Walang habag ang rehimeng US-Duterte sa mamamayang Pilipino
Karapat-dapat na singilin ng taumbayan ang rehimeng US-Duterte ng ligtas at kagyat na pag-abot ng mga bakuna para sa Covid-19. Hindi ang CPP-NPA-NDFP, kung hindi ang mismong kainutilan, lubhang kakapusan ng paghahanda at kriminal na kapabayaan ng pasistang rehimen, ang salarin kung bakit lubhang nagtatagal at kakapusin pa sa bilang ang mga dosage ng bakuna sa bansa. Napako na, sa iba’t ibang kadahilanan, ang pangako ni Duterte na darating na ang mga bakuna – mula sa kawalan ng indemnification clause, kapalpakan ng simulation hanggang sa mga internal na ribalan ng mga namamahala sa pagdating ng mga ito.
Lubhang hindi makatao ang rehimeng US-Duterte. Hindi naantig ang damdamin nito, kahit ng kalahating milyong nahawaan at puu-puong libong namatay dahil sa pandemya. Napakalimitado ng testing centers at halos pa nito ay konsentrado lamang sa NCR, Central Luzon at CALABARZON. Tatlong testing centers pa lamang ang mayroon sa buong Kabikulan, ang pinakakaunti sa buong bansa. Wala pa ring mass testing at contract tracing – mga hambog na pangako ni Duterte at ng kanyang IATF at NTF mula pa noong Abril 2020 na nananatiling pangarap na lamang para sa milyun-milyong mamamayang lumalaban para sa kanilang kagalingan. Ngunit habang wala pa ni ekspertong medikal sa bansang nakasusulyap sa bakuna, naturukan na nito ang PSG at ang ilang upisyal ng gabinete.
Kung ano ang ibinagal ng rehimeng US-Duterte sa pagharap sa Covid-19, iyon namang sugid nito sa pagpapaunlad ng kampanyang kontrainsurhensya. Daragdag ang mga bagong-biling Black Hawk helicopter at dalawang missile frigate sa mga pinakabagong kagamitang pandigma ng rehimen. Gaganapin na sa darating na Mayo ang Balikatan Exercises kasama ang imperyalistang US.
Nagpapatuloy ang magagastos at mapaminsalang operasyong militar sa kanayunan. Kahit sa kalagitnaan ng pandemya, nakapagtala ang Bikol ng 39 na ekstrahudisyal na pamamaslang at daan-daan pang kaso ng paglabag sa karapatang tao. Pinakabagong kaso rito ang pagpaslang kay Aldren Enriquez, kasapi ng Camarines Sur People’s Organization (CSPO), nitong Enero 6.
Walang balak si Duterte na tapusin ang krisis ng Covid-19. Para sa isang diktador, karagdagang katwiran para sa higit na pagkubabaw ng militaristang kapangyarihan ang katumbas ng anumang krisis. Sa huli, nasa kamay ng mamamayang Pilipino ang kapasyahan at kapangyarihang hawanin ang landas upang tunay na matuldukan na ang mga krisis sa lipunan. At katuwang nila ang prinsipyado at mapagmalasakit na rebolusyonaryong kilusan sa bawat hakbang tungo rito.