na aktibista ang pinatay at 6 ang dinakip sa tinaguriang Bloody Sunday noong Marso 7 at ang pagpatay kay Dandy Miguel, isang lider unyonista ng PAMANTIK-KMU, noong Marso 28. Walang ibang mga salarin dito kundi ang death squad ni Duterte — ang AFP-PNP.
Ang tumitinding terorismo ng estado ay lalong nagtutulak sa mamamayang umaklas at yakapin ang rebolusyon. Buong katapangang hinaharap ng mga rebolusyonaryong pwersa at sambayanan ang bangis ng teroristang atake ng rehimeng US-Duterte sa paglulunsad ng iba’t ibang mga paglaban, ligal at iligal, hayag at lihim, armado at di-armado. Lumalahok sila sa rebolusyon at isinusulong ang digmang bayan upang wakasan ang paghahari ng rehimen.
Sa TK, patuloy na nagpupunyagi ang mga yunit ng NPA laban sa mga FMO at RCSPO ng AFP-PNP. Pinananatili nila ang mataas na inisyatiba at pleksibilidad upang idiskaril ang mga operasyong ito. Simula 2017 hanggang 2020, nailunsad ng mga NPA sa rehiyon ang 276 taktikal na opensiba na nagdulot ng isang batalyong kaswalti sa hanay ng mga berdugong pwersa kung saan 284 ang patay, 261 ang sugatan, 2 ang binihag at 10 ang sumuko. Kinumpiska ang 159 armas, 85 rito ay malalakas na kalibreng riple. Sinira rin ang mga sasakyan at kagamitang militar ng mga pasista. Nailunsad ang mga ito sa kabila ng superyor na lakas, kagamitan at armas ng kaaway at pinasinsing pakat sa rehiyon na umaabot sa katumbas ng 28 batalyong pwersa ng AFP-PNP-CAFGU.
Nakatakdang mabigo ang kontrarebolusyonaryong kampanya ng rehimeng Duterte sa imbing pangarap nitong lipulin ang CPP-NPA-NDFP bago matapos ang kanyang termino sa 2022. Ang walang kapantay na atrosidad ng estado ang higit na nagpapaalab sa armadong rebolusyong isinusulong sa kanayunan. Makakaasa ang mamamayang Pilipino sa NPA ST na patuloy nitong isusulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay. Kailangang itaas ang digmang bayan sa susunod na antas upang maisakatuparan ang mga demokratiko at rebolusyonaryong mithiin ng sambayanan.
Nananawagan ang MGC-NPA ST sa malawak na sambayanan na sumampa sa hukbong bayan at lumahok sa digmang bayan. Inaatasan din nito ang lahat ng yunit ng hukbong bayan na maglunsad ng paparaming taktikal na opensiba batay sa kakayanan at hakbang-hakbang na pahinain ang kaaway at alisan ito ng kapasidad na lumaban. Hakbang-hakbang na magpalakas sa kanayunan upang salikupin ang kalunsuran hanggang sa panahong kaya na nitong agawin ang kapangyarihan mula sa reaksyunaryong estado sa buong kapuluan at maitatag ang demokratikong gubyernong bayan na tunay na nagsisilbi sa interes ng malawak na mamamayan.###