Yinuyurakan ng berdugong militar ang karapatan, mga pangarap at kinabukasan ng batang Bikolano
Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang pagdukot at pagwala ng 83rd IBPA sa isang menor-de-dad. Dinakip ang bata pagkatapos ng engkwentro sa pagitan ng naturang batalyon at yunit ng NPA nitong Pebrero 1. Pagkatapos ay ilinabas pa ng 83rd IBPA ang kanyang litrato sa kanilang Facebook account at ipinangalandakan siyang child warrior ng NPA. Nananatili sa kustodiya ng militar ang bata at patuloy nilang pinahihirapan ang kanyang magulang sa paghahanap sa kinaroroonan nito. Lantaran itong paglabag sa internasyunal na batas ng digma at mga lokal na batas na kumikilala sa mga karapatan ng bata.
Laging nasa panganib ang mga bata sa kamay ng militar. Walang pili ang utak-pulburang militar sa kanilang mga biktima. Noong Abril 20, 2017, minasaker ng 2nd IBPA ang pamilyang Luna sa Sitio Lubigan, Brgy. Panan-awan, Cawayan, Masbate. Kabilang sa mga napaslang sina Reden at Richlyn Luna, 12 at 9 taong gulang. Napaslang din ang magkapatid na sina Michael Mancera, 10 taong gulang, at Richard Mancera, 7 taong gulang, nang paulanan ng bala ang kanilang bahay sa Sitio Pagurin, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte noong Pebrero 25, 2012.
Higit na matingkad ang pandarahas sa hanay ng mga bata sa mga lugar na isinasailalim sa militarisasyon. Kalimitan silang nakararanas ng sekswal at pisikal na panghaharas, pananakot at tortyur. Halimbawa nito ang pambubugbog ng 31st IBPA sa dalawang bata sa Brgy. Calpi, Bulan, Sorsogon matapos ng pagmasaker nila sa limang magsasaka sa parehong barangay noong Mayo 8, 2020. Isang bata rin ang pinaulanan ng bala ng mga elemento ng militar sa Brgy. San Carlos, Milagros, Masbate noong Abril 2017. Sa takot na makasalubong ang militar sa kalsada at paaralan, marami ang tumitigil na lamang sa pag-aaral o ‘di kaya’y lumilipat ng eskwelahan sa kalapit na bayan. Sa iba pang bahagi ng bansa, patuloy na inaatake ng militar ang mga batang lumad na napilitan nang mag-bakwit at magpakanlong sa mga simbahan, unibersidad at iba pang institusyong nagmamalasakit sa kanilang ipinaglalaban.
Nasa kaibuturan ng AFP-PNP-CAFGU ang kultura ng pasismo. Saksi ang masang Bikolano sa pagsuporta at pagtatanggol ng mersenaryong hukbo sa bawat diktador at pasistang administrasyon. Hindi kailanman mapagtatakpan ng mga feeding program, pamimigay ng mga cake at libro, iba pang mga pantapal at panandaliang proyekto ang tunay na katangian ng militar bilang mga berdugong yumuyurak sa mga karapatan, pangarap at kinabukasan ng bata at ng iba pang aping sektor. Hanggat patuloy na umiiral ang pasistang estado, walang bata, kabataan, kababaihan, magsasaka, manggagawa, tapat na upisyal na barangay, kagawad ng midya at iba pang sektor ang makaaasa ng isang ligtas at matiwasay na buhay at kinabukasan.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolanong magkaisa, kundenahin at ilantad ang pagdukot at pagwala sa dinakip na bata at pagpapahamak ng AFP-PNP-CAFGU sa buhay ng masang Bikolano. Dapat kalampagin ang bawat ahensya at kampo ng militar sa rehiyon upang ilabas ang menor de edad at ibigay sa kanyang mga magulang. Ipaglaban at ipagtanggol ang mga komunidad mula sa pananalasa ng mga militar, laluna sa mga lugar na isinasailalim sa Retooled Community Support Program (RCSP) at Focused Military Operations (FMO). Ang tanging makasasalba sa buhay at kinabukasan ng bata at bawat mamamayang Pilipino ay ang kanilang pagkakaisang ipagtanggol at itaguyod ang kanilang mga karapatan.
Ipagtanggol ang karapatan ng mga bata!
Palayasin ang militar sa mga komunidad!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!