Ukol sa malisyosong deklarasyon ni Parlade laban sa Kabataang Makabayan
“Walang mali sa pagiging aktibistang makakaliwa. Ang mali ay ang pagsali sa Kabataang Makabayan.” Galing ito sa pahayag ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., hepe ng Southern Luzon Command at isa sa napakaraming lunod-patay na pasistang mersenaryo ni Duterte.
Si Parlade ay kilala na ng masa sa kanyang walang humpay na pangrered-tag at hindi-mabilang na gawa-gawang akusasyon laban sa mga aktibista at progresibo. Kabilang na rito ang hindi malilimutang malapelikula na “Red October” noong 2018 na di kalaunan ay napatunayang isang kwentong barbero lamang ni Parlade tungkol sa diumano’y plano ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na tanggalin sa pwesto si Duterte sa tulong ng mga legal na grupo, organisasyon, at partido.
Ngayon, muling gumagawa ng ingay si Parlade sa kanyang paninira sa Kabataang Makabayan kasabay ng mga bagong kathang-isip na bintang laban sa mga legal na progresibong organisasyon ng kabataan at mamamayan na naglilingkod sa interes ng masa.
Mariing kinokondena ng Kabataang Makabayan ang mga desperadong taktikang ito ng rehimen.
Ang Kabataang Makabayan ay isang organisasyon na itinatag noong 1964 sa layunin na organisahin ang pinakamalawak na kaisahan ng patriyotikong kabataan na naniniwalang kailangan isulong ang armadong pakikibaka para ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon. Naninindigan ito na ang demokratikong rebolusyong bayan ang natatanging paraan para wakasan ang paghahari ng 1% na naghahari sa lipunan at kamtin ang demokratikong karapatan at interes ng masang pinagsasamantalahan at inaapi. Naninindigan ito na ang pagtangan ng armas at makatarungang pakikidigma lamang ang daan patungo sa isang lipunang walang digma at hindi nangangailangan ng armas.
Sa loob ng 50 taon, walang tigil at patuloy na kumikilos ang Kabataang Makabayan para sa mga layuning ito.
Sa takot ng rehimeng Duterte na tuluyang mahiwalay at maibagsak ng taumbayan, lahat ng pamamaraan para sirain ang nagkakaisang hanay ng masang nakikibaka ay susubukan nito. Ang mga maniobrang ito ng rehimen ay hindi rin maikakailang hakbangin para bigyang-matwid ang serye ng atake at pagpatay sa mga aktibista at progresibo tulad nina Ka Randy Echanis, Zara Alvarez, at Bea Milda Ansado na ibinuhos ang buhay at lakas sa pakikibaka para at kasama ng masa.
Ang mga paratang ng administrasyon na mga terorista ang Kabataang Makabayan, Bagong Hukbong Bayan, at Partido Komunista ng Pilipinas ay palatandaan lang na nasa rurok na ang desperasyon ng rehimeng Duterte. Malinaw sa masa na ang totoong terorista ay ang estadong walang pahinga ang pagpatay, pantotortyur, pananakot, at pansasaywar sa mamamayan.
Hinahamon ng Kabataang Makabayan ang mga pasistang galamay ni Duterte na tigilan ang pagsisinungaling at paggawa ng mga pekeng akusasyon para pagtakpan ang mga kasalanan, kabulukan, at kapalpakan ng administrasyon. Hindi tumatalab sa masang pinagsasamantalahan at inaapi ang paghuhugas-kamay at panloloko. Oras na para harapin ang masa at sagutin ang kanilang mga lehitimong panawagan!
Tinatawag ng Kabataang Makabayan ang lahat ng patriyotikong kabataan at mamamayan na labanan ang patuloy na paninira, panghahati, at panlalansi ng rehimeng Duterte. Singilin ang mga pasista at berdugo sa kanilang mga sala sa masa. Walang humpay na makibaka para sa makatarungan at demokratikong interes ng mamamayan!
Sumapi sa Kabataang Makabayan!