Yumuko ba si Robredo sa pasistang tiraniya ng AFP?
Lubusang binaligtad kahapon ni Vice President Leni Robredo ang kanyang naunang pahayag na nanawagan sa pagbuwag sa National Task Force (NTF)-Elcac matapos mabigyan ng “security briefing” ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa piling ng maka-US na pasistang mga heneral, nagmukhang yumuko sa pasistang tiraniya ng AFP at mga diktang militar ng US ang kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party na si Robredo. Idineklara niya ang suporta sa “mandato” ng NTF-Elcac at tinawag ang Barangay Developmeng Program (BDP) bilang “pinakamahusay na bahagi sa lahat.” Mistulang tinanggap na niya ang maling pagsusuri sa ugat ng armadong tunggalian na inilalatag ng militar para bigyang katwiran ang bilyun-bilyong pisong pondong ipinasakamay ng mga korap na upisyal militar.
Taliwas sa maling larawan na ipinipinta ng NTF-Elcac, hindi ang kakulangan ng mga kalsada, paaralan o klinik ang nagpapahirap sa malawak na mayorya ng mamamayan sa kanayunan; bagkus ay ang kawalan ng lupang mabubungkal, mababang sahod sa mga sakahan, mataas na presyo ng abono, mababang presyo ng produktong agrikultural, liberalisadong pag-import at pagpupuslit ng mga produktong agrikultural.
Ang BDP ng NTF-Elcac ay ang bersyon ng mga heneral ng “pagtatayo ng imprastruktura” na simbolo ng korapsyon ng tiranikong rehimen ni Duterte. Ginagamit ito ng NTF-Elcac bilang pork barrel ng militar upang palakasin ang impluwensya at kapangyarihan ng AFP. Kapalit ng kanilang suporta, nagkakamal ng malawak na kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya ang kapwa retirado at aktibong mga heneral.
Sa pagbibigay ng kanyang buong suporta sa NTF-Elcac, lumilitaw ng binabalewala ni Robredo ang laganap na mga paglabag sa karapatang-tao na kaakibat ng BDP at ng kontrainsurhensya ng AFP. Pinaglalawayan ng mga kumander ng militar sa mga baryo ang ₱20 milyon para sa bawat barangay at nag-uutos sa kanilang mga tauhan na dumaluhong sa mga baryo (sa tabing ng “serbisyo sa komunidad”), paghamlet ng mga komunidad at pagpigil sa galaw ng mamamayan, panggigipit sa mga sibilyan at pagpaslang sa mga aktibista at lider ng magsasaka, upang pwersahin silang “sumurender” bilang mga myembro ng BHB nang walang pagtatangi sa pagitan ng kombatant at sibilyan at labag sa kanilang ligal na mga karapatan, at walang paghaharap ng kaso sa korte.
Maaalalang binuo ni Duterte ang NTF-Elcac matapos ibasura ang negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa panahong nakatakda nang pirmahan sana ang mga borador na kasunduan para sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Mula nang mabuo, nagsagawa ang NTF-Elcac ng mga kontraisurhensyang hakbang na taliwas sa negosasyong pangkapayapaan (tulad ng pag-red tag, pwersahang “pagsurender,” korupsyon, pagbomba mula sa ere, panganganyon, paghamlet, ekstrahudisyal na mga pagpaslang at mga masaker). Sa pagsuporta sa NTF-Elcac, si Robredo na mismo ang nagsasara ng pinto para sa negosasyong pangkapayapaan.
Sa kanyang pagdeklara ng suporta sa NTF-Elcac at sa kontrainsurhensya ng AFP, inieendorso rin ba ni Robredo ang kampanya ng pambobomba mula sa ere, pag-iistraping at panganganyon na naghasik ng teror at nagsapeligro sa mga sibilyang komunidad, at nagwasak sa kanilang mga sakahan at mga gubat na pinagkukunan ng kanilang pagkain, inumin at gamot?
Ang biglaang pagsuporta ni Robredo sa NTF-Elcac ay salungat sa desisyon ng senado na tapyasan ang badyet ng NTF-Elcac mula ₱28 bilyon tungong ₱4 bilyon, matapos matuklasang batbat sa anomalya at di mabigyang katwiran ang panukalang badyet nito. Pinakinggan ba ni Robredo ang malawak na mga panawagan ng iba’t ibang sektor, laluna ng mga nasa “laylayan” sa kanayunan, para sa hayagang pagbuwag sa NTF-Elcac?
Binabalewala ni Robredo ang katotohananang nagdeklara ang NTF-Elcac at AFP ng mga barangay bilang “nalinis na sa NPA” na unang-una’y walang presensya ng BHB. Nagbuhos ng bilyun-bilyong piso ang AFP at NTF-Elcac batay lamang sa salita ng AFP at mga heneral nitong notoryus sa pagsisinungaling at paglalabas ng maling impormasyon.
Binalewala niya rin ang katotohanang naglista ang NTF-Elcac ng mga proyektong gusaling pang-eskwela kung saan mayroon nang mga nakatayong paaralan, at inireklamo na rin mismo ng DepEd, at mga proyektong kalsada na doble-dobleng inililista. Binalewala niya ba ang mga ulat na ang perang nakalaan umano sa mga barangay ay bultong ibinigay sa mga meyor at gubernador? Hindi nakapagtataka na ilang lokal na upisyal, laluna yaong mga pinakakorap, ang sumusuporta sa BDP dahil makadadakot ang marurumi nilang kamay sa daan-daang milyong pisong pondo.
Dapat mapanuring tanungin ni Robredo ang kanyang sarili: kung totoong seryoso ang gubyerno na tugunan ang sosyo-ekonomikong mga ugat ng gerang sibil, bakit ang militar ang namumuno? Ipinahihiwatig ng kanyang pagpihit na ang mga heneral ang silang nagdidikta ng mga patakaran, at hindi ang kabaligtaran. Sa pamamagitan ng NTF-Elcac, ang AFP ang nagiging tagapagtukoy ng mga prayoridad at programa ng buong burukrasya. Kung hindi masusugpo ang lumalaking kapangyarihan ng militar, hindi magiging kataka-taka kung sa ilang taon ay matutulad ang Pilipinas sa Myanmar. At kung mananalo si Robredo sa eleksyon, hahantong siya sa pagiging Aung San Suu Kyi, na bihag ng mga dikta ng militar.
Sa nagdaang ilang buwan, si Robredo ang lumitaw na mas may kredibilidad sa mga anti-Duterte na kandidato sa pangkapangulo, at napalakas ang determinasyon ng mamamayan na labanan ang pasistang tiraniya ni Duterte. Ang pagbaligtad niya sa naunang panawagan na buwagin ang NTF-Elcac ay hindi nakatutulong na dagdagang ang gayong kredibilidad at hindi nagpapalakas sa kakayahan niyang buklurin ang lahat ng pwersang kontra sa tiraniya.