Walang tigil na pag-atake ng 203rd Brigade, bayrus sa mga Mindoreño–NPA-Mindoro

Matagumpay na naisagawa ang aktibong pagdepensa ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LDGC-NPA-Mindoro) laban sa pag-atake na isinagawa sa kanila ng 203rd Brigade Phil Army noong 30 Abril 2020, ganap na 9:30 ng umaga sa interyor na bahagi ng Barangay Lisap, Bongabong Oriental Mindoro.

Naganap ang pagsalakay ng pasistang tropa, 14 na oras bago nagtapos ang isahang panig na tigil-putok ng mga rebolusyunaryong pwersa na may taning hanggang 11:59 ng gabi ng 30 Abril 2020 ayon sa kautusan ng CPP bilang tugon nito sa panawagan ng UN na tigil putukan ng mga nagdidigmaang pwersa upang maituon ang lahat ng pagsisikap sa pagharap sa pandemyang Covid-19.

Puspusang nagdepensa ang yunit ng LDGC-NPA-MINDORO kung kaya ligtas silang nakapagmaniobra palayo sa umaatakeng yunit ng 203rd Brigade PA. Ninakaw ng mga pasistang kaaway ang bigas, mga groceries at iba pang mga kagamitan na inipon ng Pulang Hukbo at ng masa at siyang ginagamit sa kampanyang medikal, edukasyon, sanitasyon at produksyon upang epektibong malabanan ang epidemyang Covid-19 sa hanay ng mga katutubong Mangyan.

Matatandaang inilantad na ng LDGC-NPA-Mindoro ang pinaigting, tuluy-tuloy na operasyong militar ng AFP-PNP sa Mindoro kahit sa panahon ng sariling idineklarang Unilateral Ceasefire (UCF ) ng rehimeng US-Duterte. Nagpatuloy pa ito hanggang matapos ang pekeng UCF ni Duterte noong 15 Abril 2020. Mula sa kapatagan hanggang sa mga kabundukan ng Mindoro, walang paghupa ang mga operasyon ng mga panagupang pwersa ng 203rd Brigade at PNP-Mimaropa hanggang sa kabundukan na lumundo sa nasabing pag-atake at sagupaan.

Bagamat batid ng yunit ng Pulang Hukbo ang presensya ng yunit ng AFP sa interyor, hindi nito inatake ang mga pasistang tropa upang maiwasan ang labanan sa panahon ng UCF at maipauna na matugunan ang pagbibigay serbisyo sa mga katutubong Mangyan na matinding naapektuhan ang buhay at kabuhayan dulot ng Covid-19 at militaristang lockdown ng rehimeng US-Duterte. Kaugnay nito, ang naganap na pagsalakay ng 203rd Brigade ay higit na ligalig ang idinulot at idinudulot sa mga Mindoreño.

Higit pa sa pangamba sa Covid-19, mas kinatatakutan ngayon at kinamumuhian ng mga Mindoreño ang 203rd Brigade PA at PNP-MIMAROPA dahil sa dala-dala nitong karahasan at ligalig sa hanay ng mamamayan.

Matapos ang labanan noong Abril 30, naglunsad hanggang ngayon ng malakihan at malawakang pursuit operation ang mga tropa ng 203rd Brigade upang habulin ang yunit ng NPA na kanilang inatake. Gumagamit sila ng hindi bababa sa 600 pwersa ng AFP at PNP. Apat na araw nang sinusuyod ng heli-gunship ang kabundukan ng Mindoro at ipinosisyon ang dalawang Howitzer sa bahagi ng Barangay Manoot, Rizal, Occidental Mindoro.

Dulot nito dagliang lumikas ang pitong pamayanan ng mga magsasaka at katutubo sa hangganan ng Bongabong , Oriental Mindoro at mga bayan ng Rizal at Calintaan, Occidental Mindoro.

Sa panahong sinasalasa ang sambayanang Pilipino at Mindoreño ng epidemyang Covid-19 mas inuuna pa ng rehimeng Duterte ang programa nito sa kontra-insurhensya na mga mamamayan din ang tinatatamaan. Walang puso at walang malasakit ang rehimeng ito sa kalagayan ng sambayanang Pilipino. Hibang na hibang ang rehimeng Duterte at ang kanyang mga Heneral sa ilusyon ng mga itong wakasan ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa pangunguna ng CPP-NPA-NDF hanggang unang kwarto ng 2022. Nagagawa pa nitong magwaldas ng pondo ng bayan sa magastos na mga operasyong militar habang nagugutom at nagkakagulo ang buong lipunan dahil sa palpak nitong patakaran sa pagharap sa pandemyang Covid-19. Dapat lamang na magkaisa ang taumbayan upang ibagsak ang rehimeng ito na walang mabuting idinulot sa sambayanang Pilipino.

Kabaliktaran, higit na lalakas ang armadong paglaban ng mamamayan sa buong bansa, maging sa isla ng Mindoro. Dadami ang sasampa sa NPA at mamamayang susuporta sa NPA. Si Duterte at ang kanyang pasismo ang tunay na rekruter ng NPA. Si Duterte ang babagsak at dadalhin sa basurahan ng kasaysayan. Ang mamamayan ang magwawagi!###

Walang tigil na pag-atake ng 203rd Brigade, bayrus sa mga Mindoreño--NPA-Mindoro