Wakasan ang diktadurang paghahari ni Duterte!
Ubos-kayang labanan at ipagwagi ang pakikibaka para ibagsak ang pasistang rehimeng Duterte. Sa Araw ng State of the Nation Address (SONA) ng tiranong si Duterte, nakahanda ang buong bayan na kalampagin ang bulok, korap, inutil at teroristang rehimen. Patuloy na kikilos ang buong bayan hanggang sa ganap na maibagsak si Duterte at wakasan ang kanyang diktadurang paghahari.
Walang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa taksil at kriminal na mamamatay-taong si Duterte. Limang taon niyang inihatid sa labis na kahirapan ang bayan. Sa ika-limang SONA nito, ipinapanawagan ng mamamayan ang kanyang pagbagsak batay sa mga sumusunod:
1. Krimen sa sangkatauhan ang napakaraming paglabag sa karapatang tao ng kanyang rehimen, kabilang ang maramihang pagpaslang sa ilalim ng kanyang gera kontra iligal na droga at gera laban sa nakikibakang mamamayan sa tabing diumano ng pagsupil sa kumunismo at terorismo.
Aabot sa 30,000 ang pinaslang ng rehimen sa kampanya nito laban sa iligal na droga at ginamit pa ito para itumba ang mga kalaban at karibal ng pamilyang Duterte sa negosyo sa iligal na droga. Karamihan sa mga biktima ay karaniwang mamamayang pinaghihinalaang adik o tulak ng droga. Pinalala nito ang kultura ng impyunidad dahil hindi nito pinapanagot ang PNP at AFP sa kabi-kabilang pagpatay at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Nagresulta sa samu’t saring paglabag sa karapatang tao ang anti-komunistang gera ng rehimen kung saan naitala ang 63,774 iba’t ibang kaso ng mga paglabag mula Enero 2020 hanggang Disyembre 3, 2020 pa lamang. Sa gitna ng pandemyang COVID-19, naglunsad ng mga “kontra-insurhensyang” operasyong militar ang rehimen na sumaklaw sa 1,075 barangay ng 389 bayan o siyudad sa 64 probinsya. Ipinalasap sa mamamayan ang terorismo ng estado at karahasan ng AFP-PNP sa anyo ng mga pagpaslang, pagpapahirap, pananakot, intimidasyon at walang patumanggang pambobomba at pagpapaulan ng bala sa kanilang mga komunidad.
Hindi ligtas ang Timog Katagalugan (TK) lalo’t itinuring ang rehiyon bilang isa sa mga hotspot ng pamamaslang ng estado. Noong Marso 7, naganap ang Bloody Sunday na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista. Nagpapatuloy pa ang pamamaslang at iligal na pang-aaresto sa rehiyon hanggang sa kasalukuyan. Sa unang hati ng 2021, naitala ang 13 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 48 kaso ng iligal na pang-aaresto, 3 kaso ng pagdukot, 2 kaso ng pambobomba sa mga komunidad at 4 na kaso ng panliligalig (harassment) at sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad.
2. Traydor si Duterte at ibinenta ang bayan sa imperyalistang US at China.
Si Duterte ang pangunahing bentador ng pambansang soberanya ng Pilipinas kung saan kusang isinuko niya ang West Philippine Sea (WPS) at ang soberanong karapatan ng Pilipinas dito sa China. Bingi siya sa hinaing ng mga mangingisda na paulit-ulit na inaatake, sinisiil at pinagkakaitan ng China ng huling isda sa naturang karagatan. Tinalikuran niya ang lehitimong laban ng bansa na igiit ang karapatang solong pakinabangan ang rekurso sa WPS nang ibasura niya ang naipanalong arbitrasyon ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Samantala, higit na pinagtibay ang Visiting Forces Agreement at naging salalayan pa ito at iba pang mga kasunduang militar sa US. Patuloy na nakakatanggap si Duterte ng mga ayudang militar mula sa US, pinakahuli ang P183 milyong halaga ng armas noong Hunyo 22. Ayon sa kumpas ng US, ipinatupad ni Duterte ang mga anti-mamamayang gera at batas gaya ng JCP Kapanatagan at Anti-Terror Law (ATL) upang makakuha ng dagdag na kagamitang militar.
Nagpapakatuta si Duterte sa dalawang among imperyalista kapalit ng bakuna, pondo, pautang at suporta sa kanyang diktadurang paghahari.
3. Kriminal na pinabayaan ni Duterte ang mamamayan sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Palpak, pabaya at inutil ang rehimen sa pagharap sa pandemyang COVID-19 na nagresulta sa pagkakasakit ng mahigit 1.5 milyong Pilipino na kumitil na sa mahigit 27 libong mga Pilipino. Sa umpisa pa lamang, hindi siya nagdeklara ng travel ban sa China, ang pinagmulan ng bayrus, at hinayaang lumaganap ang sakit nang pinahintulutang pumasok ang mga turistang Tsino sa loob ng bansa. Imbes na komprehensibo at siyentipikong mga solusyon para sansalain ang COVID-19, ipinataw niya ang militaristang lockdown na sa esensya’y pagpataw ng de facto martial law sa bansa. Ibinigay niya sa mga retiradong heneral ang pamamahala para labanan ang COVID-19 na nagresulta sa higit na pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang tao at arbitraryong pag-aresto sa mamamayan sa ngalan ng mga paglabag sa health protocol. Walang ipinatupad na mass testing, napakabagal ng contact tracing at ang pagpapabakuna.
Hindi nagbigay ang rehimen ng sapat na ayuda sa mamamayang apektado ng pandemya. Pinatigil sa pag-aaral ang mga kabataan at walang aksyon sa laganap na disempleyo sa bansa. Nagawa pa nilang nakawin ang pondong nakalaan para sa pagtugon sa pandemya.
4. Labis-labis ang pangungurakot ni Duterte sa kaban ng bayan para sa pagpapayaman ng kanyang pamilya at pambubusog sa kanyang mga kroni at mga berdugong heneral
Sa pondong pantugon sa COVID-19 na Bayanihan 1 at 2 pa lamang, tinatayang P168.7 bilyon ang hindi nagastos at malamang na nakurakot sa P665.7 bilyong pinagsamang pondo ng programa. Naging palabigasan ang pandemya para sa mga kurakot ng mga opisyal sa mga ahensya ng PhilHealth, Department of Health, Department of Public Works and Highways, Department of Social Welfare and Development, Department of Education, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture at Department of the Interior and Local Government.
Maanomalya rin ang mga pondong inilaan sa NTF-ELCAC kagaya ng Barangay Development Program kung saan kagyat na kinuha ng AFP ang P19 bilyong pondo matapos ipanawagan ng mamamayang Pilipino ang pagtatanggal sa pondo ng NTF-ELCAC. Hindi nakinabang ang mga komunidad na nasa listahan nito, bagkus lalo lang naisailalim sa militarisasyon. Nalantad na ito ay gagamitin ng pangkating Duterte para sa manipulasyon ng boto at pandaraya sa eleksyong 2022.
Mula nang maupo bilang presidente, tinatayang nadagdagan ang yaman ng mga Duterte. Upang pigilan ang pagkakalantad nito, brinaso ng rehimen na huwag ilabas ang Statements of Assets, Liabilities and Network (SALN) ng pamilyang Duterte. Nagpakasasa rin ang mga heneral sa mga susing posisyon sa gubyerno at mga kroni sa mga proyektong Build, Build, Build.
5. Isinadlak ni Duterte sa walang kaparis na kahirapan ang mamamayang Pilipino.
Noong 2020 sa gitna ng pandemya, bumagsak nang 16.7% ang gross domestic product (GDP) na tinaguriang pinakamatarik na pagbulusok ng ekonomiya sa loob ng apat na dekada. Lumobo ang utang ng Pilipinas na aabot sa P11.1 trilyon sa pagtatapos ng Mayo 2021. Kasabay nito ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng isinabatas na TRAIN Law. Sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo, bigas, karne, gulay at iba pa. Lalupang nawalan ng hanapbuhay ang mamamayang Pilipino na umabot sa 12 milyon.
Kasabay ng pagdarahop ng kalagayan ng mamamayan, niluwagan ni Duterte ang pagpasok ng mga dayuhang korporasyon ng mina at plantasyon na nang-aagaw sa lupain ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan. Nananatiling kontraktwal ang mga manggagawa — sa TK pa lamang, may tinatayang 30,000 ang manggagawang kontraktwal at walang kaseguruhan sa trabaho. Walang hanapbuhay ang mga drayber dahil iniratsada ang jeepney phaseout sa gitna ng militaristang lockdown. Walang naghihintay na kabuhayan sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na napilitang bumalik sa bansa.
Tahasang pinagkaitan ang mamamayang Pilipino ng tunay na mga repormang sosyo-ekonomiko nang talikuran ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa NDFP noong 2017. Arbitraryong itinigil ni Duterte ang usapan sa gitna ng pagtalakay ng dalawang panig sa programa sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER). Pilit na itinatanggi ng rehimen na ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa ay bunsod ng malawakang kahirapang ipinataw ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.
6. Ipinataw niya ang kanyang pasistang diktadura sa bayan at nagpapakana pang maghari lagpas sa kanyang termino.
Isinabatas ni Duterte ang ATL at ginawang sandata para usigin at atakehin ang mga aktibista, progresibo, kritiko, oposisyon at makabayang Pilipino sa ngalan diumano ng paglaban sa terorismo. Sinagpang niya ang pandemya upang ipataw ang di-deklaradong Martial Law sa anyo ng militaristang lockdown. Gamit ito, naghasik siya ng teror at lagim para supilin ang anumang lehitimong pakikibaka ng mamamayan.
Sa pagtatapos ng kanyang termino at papalapit na eleksyong 2022, nagpapakana ang pangkating Duterte na makapanatili sa kapangyarihan. Kinasangkapan ni Duterte ang Kongreso para magpakanang iratsada ang isang pederalistang Konstitusyon kaalinsabay ng pagpapataw ng de facto Martial Law sa bansa. Ang garapal na pahayag ni Duterteng tumakbo bilang bise presidente sa eleksyong 2022 at pagpili ng iluluklok na tautauhang presidente para makaiwas sa pananagutan at pag-uusig sa mga krimen niya sa bayan ay lalong nagpapasidhi sa galit ng mamamayan.
Hindi na maatim ng mamamayan na mapalawig pa ang termino ng inutil, pahirap, at pasistang rehimen. Wala nang puwang para sa susunod pang termino ni Duterte o ng kanyang pangkatin. Kailangang magkaisa ang mamamayan para tutulan at labanan ang pakanang pagpapalawig ng kanyang paghahari. Kasabay nito, dapat ikonsentra ang lakas ng bayan upang usigin at panagutin si Duterte sa kanyang mga krimen sa bayan.
Maaasahan ng mamamayang Pilipino ang rebolusyonaryong kilusan bilang natatanging sandigan nito para labanan ang rehimeng US-Duterte. Nasa unahan nila ang CPP-NPA-NDFP para idirihe ang pambansa demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na maibagsak ang pasistang diktadura ni Duterte. ###