Wakasan at singilin ang naghahari-harian at tiranikong rehimeng Duterte
Sa darating na huling SONA ni Duterte ngayong taon, inaasahan na naman natin ang mga kasinungalingan at basura na lalabas sa bibig ng buhong at tiranikong si Duterte. Limang taon itong nagtampisaw sa kapangyarihan, habang gutom at kamatayan ang ipinaranas sa sambayanang Pilipino, higit lalo sa masang magsasaka.
Naranasan natin sa panahon ng pandemya ang sobra-sobrang pagdurusa, nalantad ang kabulukan hindi lang ng sistemang pangkalusugan kundi mismo ng kawalang silbi ng gubyernong pinaghaharian ng mga burgesyang kumprador, panginoong may lupa at ng mga sagad sagaring tiraniko at pasista.
Ipinamalas ni Duterte ang isang tipo ng naghaharing uri na ubod ng kasamaan at kawalang hiyaan, kaparehas ng iniidolo nitong diktador na si Marcos. Isinaklot nito ang buong Pilipinas sa lagim ng kagutuman, kawalang katiyakan, pang-aapi at pagpatay.
Sa limang taon ng panunungkulan ni Duterte, wala itong ginawang patakaran na nagsilbi sa kapakinabangan ng mga magsasaka. Bagkus nilugmok nito sa anti-magsasakang polisiya at batas ang sektor ng agrikultura. Katuwang ang mga nanlilimahid sa ganid na paksyon nito sa Senado at Kongreso, iniratsada ang pagsasabatas ng Rice Tarrification Law na humukay sa libingan ng pagkalugi at karalitaan ng mga magbubukid. Ibinagsak nito ang presyo ng palay sa pinakamababa dahil sa importasyon ng bigas. Sa rehiyon ng Ilokos, bumagsak hanggang sa ₱11 kada kilo ng palay. Samantalang imbis na suportahan ang nangalulugi na mga magbababoy dahil sa sakit na ASF, importasyon pa rin ang naging solusyon ng rehimen upang punan ang lumiliit na produksyon ng karneng baboy sa pamamagitan ng pagbaba ng taripa sa imported na karneng baboy. Dahil dito, dagsa ang murang imported na karne sa pamilihan na syang magpapalugi sa naghihingalo nang industriya ng pagbababoy.
Ramdam din sa sektor ng pangisdaan sa rehiyon ng Ilokos ang panghihimasok ng Tsina sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Ito ay sa pagliit ng dami ng nahuhuli at ang pagkipot din ng lugar pangisdaan ng mga lokal na commercial fishing vessel na nagtulak sa pakikipagkompitensya nito sa mga maliliit na mangingisda sa loob ng mga municipal water. Dahil dito, nararanasan ng maliliit na mangingisda ang pagliit ng nahuhuli at kahirapan sa pangingisda.
Idagdag pa dito ang programa ng rehimen sa eko-turismo na magpapalit gamit ng mga produktibong lupaing agrikultura at sa mga baybay-dagat. Higit pang pagkawasak sa kapaligiran ang pagmimina na malaganap at agresibong itinutulak ng rehimen bilang pansalba di umano sa naghihingalong ekonomya ng Pilipinas.
At bilang huling dagok sa magsasaka at sagkaan ang pakikibaka ng mamamayan, walang puknat ang pambabandido sa mamamayan ng notoryus na NTF-ELCAC. Pambabandido ito dahil tila bandido itong sumasalakay sa madaling araw at nagbabahay-bahay sa mga myembro at lider ng iba’t ibang organisasyong magsasaka sa kanayunan. Nananakot, nagnanakaw ng mga alagang hayop at ari-arian ng mga maralitang magsasaka, nandudukot, nambobomba at nangmamasaker. Dito sa rehiyon ng Ilokos, walang lubay ang harassment, disimpormasyon, red tagging at pwersahang pagpapasurender sa mga aktibista, lider magsasaka, taong simbahan at mga kabataan. Pinangunahan ito ng mga mersenaryong 81st, 69th at 24th IB ng PA at ng Regional at Provincial Police office ng PNP. Sa pamamagitan ng kanilang pwersahang pagpapasurender sa mga sibilyan, kumukubra ng limpak-limpak na salapi ang mga opisyales ng AFP at PNP. Sa limang taon ni Duterte, umabot na sa 409 ang extra judicial killing na isinagawa ng mga bandidong AFP at PNP kung saan ang 324 nito ay mga magsasaka na minamasaker at walang awang pinapatay. Idagdag pa ang mahigit 20,000 maralitang pinatay sa gerang kontra-droga ni Duterte. Kaya ang rehimeng Duterte at buong gubyerno nito ay may utang na dugo sa sambayanan.
Hindi natuto sa kasaysayan ang rehimeng Duterte at ang kanyang armadong goons na AFP at PNP. Isang ilusyon ang kanilang pagtatarget na mawawasak ang rebolusyonaryong kilusan at ang paglaban ng mamamayan. Konkreto ang batayan ng mahigit na 50 taong pakikibaka ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan at ng buong rebolusyonaryong kilusang magsasaka. Ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid, katuwang ang iba’t ibang rebolusyonaryomg kilusan ng mamamayan, ay patuloy na nagpupunyagi upang ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at mga demokratikong karapatan. Buong puso itong sumusuporta sa armadong paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng magigiting na hukbo nito, ang Bagong Hukbong Bayan.
Sa huling taon ng hungkag na si Duterte, mamamalas nito ang nag-aalab na galit ng mamamayan. Ating biguin ang terorismo at tiraniya ng kasalukuyang rehimen. Patatatagin ang pagkakaisa at paglaban sa buong rehiyon at sa buong bansa. Iwawagayway ang pulang bandila ng pakikibaka sa bawat bukid, baryo, kapatagan at kabundukan. Isisigaw ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at paglaya.