Walang Tunay na Hustisya sa isang Estadong Kontrolado ng Iilang Naghaharing-Uri
Hindi kailanman makakamit ng masang inaapi at pinagsasamantalahan ang tunay na katarungan sa bulok na estadong pinamumugaran ng naghaharing-uri. Lalo lamang itong pinatitingkad ng eskandalo sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng rehimeng US-Duterte. Nalantad sa publiko ang papel ni Duterte at ng kanyang pinakamasusugid na alagad na sina Salvador Panelo at Nicanor Faeldon sa negosyong pagpapalaya sa malalaking kriminal sa loob ng Bureau of Corrections.
Napakalakas ng loob ng rehimeng US-Duterte na palayain ang humigit-kumulang 1,400 kriminal, kabilang ang malalaking druglord, rapist at mamamatay-tao, samantala patuloy na lumulobo ang bilang ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, makabayan at progresibong indibidwal na sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso at binubulok sa kulungan. Maging ang ilang masang naitulak ng krisis sa pagsagawa ng maliliit na krimen tulad ng pagnanakaw ng iilang piraso ng niyog ay nananatiling nakakulong at tinuturing na animo’y napakalaking banta sa kapakanan ng mamamayan.
Kabilang sa mga napalaya ang grupo ni Colangco, may-sala sa panloloob sa bangkong RCBC at pagpatay sa 10 empleyado nito noong 2008. Ang grupo ni Colangco ay kasalukuyang kontrolado ni Duterte at ginamit na testigo laban kay Sen. Leila De Lima, kilalang bahagi ng oposisyong pulitikal ng pangkating Duterte. Sa katunayan, kung hindi kagyat na naisawalat sa publiko at hinadlangan ng masa ang nakaplanong pagpapalaya kay Antonio Sanchez, utak ng panggagahasa at pagpatay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines Los Banos noong 1993, ay tiyak nang tahimik na nailusot ang naturang transaksyon.
Isinusuka ng masa ang kawalan ng katarungan ng hudikatura at ng reaksyunaryong gubyerno sa kabuuhan. Lalo lamang dumarami ang dahilan upang patalsikin ang traydor, papet, pahirap, pasista at teroristang rehimeng US-Duterte. Nananawagan ang NDF-Bikol sa sambayanang Pilipino na magkaisa at pabagsakin na ang tiranong nasa pwesto. Sa pagsidhi ng krisis pang-ekonomya, lalong pagtindi ng pasistang atake, paglubha ng mga banta sa soberanya ng bansa at kabulukan ng sistema ng hustisya sa bansa, ibayong kinakailangan ang paninindigan ng masang wakasan na ang pagpapahirap ng rehimeng US-Duterte.