Walang kapatawaran ang kapabayaan ng rehimeng US-Duterte sa hanay ng maliliit na mangingisda
Malaon nang pinabayaan ang sektor ng maliliit na mangingisda sa bansa. Sa Bikol, bukod sa pag-angkop sa batas ng kalikasan upang makapangisda, patung-patong na mga neoliberal na patakaran ang sumasagka sa kabuhayan ng maliliit na mga mangingisda sa kabila ng likas na yamang handog ng malawak na karagatan.
Malinaw na hindi prayoridad ng ganid na rehimeng US-Duterte ang pagbigay ng suporta sa maralitang mangingisda na patuloy na namimilipit at nabubutas ang sikmura sa matinding kakapusan at kagutuman. Sa pagpapatuloy ng neoliberal na dikta ng kanyang mga amo, ipinalamon niya sa mga alon ang kinabukasan ng mga pamalakaya.
Malaki ang epekto sa kanila ng pinahigpit na pagpapatupad ng Philippine Fisheries Code (PFC). Linilimitahan nito ang kanilang kabuhayan at pinapatawan ng sapin-saping rekisito ang mga mangingisda bago mapahintulutang makapamalaot sa mga karagatan. Hinuhuli at sinisingil din sila ng di-makatarungan at mabibigat na multa maliban pa sa pagkumpiska ng kanilang mga kagamitan. Kasabay nito, higit pang binuksan ang karagatan sa mga kapitalistang may fishing trawls at malalaking fish pen.
Sunud-sunod din ang mga proyektong pang-imprastrukturang mapaminsala sa mga komunidad sa gilid-dagat. Sa Masbate, isinara ang coastal na bahagi ng mga bayan ng Dimasalang, Palanas at Uson sa mga mangingisda dahil ilinaan ang mga lugar na ito para sa itatayong P190.19 bilyong Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone (Mpark). Ang naturang proyekto ay hawak ng Empark Land Development Inc. na pagmamay-ari ng kapitalistang Tsino at malapit na kaibigan ni Duterte na si Huang Rulun. Papalitan ng mga mall, hotel, casino, golf course at resort ang dating pinagkukunan ng kabuhayan ng maliliit na mangingisda doon.
Bukod dito, isang malaking Cruise Ship Terminal ang itinatayo sa Albay na magkakait ng bahaging iyon ng karagatan sa mga mangingisda. Bahagi ito nang isinasagawang mga reklamasyon at kumbersyon ng baybay-dagat. Nakaamba rin ang pagtatayo ng isang baseng nabal sa isla ng Panay sa Panganiban, Catanduanes kung saan humigit-kumulang 300 pamilya ang maaaring itaboy at mawawalan ng mga tahanan at kabuhayan.
Higit pa ngang nakalimita sa dati nang limitadong kakayahan ng mga maliliit na mangingisda ang mga restriksyong ipinataw sa panahon ng pandemya. Dahil sa militaristang lockdown, hindi maangkupan ng mga mangingisdang Sorsoganon ang oversupply ng isdang tamban. Banye-banyerang tamban ang itinapon na lang nilang muli sa dagat dahil sa napakababang presyo nito sa merkado. Kalakhan din sa maliliit na mangingisda ang dumaraing sa kakapusan at hindi pantay na pamamahagi ng relief at ayuda.
Sa gitna ng nararanasang kahirapan, hinagupit pa ng labis na paglabag sa karapatan ang hanay ng mga mangingisda. Noong Mayo 30, iligal na inaresto si Elwin Mangampo, pangulo ng LAMBAT-Bikol sa kanyang tahanan sa Pio Duran, Albay. Sa loob ng anim na oras, hinaras ang kanyang misis ng mga pulis na dumumog sa kanilang tahanan bago inihain sa kanya ang search warant at ilinitaw ang mga itinanim na ebidensyang baril at pampasabog. Nanguna si Mangampo sa pagdalo sa mga dayalogo sa BFAR at DA nangangalampag sa rehimeng US-Duterte na ibigay ang P10,000 subsidyo para sa maliliit na mangingisda.
Hindi kakayanin ng kriminal at walang-malasakit na rehimeng US-Duterte na patahimikin ang mga mangingisda laluna’t matagal na silang hindi pinatatahimik ng pagkalam ng kanilang mga sikmura. Lalo lamang kakapit ang mga maralitang mangingisda kasama ang maralitang magsasaka sa kanilang makauring pagkakaisa upang labanan ang pahirap na rehimen.
Mahigpit na nananawagan ang PKM-Bikol sa masang Bikolano, laluna sa sektor ng mga mangingisda at magsasaka, na palakasin ang kanilang pagkakaisa at pakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Hindi kailanman maaasahan ang mga tutang tulad ni Duterte na manindigan para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. Tanging ang malakas na rebolusyonaryong pagsulong ng mamamayan ang tunay na makapagtatanggol sa kanila mula sa pang-aapi at pagsasamantala.