Paglaban sa Batas Militar sa mga Pahina ng Ang Bayan
Ang librong Paglaban sa Batas Militar sa mga Pahina ng Ang Bayan ay isang antolohiya o koleksyon ng 50 artikulong lumabas sa Ang Bayan sa panahon ng pakikibaka laban sa batas militar ng diktadurang US-Marcos (1972–1986). Naglalaman din ito ng karagdagang dalawang artikulo na naglahad ng mga pagsusuri ng Partido sa namumuong diktadura bago ito itinatag ni Marcos.
Isinama sa koleksyong ito ang mahahalagang editoryal ng Ang Bayan na naglahad ng pagsusuri ng Partido at paglalatag ng mga tungkulin sa paglaban sa diktadurang Marcos. Gayundin, nilaman ang ilang balita ng mga tampok na tagumpay sa larangan ng armadong pakikibaka, ligal na demokratikong kilusan, pagbubuo ng Partido, hukbong bayan at baseng masa. Naglalaman din ito ng mga artikulo na nagpapakita ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa ilang tampok na rehiyon at mga sektor.
Sadyang maraming iba pang mahahalagang artikulo na hindi na naisama sa koleksyong ito. Sisikapin ng Ang Bayan na mailabas pa rin ang mga ito sa ibang paraan sa hinaharap.
Ang mga artikulo ay nakasalansan alinsunod sa petsa. Nakasaad sa ilalim ng mga pamagat ng artikulo kung saang bolyum at anong bilang ng Ang Bayan iyon lumabas. Haluan ng mga artikulo sa English at Pilipino ang koleksyong ito. Sa mga artikulong lumabas sa kapwa wika, pinaburan ng mga patnugot ang isama ang Pilipino.
Ang teksto ng mga artikulong ito ay muling tinipa mula sa mga digital facsimile ng mga lumang isyu ng AB. Wala kaming binago sa mga ispeling at salitang ginamit, kahit pa ang pagbabaybay ay naiiba sa kasalukuyang sinusunod na alituntunin ng AB. Mapapansin sa ilang bahagi ang simbolong ” \[…\]” na nagsasaad na hindi na mabasa ang mga salita mula sa orihinal na kopya.
Sinikap ng maging masinop sa pagrepaso sa mga teksto. Kung mayroon mang pagkakamali, mangyari lamang na ipaabot sa amin upang iyon ay maiwasto.
Ikalulugod naming matanggap ang inyong mga komentaryo o katanungan tungkol sa librong ito.
Download: PDF