5 pambabaluktot ng mga Marcos at AFP sa kasaysayan noon at ngayon
Download: PDF
Gugunitain ng sambayanang Pilipino ang ika-50 anibersaryo ng pagpataw ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr ngayong lubusan nang nakapanumbalik ang kanyang pamilya sa Malacañang. Nailuklok si Ferdinand Marcos Jr sa poder sa pamamagitan ng malawakang pandaraya, panggigipit sa oposisyon, pandarahas sa mga pwersang pambansa-demokratiko at malawakang pambabaluktot sa kasaysayan.
Inilalabas ng Ang Bayan at ng Kawanihan sa Impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang gabay sa pagtalakay na ito bilang bahagi ng mga pagsisikap na labanan ang gayong mga pambabaluktot. Ang mga ito ay mahahalaga pero ilan lamang sa daan-daang kasinungalingang ipinalalaganap ng mga Marcos para baliktarin ang kasaysayan. Maaari itong talakayin ng mga sangay ng Partido, mga yunit ng hukbong bayan at mga organisasyong masa
1) Kaugnay sa pambobomba sa Plaza Miranda
Naganap ang masaker sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971 habang isinasagawa ang rali pangkampanya ng Liberal Party, ang karibal na partido ni Ferdinand Marcos Sr. Hinagisan ng dalawang granada ang rali na nagresulta sa pagkamatay ng siyam katao at pagkasugat ng mahigit 100 pang iba. Halos naubos ang liderato ng LP.
Kasinungalingan: Kagagawan ng bagong tatag na Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pambobomba at kasunod pang mga pambobomba sa Metro Manila. Sa partikular, iniutos ito ni Jose Maria Sison para “paigtingin ang karaharan ng estado” at “likhain ang mga kundisyon sa rebolusyon.”
Ang totoo: Si Marcos at kanyang pangkatin na binubuo pangunahin nina Gen. Fabian Ver, Juan Ponce Enrile at Eduardo Cojuangco, ang pasimuno ng pambobomba sa Plaza Miranda. Kaagad na pinasinungalingan ng yunit ng Partido sa Manila-Rizal, gayundin ng Komite Sentral, ang akusasyon ni Marcos at kinundena ang terorismo ng kanyang pasistang pangkatin. Nilinaw nitong sa kanayunan inilulunsad ng Partido ang armadong pakikibaka at sa panahon na iyon ay nasa estratehikong depensibo pa ito. Sumusunod ito sa teorya ng dimang bayan at sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan
Noong 1994, ibinasura ng prosekyutor ng isang korte sa Maynila ang kasong isinampa laban kay Sison kaugnay sa diumano’y pag-uutos niya sa pambobomba. Anito, ang kaso na isinampa sa kanya ng militar ay nakabatay sa “pawang ispekulasyon.”
Binomba ng pangkating Marcos ang Plaza Miranda bilang “dry run” (pagsubok) sa pagpapataw ng batas militar sa pambansang saklaw. Tatlong oras matapos ang pambobomba, isinuspinde ni Marcos ang writ of habeas corpus (o ang obligasyon ng mga pwersa ng estado na iharap ang kanilang mga inaresto sa korte at ipaalam ang kinakaharap na mga kasong ito). Sinundan ito ng pito pang maliliit na pambobomba sa sumunod na mga araw. Isinagawa ang mga ito sa gwardyadong mga lugar tulad ng Manila City Hall at bahay ni Cojuangco, ang pinakamalaking panginoong maylupa at bahagi ng kanyang inner circle.
Madaling natukoy ang duguang kamay ng pangkating Marcos sa dali-daling paninisi ng kanyang ministro sa depensa na si Juan Ponce Enrile sa kung sinu-sino, kabilang ang isang presidente ng kolehiyo at isang prominenteng brodkaster sa radyo, at mga organisasyong masa. Inakusahan ng pangkating Marcos maging ang liderato ng Liberal Party bilang pasimuno ng pambobomba, na kunwa’y nagtangkang patayin ang kanilang mga sarili para “makakuha ng simpatya” sa publiko.
Labing-anim pang maliliit na pambobomba ang isinagawa nina Marcos mula Marso 15 hanggang Setyembre 18, 1972. Karamihan ng mga pambobomba ay isinagawa sa pagitan ng Agosto at Setyembre 1972. Ito ay ginamit para paigtingin ang pananakot para bigyang-matwid ang pagpapataw ng batas militar. Ang mga ito’y nagdulot ng minimum na pinsala sa mga gusaling pampubliko at ilang pribadong ari-arian.
Tatlong “seryosong pambobomba” ang nagdulot ng pagkamatay ng isang tao at pagkasugat ng 20 pa. Mayroon ding mga “nadiskubre” na mga bomba sa Kongreso at Department of Foreign Affairs. Sa aktwal, mayroong mga ebidensya na kagagawan ito ng mga armadong pwersa ng militar. Kabilang dito ang pagka-aresto ng isang sarhentong umaming bahagi ang pambobomba ng isang “espesyal na operasyon” ng kanyang yunit.
Sa dulo ng mga ito ang dalawang pekeng pag-ambus — isa sa sasakyan ng pulis at isa laban kay Enrile noong Setyembre 1972. Ang ambus na ito ang isinangkalan ni Marcos Sr para pormal na ideklara ang batas militar. Sa isang panahon matapos ang pag-aalsang EDSA, inamin mismo ni Enrile sa panayam sa ilang mamamahayag na “peke” ang ambus sa kanya.
Mga Pinagkunan: ”Overthrow the u.s.-Marcos Dictatorship to Achieve National Freedom and Democracy,” Ang Bayan, Special Issue, October 1, 1972 ”Revolution is the Solution to Marcos Terrorism Against Democracy,” Manila-Rizal Regional Committee, Communist Party of the Philippines, August 22, 1971 ”Mr. Marcos is an unmitigated liar,” Pio Labrador, General Secretary, Central Committee, Communist Party of the Philippines, (walang petsa) “True or false: Was 1972 Enrile ambush faked?” Philippine Daily Inquirer, October 8, 2012
2) Kaugnay sa “sabwatan” ng PKP/BHB, Liberal Party at mga legal na organisasyon
Pinirmahan ni Marcos ang Proclamation No. 1081 noong Setyembre 21 na naglatag sa mga basehan ng batas militar. Pangunahin dito ang sinabi niyang pag-iral ng “aktwal na gera,” kasabay ng pagkakaroon diumano ng laganap na “rebelyon” at “subersyon” sa bansa. Magkasabay niyang pinirmahan ang di bababa sa pitong kautusan, pitong Letter of Instruction at isang dikretong presidensyal noong Setyembre 22. Isa rito ang General Order #1 na nagpailalim sa buong bansa at buong gubyerno, saklaw ang lahat ng mga ahensya sa ehekutibo at ang mga sangay ng lehislatiba at hudikatura sa absolutong awtoridad ng diktadura. Isinapubliko ni Marcos ang mga proklamasyon, kautusan, instruksyon at dikreto noong Setyembre 23, 1972, alas 7:15 ng gabi.
Kasinungalingan: Para bigyan katwiran ang “actual state of war,” na batayan ng deklarasyon ng batas militar, inimbento ng pangkating Marcos ang “konspirasiya” sa pagitan ng PKP, Liberal Party, mga mamamahayag, myembro ng constitutional convention, mga brodkaster sa radyo at telebisyon, mga lider at myembro ng mga pangmasang organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, titser, propesyunal, kababaihan at iba pang sektor at mga pambansang minorya, laluna yaong nasa Mindanao. Ihinalo ni Marcos sa mga grupong ito ang di kanais-nais na mga elemento ng mga sindikatong kriminal, maliliit na warlord at ang grupo ng rebisyunistang Lava.
Ang totoo: Bago pa man pormal na ideklara ang batas militar, umiiral na ito sa maraming bahagi ng bansa, partikular sa Central Luzon, Northern Luzon, Southern Luzon at Mindanao. Pinatutunayan ito sa limang beses na pagtaas ng badyet para sa militar mula 1966 hanggang 1972, pagtatalaga ni Marcos ng kanyang mga paboritong heneral; mabilis na pagdami ng mga armas at gamit-militar; pagtatayo ng napakaraming mga “task force” at mga yunit ng paramilitar (BSDU at “Monkees”); paggamit sa Anti-Subversion Law; at marami pang ibang pasistang hakbang. Isinagawa ang pormal na deklarasyon para saklawin ang buong bansa, laluna ang Metro Manila at ibang sentrong urban.
Sa aktwal, ginamit ni Marcos ang guni-guning “kriminal na konspirasiya” para isagawa ang malawakan at koordinadong pag-aresto sa lahat ng kanyang mga kalaban sa pulitika. Sa pagitan ng alas-9 ng gabi ng Setyembre 22 hanggang alas-6 ng umaga ng Setyembre 23, libu-libong mga nangungunang personalidad mula sa iba’t ibang ligal na gawain at mga ordinaryong mamamayan ang inaresto at ibinimbin sa mga kampo militar. Marami sa kanila ang tinotyur at pinatay. Sa ulat ng Amnesty International, sinabi nitong umabot sa 50,000 ang ipinakulong ni Marcos sa unang tatlong taon pa lamang ng batas militar.
Isinangkalan ni Marcos ang guni-guning “aktwal na gera” para ipasara ang lahat ng mga pahayagan, istasyon ng radyo at telebisyon, agawin ang malalaking kumpanya ng kalabang burgesya at mga pampublikong yutilidad at kontrolin ang kilos ng bawat mamamayan.
Pinagkunan:
“Overthrow the US-Marcos Dictatorship to Achieve National Freedom and Democracy,” Ang Bayan, Special Issue, October 1, 1972
3) Kaugnay sa “golden years” ng batas militar
Sadyang ipinalaganap ng rehimeng Duterte, ng pamilyang Marcos at mga propagandista nito ang kasinungalingang “maunlad at payapa” at sa gayon ay “ginintuan” ang mga taon sa ilalim ng batas militar. Isa ito sa unang mga rebisyong ginawa ni Rodrigo Duterte nang maupo siya sa poder nang pinahintulutan ang pagpapalibing sa mga labi ng diktador sa Libingan ng mga Bayani noong 2016. Ipinaarangkada pa ng mga Marcos ang pagpapalaganap sa kasinungalingang ito gamit ang social media bago at sa panahon ng kampanya para sa eleksyong presidensyal ngayong taon. Bago pa man ang mga ito, salik sa paglaganap ng malabong pag-unawa sa mga layunin ni Marcos Sr ang limitado, mahina, at sa maraming pagkakataon ay mali-maling impormasyon sa pagtuturo sa kasaysayan sa mga paaralan. Lalo itong lumala nang lubusang tanggalin ang asignaturang kasaysayan sa elementarya, at inilagay sa kurikulum ng kolehiyo kung saan limitado na lamang ang nakakakuha.
Kasinungalingan: Napaunlad ni Marcos ang bansa sa kanyang programang pangkabuhayan at imprastruktura. Pumapangalawa lamang sa Japan ang Pilipinas sa usapin ng kaunlaran noong 1985.
Ang totoo: Walang panahon sa kasaysayan ng batas militar na naging maunlad ang bansa. Wala ring taon na naging “pangalawa” ang Pilipinas sa Japan. Sa aktwal, bumuntot ito sa anim pang mga bansa sa Southeast Asia mula 1975 hanggang 1985.
Sa mga taong 1979-1981, bumilis ang pagbagsak ng ekonomya. Sa panahong ito, binayo ang bansa ng napakataas na implasyon (30%), mabibigat na buwis, mababang pasahod at matinding gutom. Pinakamatarik ang pagbulusok ng ekonomya noong 1981 nang hindi makayanan ng mga internal na kahinaan nito ang krisis sa ekonomya na noo’y rumaragasa sa US at iba pang kapitalistang sentro.
Bagsak ang lahat ng mga mayor na eksport ng bansa. Malalaki ang depisito sa badyet, balanse sa kalakalan at balance of payments. Bagsak din ang kabuuang produkto ng bansa o gross national product.
Lumobo ang utang ng Pilipinas dulot ng walang-lubay na pangungutang ni Marcos para sa korapsyon at mga pasikat at palabigasang proyektong imprastruktura. Alinsunod sa mga rekord ng estado, mula $599 milyong utang noong 1965, umabot sa $28.3 bilyon ang utang ng bansa noong 1986.
Sa utos ng International Monetary Fund, ibinagsak ni Marcos ang halaga ng piso kontra sa dolyar. Mula sa palitang ₱9.17=$1 sa simula ng 1983, bumagsak ito tungong ₱19.03=$1 noong 1985. Bago ang batas militar, nasa ₱3.90=$1 ang palitan.
Ang tunay na halaga ng piso noong 1985 ay nasa ₱0.28 na lamang, kumpara sa halaga noong 1972. Sa kabila nito, tumanggi si Marcos na itaas ang sahod at sweldo ng mga manggagawa at empleyado. Sa panahong ito rin umaabot sa 60% ang tunay na tantos ng disempleyo.
Dumoble ang presyo ng mga bilihin sa pagitan ng 1965 at 1975 (64%) at apat na beses (358%) itong tumaas sa pagitan ng 1975 at 1986. Paulit-ulit ang matitinding kasalatan sa mga batayang pangangailangan tulad ng asukal, mantika at sabon.
Pinagkunan:
TwistedTruths: The Dilemma of Philippine History Textbooks, Far Eastern University Public Policy Center , January 27, 2022
“Overthrow the US-Marcos fascist dictatorship,” Ang Bayan, Special Release, October 7, 1983
“Vera Files Fact Check: FALSE claim that PH was second richest to Japan under Marcos era reappears online,” Vera Files, October 6, 2021
“Ekonomya noong 1985: Bagsak na naman,” Ang Bayan, Taon 17 Bilang 1, Enero 1986
“Golden years?: The real long-lasting economic damage wrought by Marcos,” IBON Foundation, September 21, 2021
4) Kaugnay sa pagkakaroon ng kapayapaan sa ilalim ng “Bagong Lipunan”
Ipinagmamalaki ng mga Marcos na nagbunga sa “peace and order” at “pagbaba ng kriminalidad” ang batas militar.
Kasinungalingan: Isa sa pinakamahusay na pangyayari ang pagpataw ng batas miltiar sa Pilipinas dahil nagdulot ito ng kapayapaan sa bansa.
Ang totoo: Hindi pa napapantayan ang brutalidad at dami ng mga kaso sa paglabag sa mga karapatang-tao at pamiminsala ng pangkating Marcos sa buhay at kabuhayan ng mamamayan at bansa. Ang mga pang-aaresto at masaker, malawakang pamamaslang, pang-aaresto, sapilitang pagwawala, matagalang detensyon, tortyur, panggagahasa at sekswal na pang-aabuso at militarisasyon sa kanayunan na isinagawa para “sugpuin ang komunismo” ay bumiktima ng libu-libong aktibista, oposisyunista, kalaban sa pulitika at negosyo at mga ordinaryong mamamayan.
Sa dokumentasyon ng Amnesty International, Task Force Detainees at iba pang mga organisasyong pangkarapatang-tao noong 1981, umaabot sa 3,257 ang ekstra-hudisyal na pinatay ng diktadura, 35,000 ang tinortyur, 77 ang sapilitang winala at 70,000 ang ikinulong sa pagitan ng 1972 at 1981. Sa mga pinatay, 2,520 ang tinortyur at mutilated (pinutul-putol ang bangkay) bago itinapon sa iba’t ibang lugar. (Dito nakilala ang salitang “pagsalbeyds” na taliwas sa orihinal na kahulugan nitong “isalba.”) May ilang bangkay ang nakitaan ng ebidensya ng kanibalismo (pagkain ng tao sa laman ng tao.)
Isa sa pinakatampok na krimen ng pangkatin ang asasinasyon kay dating Sen. Benigno Aquino Jr sa paliparan noong Agosto 21, 1983. Mula 1983 hanggang 1986, nagtala pa ang TFD ng dagdag na 191 indibidwal na pamamaslang, 126 na pinatay sa mga masaker at 74 kaso ng sapilitang pagwawala sa Mindanao pa lamang.
Pinagkunan:
Report of an Amnesty International Mission to the Republic of the Philippines, November 11-26, 1981, Amnesty Intermational, September1982
The Philippines: Human Rights After Martial law, The International Commission of Jurists, 1984
5) Kaugnay sa mga kaso at hatol kay Marcos Sr at kanyang pamilya
Ni minsan ay walang inakong kasalanan ang mga Marcos bago at matapos silang mapatalsik sa Malacañang. Noong 2020, sinabi mismo ni Ferdinand Marcos Jr na “propaganda sa pulitika” lamang ang mga kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao at paglimas ng kanyang pamilya sa kaban ng bayan.
Kasinungalingan: Napawalangsala ang mga Marcos sa lahat ng kaso laban sa kanila.
Ang totoo: Itinuturing na internasyunal na legal precedent o modelo sa paghahangad ng hustisya ang hatol kay Ferdinand Marcos Sr noong 1992 sa mga sala ng pagpatay, sapilitang pagwawala at iba pang paglabag sa karapatang-tao.
Ang hatol na ito ay bunga ng isinampang class suit ng 10 myembro ng grupong SELDA (Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto) laban kay Marcos Sr noong 1986. Noong Setyembre 22, 1992, naglabas ng desisyon ang US Federal Court pabor sa mga biktima. Noong 1997, pinagtibay ito ng Korte Suprema ng US. Noong 1994, ginawaran ng korte ang mga biktima ng $1.2 bilyon bilang exemplary damages. Sa sumunod na taon, dinagdagan ito ng korte ng $776 milyon na compensatory damages para sa noo’y 9,539 nakalistang biktima. Iniutos ng korte na samsamin ng gubyerno ng Pilipinas ang pera ng mga Marcos na nakalagak noon sa mga bangko sa Switzerland. Matagumpay na naitulak ng SELDA ang pagpasa ng batas noong 2013 para sa pormal na pagkilala ng gubyernong Pilipino sa mga biktima ng batas militar. Itinayo alinsunod sa batas na ito ang Human Rights Victims Board para pamahalaan ang pagbibigay-danyos sa mga biktima.
Aktibong nilabanan ng pamilyang Marcos ang mga hatol ng korte. Noong 1992, nakipag-areglo sina Marcos Jr at kanyang ina na si Imelda sa noo’y gubyerno ni Ramos para hatiin ang kanilang ari-arian at iligtas ito sa kumpiskasyon ng korte. Idineklara ang hakbang na ito ng korte na “mapaminsala” sa class suit. Pinatawan ang dalawang Marcos ng “contempt judgement” (di pagrespeto sa korte) at minultahan ng $353 milyon. Tinatayang nasa $18 bilyon na ngayon ang multa dulot ng pagbalewala ng mag-ina sa hatol.
Gayundin, di bababa sa pitong kaso ng mga Marcos ang natalo mula 2013 hanggang 2021. Kabilang dito ang hatol na nagkasala kay Imelda Marcos noong 2018 sa pitong bilang ng graft na isinampa laban sa kanya ng Sandiganbayan. Sinentensyahan siya ng 42 hanggang 77 taon na pagkakabilanggo pero hindi siya kailanman inaresto.
Ayon sa Presidential Commission on Good Governance, ang ahensyang inatasang bumawi sa mga ninakaw na yaman ng pamilya, umabot sa ₱174 bilyon nakaw na pera at ari-arian ng mga Marcos ang nabawi ng bansa mula 1986 hanggang 2020. Mayroong 88 kasong nakasampa laban sa pangkating Marcos na pending (wala pang hatol), ayon sa naturang ulat. Kabilang dito ang 23 “banner case” o mga kaso para sa pagbawi ng nakaw na yaman na nasa pangalan ni Marcos Sr, kanyang pamilya, kamag-anak, alipures at mga kroni. Nagkakahalaga ang mga ito ng halos P100 bilyon.
Sa inisyal na taya ng rehimeng Aquino 1 noong 1986, nasa ₱100 bilyon hanggang ₱200 bilyon ang kinulimbat ng mga Marcos sa buong panahon ng kanilang paghahari.
Pinagkunan:
Chronology of Events Related to the Humang Rights Class Action Suit Against Marcos (1985-2013), SELDA, 2013
“Marcos Jr. continues to evade $353-million contempt judgment of US court,” Rappler, January 13, 2022
“Bilyun-bilyong dolyar, kinulimbat nina Marcos,” Ang Bayan, Taon 15 Bilang 1, Marso 1986
PCGG Year End Accomplishment Report FY 2020
“Vera Files Fact Check: Court rulings against the Marcoses belie claims they had no ill-gotten wealth,” Vera Files, December 6, 2021
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Isang Praymer