Wakasan ang paghahari ng pinakamalalaking terorista sa buong daigdig! Panagutin ang imperyalistang US at lahat ng pasistang estado sa lahat ng kanilang mga krimen sa sangkatauhan!
Read in: English
Nagpahayag ngayon ang NDF-Bikol at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan ng kanilang pakikiiisa sa paggunita sa Araw ng Pag-aalala sa mga Biktima ng Terorismo.
“Tunay ngang walang hihigit pang pagdakila sa lahat ng mga buhay na linustay ng terorismo kundi ang pagpapatuloy ng laban para sa tunay na katarungan. Hindi titigil ang rebolusyonaryong kilusan hanggat hindi lubusang napananagot ang lahat ng mga berdugong may krimen laban sa mamamayan, higit sa lahat ang pinakamasasahol na teroristang may pinakamaraming utang na dugo – ang imperyalistang US at ang lahat ng mga alagad nito ng pasismo,“ wika ni Ma. Roja Banua, tagapagsalita ng NDF-Bikol.
Malaon nang ginagamit ng mga naghaharing uri at mga imperyalistang pwersa ang kapangyarihan ng kanilang mga ka-alyado’t mga papet na estado upang palaganapin ang terorismo at maipagpatuloy ang kanilang pagsasamantala.
“Ilang daang ulit na marami kaysa sa hiwa-hiwalay at paputa-putaking atake ng iilang mga teroristang grupo ang mga biktima ng sistematikong karahasan ng estado. Sa ilalim ng mga pasistang gubyerno at kani-kanilang mersenaryong hukbo, daan-daang milyong mamamayan sa buong daigdig ang pinagkaitan ng kanilang mga kalayaang sibil at karapatan sa pamamagitan ng mga teroristang akto ng malawakang paggutom, dislokasyon, tortyur, iligal na pag-aresto at detensyon, pagdukot, pamamaslang at masaker,” pagpapatuloy pa ni Banua.
Ayon din sa pahayag, ang US ang pinakapinuno at pasimuno ng kabi-kabilang gerang agresyon na pumatay sa daangmilyong buhay at sumira sa daang milyong iba pa. Ito rin ang sumuporta at pumondo sa terorismo ng iba pang mga pasistang estado sa daigdig.
Ani din ni Banua, pilit na itinutulak ng imperyalistang US ang sariling kahulugan nito ng terorismo, “Isinusubo nila sa publiko ang interpretasyong ang paglaban ng mamamayan ang siyang dapat na ituring na terorismo. Hindi nila pinag-iiba ang ordinaryong krimen at mga hakbanging isinasagawa dahil sa pampulitikang paninindigan upang takutin at ilayo ang loob ng mamamayan sa makatwirang paglaban para sa panlipunang pagbabago at pambansang kasarinlan. Dahil dito, mapipigilan nila ang mabilis na paglaganap ng mga kilusang pagpapalaya at armadong rebolusyon ng mga mamamayan at makapagpapatuloy sila sa kanilang paghahari.”
Kung kaya’t upang masupil ang paglaban ng mamamayan naglulunsad ang mga makapangyarihang bansa at mga pasistang estado ng mga mapagpanggap na gera kontra-terorismo. Dahil layunin ng mga itong pigilan ang ang makatwirang gera ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya, tinitiyak nila ang pagpopondo at pagliligalisa ng mga ito.
“Ang pagtutol at pagtuligsa ng mamamayan sa papet na si Duterte ay pagtutol at pagtuligsa din sa lahat ng dikta ng imperyalistang US, kung kaya’t ang kilusang anti-Duterte ay isang kilusang anti-imperyalista. Dapat walang lubay na singilin ang US at mga pwersa nito na siyang mga tunay na terorista at pinakabrutal na mga pasimuno ng kaguluhan, karahasan at kahirapan. Patuloy na nakikipagkaisa ang sambayanang Pilipino sa iba pang mga mamamayan sa buong daigdig na biktima ng terorismo ng imperyalismo,” sabi ni Banua.
Sa huli, binigyan halaga ng NDF-Bikol ang malaking ambag ng lipunang Pilipino – ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan upang sa pagkamit ng katarungan para sa mga inaaping uri at pinagsasamantalahan sa buong daigdig. Nanawagan pa ito na ubos kayang magpunyagi sa pagtataguyod ng digmang bayan hanggang sa makamit ang ganap na tagumpay.