Usigin si Duterte sa mga krimen niya sa bayan! Salaping kanyang nakulimbat, bawiin! Pondo ng bayan dapat pakinabangan ng mamamayan!
Kasuklam-suklam at nakakagalit para sa mamamayang Pilipino ang patuloy at walang katapusang pangungulimbat na ginagawa ng gubyernong Duterte sa pondo ng bayan. Hindi pa nasasapatan si Duterte sa limpak-limpak na salapi na kanyang nakulimbat sa mga maanomalyang proyekto sa ilalim ng programang Build Build Build ng gubyerno. Maging ang maliit at kapos na pondong inilaan nito sa paglaban sa Covid-19 ay hindi nakaligtas sa kanyang kasakiman at pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan.
Walang pakialam si Duterte sa sitwasyon ng milyun-milyon nating kababayan na walang trabaho, nawalan ng trabaho at patuloy na nagtitiis sa hirap at kagutuman. Nagawa pa ni Duterte at kanyang mga kroni na samantalahin ang umiiral na pandemya para makapandambong. Wala budhi at konsensya ang rehimeng ito. Patuloy nitong tinitikis at binabalewala ang mahigit isang milyon nang nagkakasakit at laksa-laksang namamatay sa Covid-19.
Kaisa ng sambayanang Pilipino ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog sa panawagan para wakasan ang pasistang rehimeng US-Duterte. Dapat itong usigin at papanagutin sa kanyang mga nagawang krimen sa bayan. Dapat bawiin ang lahat ng kanyang nakulimbat na salapi ng bayan.
Araw-araw ay patuloy na dumarami ang nagkakasakit at namamatay sa Covid-19 dahil sa kriminal na kapabayaan, kainutilan at kawalang kakayahan ng pasistang rehimeng US-Duterte na sansalain ito. Hanggang sa kasalukuyan, isa’t kalahating taon na ang lumipas mula nang manalasa ang Covid-19 sa bansa, patuloy pa rin ang pagsalig ni Duterte sa militaristang sistema ng lockdown sa halip na agarang ipatupad ang malaon nang kahilingan ng mga dalubhasa sa medisina at syensya ang malawakan at libreng testing, pagkakaroon ng sistematiko at agresibong contact tracing, pagtatayo ng maramihang pasilidad para sa isolation and treatment, pagpapalakas sa kapasidad ng sistemang pangkalusugan sa bansa at sa mabilis na pagbabakuna lalo na sa mga kababayan nating higit na bulnerable at may mga taglay na karamdaman.
Habang nagtitiis sa hirap at gutom ang milyon-milyong mamamayan dahil sa kawalan ng hanapbuhay, kulang sa ayudang natatanggap at patuloy na panggigipit ng gubyerno, iba naman ang pinagkakaabalahan ni Duterte. Pangunahing nakatuon ang kanyang pansin sa pangungulimbat para makalikom ng malaking pondo na magagamit sa darating na halalan upang makapanatili siya sa pwesto katambal ng kanyang mamanukin sa pagkapangulo.
Mabuti at nabunyag sa ginawang taunang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang maanomalyang paggamit ng pondo ng iba’t ibang ahensya ng gubyernong Duterte lalo na ang nakalaan sa paglaban sa pandemya. Natuklasan ng COA na may mga pondong di nagagamit, may mga pondong nagastos ngunit kulang sa mga kinakailangang papeles at dokumento para suhayan na wasto at lehitimo ang naging panggastos. Halimbawa nito ang P 42.41 Bilyong halaga na ipinasa ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng mga medical supplies and equipments na walang Memorandum of Agreement. Bukod dito, may mga binili din ang DOH na sobra-sobrang kantidad ng mga gamot na hindi naipapamahagi at nakaimbak lamang sa mga wharehouses na ang karamihan, kundi man paso na, ay malapit ng mapaso.
Ang mga problema at maanomalyang paggamit ng pondo ng bayan ang nagtulak sa Senado para imbestigahan ang P 42.41 Bilyong pondo ng DOH na ipinasa nito sa PS-DBM. Partikular na tinutukan sa pagdinig sa Senado ang diumanong overpricing of facemask, faceshield at iba pang medical supplies na pinasok na transakyon ng PS-DBM na nagbigay pabor sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na naitatag lamang noong 2019 sa panimulang kapital na P 625,000.00 subalit nakopo ang mahigit sa P8 bilyong kontrata sa gubyerno.
Sinasabi na kung walang tinatamong suporta ang Pharmally mula sa pinakamataas na opisyal ng gubyerno, mahihirapan itong makakuha ng mahigit sa P8 Bilyong kontrata sa gubyerno dahil sa katatayo pa lamang nito at may napakaliit na panimulang puhunan. Ayon sa grupo ng mga CPA’s at tax expert na si Mon Abrea na humarap sa pagdinig sa Senado at nag-analisa sa financial statement ng Pharmally, umabot sa 42,344% ang return of investment (roi) ng Pharmally mula sa mga pinasok nitong transakyon sa gubyerno. Sa kabilang banda, nalugi naman ang mga kababayan nating negosyante na itinulak din ng gubyerno na mamuhunan sa naturang mga medical supplies dahil sa mas pinili ng PS-DBM ang Pharmally na magsuplay ng malaking bolyum ng facemask at faceshield sa napakataas na presyo ( P 27 kada piraso sa facemasks at P 120 sa faceshields) kumpara sa kanilang presyo na P 13.50 kada piraso ng facemask. Naobliga pa ang mga kababayan nating negosyante na ibaba sa P 3.50 ang kada piraso ng facemask dahil sa pambabarat ng PS-DBM.
Sa proseso ng imbestigasyon, napag-alaman din na ang tumatayong guarantor at nagpapautang sa Pharmally ay si Michael Yang, na dating Economic Adviser ni Duterte, kung kaya’t nakakakuha ang Pharmally ng mga medical supplies sa iba’t ibang suppliers sa bansang China kahit maliit ang puhunan nito. Nauna nang itinanggi ni Michael Yang na wala siyang kaugnayan sa Pharmally pero sa mga tanong at pagbubusisi ng mga Senador napaamin ang pangunahing mga opisyal ng Pharmally na sina Mr. Huan Tzu Yen at Lincoln Ong na si Michael Yang ang kanilang guarantor at nauutangan. Unti-unting lumilitaw ang anino ni Duterte na siyang nasa likod sa pagkakaloob ng maanomalyang kontrata sa Pharmally at grupo ni Michael Yang.
Samantala sa ginagawang pagdinig ng Kongreso hinggil sa isinumiteng budget ng Malacañang na P 5.024 Trilyon para sa taong 2022 nalantad ang kawalang interes ng gubyernong Duterte na labanan at sugpuin ang pandemya. Binawasan ng Malacanang ang pondo ng DOH at iba pang ahensya ng gubyerno na pangunahing nakatutok sa paglaban sa Covid-19 at pagbibigay serbisyo sa taumbayan. Binawasan ang pondo ng University of the Philippines (UP) na siyang may administratibong kontrol sa Philippine General Hospital at Philippine Genome Center. Ang dalawang ahensya sa ilalim ng UP ang nasa unahan ng paglaban ng bansa sa pandemya. Natuklasan din sa isinumiteng budget ng Malacañang na wala itong pondong inilaan para sa Special Risk Allowances (SRA) at iba pang allowances para sa mga frontline health workers sa kabila ng mga protestang isinagawa ng mga health workers sa bansa na hindi pa sila nakatatanggap ng kanilang SRA at meal, accomodation and transportation allowances (MAT) na ipinangako sa kanila ng gubyerno sa ilalim ng Bayanihan Act 1 at 2. Napababayaan na nga ng gubyernong Duterte ang mga health workers at iba pang frontliners, nakakatikim pa sila ng mga maaanghang na salita, pambabastos at pang-aalipusta mula kay Duterte at sa kanyang arogante at mandhid na tagapagsalita na si Secretary Harry Roque.
Sa pagbubusisi ng mga progresibong kinatawan sa Kamara, kanilang napag-alaman na wala ding pondong inilaan ang gubyernong Duterte para sa trabaho, ayuda, hiring ng karagdagang mga health workers and contact tracers. Maging ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay binawasan ng budget para sa taong 2022. Samantala, patuloy ang naglalakihang pondo na inilalaan ng gubyernong Duterte sa “kontra insurhensya” sa pamamagitan ng pangunahing makinarya nito na Department of National Defence (DND), Department of Interior and Local Government (DILG) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na talamak na mga red taggers at nagsisilbing palabigasan ng mga paboritong Heneral ni Duterte. Nilaanan ng gubyernong Duterte ang NTF-ELCAC ng P28.1 Bilyong pondo na 47% ang inilaki kumpara sa 19.6 Bilyong budget nito ng 2021. Lumaki din ang budget ng TESDA na pinuna ng COA dahil sa maanomalyang paglilipat ng ibang pondo nito sa NTF-ELCAC.
Subalit lalong nakakagalit ng damdamin at dapat lang batikusin at kondenahin ng taumbayan ang ginawa ni Duterte na pagkalooban ng pusisyon ang basura, talamak na red-tagger at mamamatay taong si dating General Antonio Parlade, Jr. bilang Deputy Director ng National Security Council. Hindi pa nasapatan si Duterte, itinalaga din niya ang isa pang basura – ang berdugo at mamamatay taong si General Debold ‘Mañanita’ Sinas bilang Undersecretary sa Office of the President. Sana’y na sana’y si Duterte sa pagresiklo ng mga basura sa loob ng gubyerno dahil maging siya ay mabahong basura na dapat nang itapon sa basurahan ng kasaysayan.
Samantala, bilyon-bilyong pondo din ang inilaan sa Opisina ng Presidente kabilang ang P4.5 Bilyon para sa intelligence and confidential funds ni Duterte na hindi maaaring ipailalim sa awdit. Malinaw na ang naglalakihang pondo ng mga pangunahing ahensya ng gubyerno ay hindi para sa paglaban sa Covid-19 at serbisyo sa bayan kundi para gamitin sa pagtiyak na mananalo si Duterte at ang kanyang mga alipures sa darating na halalan sa Mayo 2022. Dapat hadlangan at biguin ng taumbayan ang maitim na plano ni Duterte na dayain ang darating na halalan para makapanatili siya sa kapangyarihan tulad ng ginawa nito sa nakaraang 2019 mid-term election .
Dapat patuloy na lumaban at ipaggiiitan na ang pera ng bayan ay dapat pangunahing ilaan sa serbisyo at kapakanan ng bayan lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa napakahirap na sitwasyon dahil sa pagdami ng bilang ng nagkakasakit ng Covid-19 at namamatay. Labas dito, patuloy nating palawakin at palakasin ang malapad na nagkakaisang prente laban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Magsagawa ng mga kilos protesta sa iba’t ibang lugar para ipadama sa gubyernong Duterte na sukang-suka na ang bayan sa kanyang kalupitan at kasakiman. Gamitin ang social media at iba pang platform para iparating ang malawak na panawagan ng taumbayan na Wakasan Na Si Duterte. Likhain ang isang higanteng lakas na dadaluyong sa mga lansangan na yayanig sa pasistang rehimen at hahantong sa pagpapatalsik kay Duterte sa kapangyarihan.
Kasabay nito, ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ay patuloy na nagpupunyagi para paigtingin ang armadong paglaban ng mamamayan sa rehiyon sa pasistang rehimeng US-Duterte at bigwasan ang mga abusado, may mga utang na dugo at mandarambong sa bayan.###