Saligang Batas ng Partido Komunista ng Pilipinas
Preambulo
Ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang gabay sa pagkilos ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kataas-taasang tungkulin ng Partido na ilapat ang teoryang ito sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at isanib ito sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Inilulunsad ng Partido ang demokratikong rebolusyon ng bayan bilang kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino na paghahanda sa kasunod na yugtong sosyalistang rebolusyon bilang unang yugto tungo sa pagkakamit ng ultimong layunin nito na komunismo.
Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa sa Pilipinas at siyang namumunong pwersa ng rebolusyong Pilipino at sambayanang Pilipino. Hinahango nito ang mga saligang prinsipyo mula sa mga turo nina Marx, Engels, Lenin, Stalin, Mao, Ho at ibang mga dakilang komunistang paham at pinuno; at ang mga istorikong aral mula sa mga rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado at mamamayang Pilipino at iba pa.
Iwinawaksi ng Partido ang suhetibismong burges, dogmatismo man o empirisismo, at ang oportunismo na tipong “Kaliwa” o Kanan. Kinundena at itinakwil nito kapwa ang klasikal at modernong rebisyunismo, ang rebisyunistang pagtataksil sa sosyalismo at pagpapanumbalik ng kapitalismo sa ilang bayan. Nagpupunyagi ito sa wastong rebolusyonaryong landas dahil humahalaw ito kapwa ng positibo at negatibong mga aral mula sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon at sa rebolusyong Pilipino. Itinataguyod nito ang demokratikong sentralismo para buuin ang kaisahan ng Partido at iwinawaksi kapwa ang burukratismo at ultra-demokrasya. Itinataguyod nito ang napapanahong pagpuna at pagpuna-sa-sarili at ang malawakang pagwawasto ng pangunahing mga kamalian kailanman kinakailangan.
Matagumpay na nilabanan at ginapi ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang rebisyunismong maka-Lava at ang gangsterismong Taruc-Sumulong. Ganoon din ang ginawa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa suhetibistang kamalian na naglalarawan sa moda ng produksyon hindi bilang malakolonyal at malapyudal, sa nangingibabaw na mga ”Kaliwang” kamaliang adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod na labag sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at sa ibang mga kamalian tulad ng repormismo, liberalismo, sektaryanismo, burukratismo, populismo, likidasyunismo, paksyunalismo, isplitismo at iba pa. Natatangi lalong-lalo na ang paglihis sa linyang anti-rebisyunista, at pinapanghina nito ang unibersalidad ng Maoismo at ang kabuluhan nito sa rebolusyong Pilipino. Kinatangian ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ng maigting na panloob na tunggalian ng Partido hanggang sa malawakang anti-Partidong kampanya ng pangwawasak at mga pambibiyak, at sa pagkagapi sa mga kontra-rebolusyonaryong taksil.
Mula nang muli itong itatag noong Disyembre 26, 1968, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay lumakas at nakapagtipon ng kabang-yaman ng karanasan sa pamamagitan ng buhay-at-kamatayang pakikibaka sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at namuno sa sambayanang Pilipino sa pagkakamit ng sunud-sunod na tagumpay. Pinatibay nito ang sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, isinulong ang rebolusyonaryong adhikain at lakas ng sambayanang Pilipino, at makabuluhang nakaambag sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.
Ang malakolonyal at malapyudal na sistema ay nasa palagiang krisis at naghihingalo. Ang krisis sosyo-ekonomiko ay pinalalala at pinalalalim ng walang habas na kasakiman ng patakarang neoliberal na ipinalaganap ng US. Walang humpay nitong sinasalanta ang buhay ng mamamayan at lumilikha ng kaguluhang panlipunan. Mas masahol kaysa dati ang krisis sa pulitika sa kabila ng pagbaling mula sa lantad na pasistang diktadura tungo sa serye ng huwad na demokratikong mga rehimen ng oligarkiya ng malaking kumprador-panginoong maylupa. Mas malalim ang pagkakahati ngayon ng magkakalabang reaksyunaryong paksyon, at mas natutulak na gumamit ng dahas laban sa isa’t isa. Higit na determinado kaysa nakaraan ang malawak na masa ng sambayanan na maglunsad ng armadong rebolusyon laban sa reaksyunaryong estado at itayo ang sarili nilang demokratikong kapangyarihan.
Determinado ang Partido na higit na palakasin ang sarili bilang pinakasulong na destakamento ng proletaryado na nagtataguyod sa proletaryong rebolusyonaryong pamumuno at nagtatamasa ng suporta ng malawak na masa ng sambayanan sa kasalukuyang yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa susunod na yugto ng rebolusyong sosyalista.
Malalim na nakakaugat ang Partido sa mamamayan, laluna sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka sa buong bansa. Pinauunlad nito ang pinakamahigpit na ugnay sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila sa pagtatanggol at pagtataguyod ng kanilang mga pambansa at demokratikong mga karapatan at interes.
Matatag na ginagamit ng Partido ang mga sandata ng matagalang digmang bayan at pambansang nagkakaisang prente para gapiin ang imperyalismo at mga lokal na reaksyunaryong uri tulad ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng pakikibaka habang ang ligal na demokratikong kilusan ay segundaryo ngunit di maisasantabing anyo ng pakikibaka. Sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay lumalawak at nagkokonsolida ng kanyang mga pwersa sa buong kapuluan. Lumakas ang patriyotiko at progresibong mga alyansa at mga organisasyong bumubuo sa mga ito kapwa sa lihim at hayag, sa kalunsuran at sa kanayunan, sa pamamagitan ng paglulunsad ng lahat ng anyo ng pakikibaka sa iba’t ibang larangan.
Isinasakatuparan ng Partido ang pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng masikhay na paggawa at puspusang pakikibaka, binubuo ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka, pinagbubuklod ang saligang masang anakpawis at ang petiburgesyang lunsod bilang mga saligang pwersa ng rebolusyon, kinakabig ang panggitnang burgesya sa hanay ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sinasamantala ang mga hidwaan sa hanay ng mga paksyon ng mga naghaharing uri upang ihiwalay at wasakin ang kaaway na sa takdang panahon ay siyang pinakareaksyunaryong paksyon o isang dayuhang mananalakay.
Sa paglulunsad ng digmang bayan, pinagkukumbina ng Partido ang armadong pakikibaka, agraryong rebolusyon at pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisayong masa. Pinauunlad nito ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan para wasakin ang mga haligi ng pyudalismo at armadong kontra-rebolusyon doon hanggang maging handa na ang mga demokratikong pwersa ng bayan na agawin ang kapangyarihan sa mga lunsod sa estratehikong opensiba.
Ang kanayunan at ang mga mataong bundok at burol ay nagbibigay ng malawak na erya ng maniobra, at nagpapahintulot sa malalim na pag-unlad ng rebolusyonaryong lakas. Saklaw ngayon ng mga larangang gerilya ang libu-libong baryo at makabuluhang mga bahagi ng karamihan ng mga prubinsya at munisipalidad ng Pilipinas at sumasaklaw hanggang sa bahagi ng mga sentrong bayan, kapitolyo ng prubinsya at mga lunsod.
Matatag na pinahihinog ng mga rebolusyonaryong pwersa ang estratehikong depensiba, tumutungo sa estratehikong pagkakapatas at tumatanaw sa estratehikong opensiba. Napangibabawan ng Partido at mamamayan ang lahat ng pagpapaigting ng armadong kontra-rebolusyon at nakapagpalakas sa sarili sa proseso. Nilabanan nila ang bawat pagpapatindi ng dayuhang interbensyong militar, at inihahanda ang sarili laban sa karagdagang pagpapatindi at pinakamasahol na posibleng gerang agresyon; at determinadong makamit ang ganap na tagumpay sa rebolusyon.
Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nagkakaisa at independyenteng Partido, kapantay ng ibang mga partido komunista at partido ng mga manggagawa sa daigdig. Nasa taliba ito ng umaasa-sa-sariling rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Kasabay nito, sa harap ng tumitinding interbensyon, lumalaki ang pangangailangan para sa internasyunalistang suporta mula sa mga rebolusyonaryo at progresibong partido, mamamayan at kilusan sa ibayong dagat para suhayan ang patriyotikong pagpupunyagi ng sambayanang Pilipino.
Kapwa patriyotiko at internasyunalistang tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas na magwagi laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ang pambansa at panlipunang pagpapalaya ng sambayanang Pilipino ay makatutulong sa pagpapahina sa mga imperyalista at lahat ng reaksyunaryo sa pandaigdigang saklaw; makapagpapalakas sa mga rebolusyonaryong partido, mamamayan, sosyalistang bayan at ibang progresibong pwersa sa sarili nilang makatarungang adhikain at makaaambag sa pagpapalaya ng sangkatauhan at pagkakamit ng katarungan, kapayapaan, kasaganaan at kaunlarang pangkultura.
Laging handa ang Partido Komunista ng Pilipinas na gawin ang lahat ng kinakailangan, posible at angkop para palakasin ang pagkakaisa ng internasyunal na kilusang komunista, itaguyod ang pinakamabubungang relasyon sa pagitan ng sambayanang Pilipino at ibang mga mamamayan, at hawanin ang landas para sa ganap na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon, internasyunal na pagkilala sa demokratikong kapangyarihan ng bayan sa Pilipinas at sa pagkakamit ng makatarungang kapayapaan sa Pilipinas at sa daigdig.
Dahil sa lantaran at ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa ilang bayan at sa pagkakalansag ng mga rebisyunistang partido at rehimen, dapat itaguyod at mas malalim na suriin kaysa dati ng Partido ang mga pundamental na prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, humalaw ng mga aral mula sa mga rebolusyonaryong tagumpay ng proletaryado at pagtataksil sa sosyalismo ng mga modernong rebisyunista, at kilalanin ang kawastuhan ng ating pakikibaka laban sa mga rebisyunistang taksil na Lava at modernong rebisyunismo.
Tiwala ang Partido na mapamumunuan nito ang demokratikong rebolusyong bayan tungo sa ganap na tagumpay dahil walang kalutasan at patuloy na lumalala ang lokal na krisis panlipunan at lumalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kabila ng mababangis at buong-lakas na salakay ng kaaway. Ikinararangal ng Partido ang pagtayo sa unahan ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon sa kasalukuyan at determinado itong hikayatin ang lahat ng mamamayan at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa na maglunsad ng rebolusyon laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon at para sa daigdig na sa saligan ay bago at mas mainam.
Patuloy na lumalalim at lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang panunumbalik ng kapitalismo sa dating sosyalistang mga bayan ay nagpadami ng nagriribalang kapitalistang kapangyarihan at nagpatalas ng mga kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang krisis ng labis-na-produksyon kapwa sa mga bayang kapitalistang industriyal at di mauunlad ay pinabibilis ng neoliberal na patakaran sa ekonomya, ng mas mataas na teknolohiya para sa mas malaking pribadong tubo at ng malaon nang pang-aabuso ng internasyunal na sistema sa pautang.
Ang mga kontradiksyon sa pagitan ng monopolyong burgesya at uring manggagawa sa mga bayang imperyalista; iyong sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at aping mga mamamayan at bansa; iyong sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ilang bayan na naggigiit ng pambansang kasarinlan at iyong sa pagitan mismo ng mga imperyalista ay tumitindi at nagreresulta sa walang katulad na kaguluhang panlipunan na paborable sa mga rebolusyong panlipunan.
Ang mga desperadong pagtatangka ng imperyalismong US na pigilan ang estratehikong pagdausdos nito sa pamamagitan ng neoliberal na patakaran sa ekonomya at neokonserbatibong patakaran ng pinalaking produksyong pandigma at mga gerang agresyon ay lumilikha ng pinakamapagsamantala at pinakamapang-aping kalagayan at nagtutulak sa mamamayan na magbangon at magtanggol laban sa imperyalistang pandarambong, terorismo ng estado at mga gerang agresyon. Nasa bisperas tayo ngayon ng mga rebolusyonaryong digma na walang katulad sa kalawakan at igting.
Artikulo I: Pangalan, Watawat at Sagisag, Awit at Sumpa
Seksyon 1. Ang pangalan ng organisasyong ito ay Partido Komunista ng Pilipinas. Tutukuyin ng Partido ang muling pagtatatag nito noong 1968 o sa teoretikal na gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo kailanman may pangangailangang ibahin ang sarili sa alinmang grupo na umaangkin sa pangalan ng Partido.
Seksyon 2. Ang watawat at sagisag ng Partido ay kulay pula na may gintong maso at karet sa gitna.
Seksyon 3. Ang awit ng Partido ay ang Internasyunale.
Seksyon 4. Ang sumpa ng Partido ay ang sumusunod:
“Ako, si______________________, ay nagpapahayag ng aking lubos na pagsang-ayon sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa Programa at Saligang Batas ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa lahat ng desisyon ng mga nakatataas na organo ng Partido at ng yunit ng Partidong kinatatalagahan ko.
Sumusumpa akong tutupdin ang lahat ng tungkulin at pananagutan ko sa abot ng aking makakaya, patataasin ang aking proletaryong rebolusyonaryong kamulatan, paglilingkurang lagi ang sambayanan at magiging malapit sa kanila, ipagtatanggol at ipaglalaban ang kapakanan ng sambayanan, pananatilihing mataas ang dangal at prestihiyo ng Partido, pangangalagaan ang kaligtasan ng Partido at lahat ng kasama ko buhay ko ma’y ialay kung kinakailangan, buong katapatang pupunahin ang mga kamalian at kahinaan ko at ng aking mga kasama upang mapabuti ang paggawa at estilo ng paggawa batay sa tumpak na makauring paninindigan at upang mabuo ang pagkakaisa at lakas, at isusulong ang kapakanan ng Partido at ng masa. Gagamitin ko ang lahat ng pagkakataon upang maipalaganap ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at maipatupad ang proletaryong rebolusyonaryong linya ng Partido.”
Ang sumpang ito ay gagawin kapag ang isang tao ay pumapasok sa Partido bilang kandidatong kasapi at kapag ang isang kandidatong kasapi ay tinatanggap bilang ganap na kasapi ng Partido.
Artikulo II: Pagsapi
Seksyon 1. Sinumang mamamayan o naninirahan sa Pilipinas na hindi kukulangin sa 18 taong gulang, naniniwala sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa Programa at Saligang Batas ng Partido at sumasang-ayong kumilos nang buong sigasig sa isa sa mga organisasyon ng Partido, tumupad sa mga desisyon ng Partido at magbayad ng butaw sa pagpasok at regular na buwanang butaw ay maaaring tanggaping kasapi ng Partido.
Seksyon 2. Ang pagsapi sa Partido ay may bisa sa batayang indibidwal lamang at alinsunod sa sumusunod na paraan ng pagsasaayos ng pagtanggap sa mga kasapi:
a. Ang mga manggagawa, manggagawang bukid, maralitang magsasaka, maralitang mangingisda at mala-manggagawang lunsod ay maaaring maging kasapi ng Partido batay sa rekomendasyon ng dalawang kasaping mabuti ang katayuan sa Partido pagkaraang tanggapin ayon sa desisyon ng pulong ng sangay, o tulad ng maaaring mangyari, ng komiteng tagapagpaganap ng sangay, at pagkaraan ng anim na buwang pagiging kandidatong kasapi.
b. Ang mga gitnang-panggitnang magsasaka, nakatataas na panggitnang magsasaka, panggitnang mangingisda, manggagawa sa opisina, tagayaring-kamay, maliliit na mangangalakal at negosyante, intelektwal o propesyonal, estudyante at iba pang bahagi ng petiburgesya ay maaaring maging kasapi ng Partido batay sa rekomendasyon ng dalawang kasaping may di-kukulangin sa isang taong mabuting katayuan sa Partido, matapos tanggapin sa pamamagitan ng desisyon ng komiteng tagapagpaganap ng sangay o grupo ng Partido sa isang organisasyong pangmasa at pagkaraan ng isang taong pagiging kandidatong kasapi.
k. Iyong mga may katayuang panlipunan na bukod sa mga nabanggit sa itaas na subseksyon (a) at (b) ay maaaring maging kasapi ng Partido batay sa rekomendasyon ng dalawang kasapi ng Partido na may tuluy-tuloy na tatlong-taong mabuting katayuan sa Partido, matapos tanggapin ng komiteng tagapagpaganap ng sangay o grupo ng Partido sa isang organisasyong pangmasa at pagkaraan ng dalawang taong pagiging kandidatong kasapi.
Seksyon 3. Bawat kasapi ng Partido na nagrerekomenda ng taong magiging kasapi ng Partido ay magbibigay ng responsable at makatotohanang paglalahad sa Partido tungkol sa ideolohiya, rekord sa pulitika at personal na katangian at kasaysayan ng buhay ng taong kinauukulan. Magbibigay siya sa kanyang inirerekomenda ng sapat na pagkaunawa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, Programa, Saligang Batas, mga patakaran at desisyon ng Partido. Pormal na sasagutin ng inirerekomenda ang isang pamantayang balangkas ng mga katanungang inihanda ng Partido.
Bago gumawa ng anumang desisyong tumatanggap sa kandidatong kasapi, ang kinauukulang komiteng tagapagpaganap ng sangay o grupo ng Partido ay hihirang ng isang kagawad ng Partido na gagawa ng pinakamalawak na pakikipagpalitan ng kuru-kuro sa taong nagnanais maging kasapi ng Partido, nang sa gayo’y higit siyang makilala at mapatotohanan ang lahat ng kaukulang impormasyon.
Seksyon 4. Sa mga natatanging kalagayan, ang mga nakatataas na komite ng Partido at mga grupo ng Partido sa mga organisasyong pangmasa ay maaaring tuwirang tumanggap ng bagong kasapi.
Seksyon 5. Ang mga kinauukulang organo ng Partido ay magbibigay sa mga kandidatong kasapi ng saligang edukasyong pampartido hinggil sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at hinggil sa Programa at Saligang Batas ng Partido, magtatakda ng pagsubok sa gawaing pampartido at mag-aangat sa kanilang kalidad sa pulitika.
Maaaring pahabain o paikliin ng pulong ng Partido, ng komite ng Partido o ng grupo ng Partido ang panahon ng pagiging kandidato batay sa paggawa at sigasig ng kandidatong kasapi.
Iuurong ang pagiging kandidatong kasapi kung maging maliwanag na hindi natutugunan ng kandidatong kasapi ang mga pangangailangan sa pagiging kasapi ng Partido.
Seksyon 6. Ang kasapi ng kapatid na Partido na idineploy ng kanilang sentral na pamunuan na kumilos sa relatibong mahabang panahon sa loob ng saklaw ng PKP ay tatanggapin bilang kasapi ng Partido. Maaaring pahintulutan ang kasapi ng Partido na maging kasapi ng kapatid na partido kung idedeploy siya ng sentral na pamunuan o ng awtorisadong organo nito na kumilos sa relatibong mahabang panahon sa loob ng saklaw ng gawain ng kapatid na Partido.
Artikulo III: Mga Karapatan at Tungkulin ng mga Kasapi
Seksyon 1. Ang mga tungkulin ng mga kasapi ng Partido ay ang mga sumusunod:
a. paunlarin ang pagkakaisa at lakas ng Partido sa pamamagitan ng pagtataas sa antas ng kanilang pagkaunawa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa paglapat ng unibersal na teoryang ito sa mga kongkretong suliranin ng Partido at ng demokratikong rebolusyon ng bayan;
b. ipauna ang kapakanan ng Partido o ang kapakanan ng masa ng sambayanan sa kapakanang pansarili, paglingkuran ang masa ng sambayanan nang walang pasubali, matuto sa kanila, gayundin, ipaliwanag sa kanila ang mga patakaran at desisyon ng Partido at maagap na mag-uulat sa Partido hinggil sa mga pangangailangan at mithiin ng mamamayan;
k. punahin at itakwil ang rebisyunismo, dogmatismo at empirisismo, Kanan at ”Kaliwang” oportunismo, sektaryanismo, liberalismo, burukratismo, ultra-demokrasya at lahat ng maling tunguhin ng pag-iisip at pagkilos sa loob ng Partido;
d. tumalima sa Saligang Batas at Programa ng Partido;
e. tupdin nang lubusan ang linya ng Partido at lahat ng partikular na tungkuling iniaatas sa kanila;
g. magpakahusay sa kanilang linya ng gawain at maging uliran sa disiplina, masikhay na paggawa, pagpapakumbaba at simpleng pamumuhay sa mga organisasyon ng Partido, organisasyong masa at sa hanay ng mamamayan;
h. magsagawa ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang iharap ang mga kamalian at mga kahinaan, taimtim na magsikap na pangibabawan at iwasto ang mga ito at pagbutihin ang kanilang gawaing pampulitika;
i. maibilang at kumilos sa isang saligang organisasyon ng Partido (isang sangay ng Partido sa pook ng paninirahan o trabaho, paaralan o sa loob ng hukbong bayan o grupo ng Partido sa loob ng organisasyong masa o institusyon) at regular na dumalo sa mga pulong;
l. regular na dumalo sa mga kurso ng Partido sa pag-aaral at laging magbasa at magpalaganap ng mga lathalain ng Partido ;
m. maging tapat sa Partido at maglahad ng lahat ng datos na kailangan sa pagbubuo ng tumpak na desisyon;
n. maagap na magbayad ng butaw; at
ng. magmatyag sa anumang bagay o pangyayari sa loob o labas ng Partido na nagsasapanganib sa Partido at bakahin ang lahat ng bagay na makapipinsala sa kapakanan ng Partido at ng sambayanan.
Seksyon 2. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng Partido ay ang mga sumusunod:
a. malayang lumahok sa mga talakayan sa mga pulong ng Partido hinggil sa mga teoretikal at praktikal na suliranin ukol sa linya, mga patakaran at desisyon ng Partido;
b. maghalal at mahalal sa loob ng Partido;
k. magharap ng mga mungkahi, pahayag o karaingan sa anumang organisasyon o organo ng Partido sa anumang antas;
d. pumuna sa anumang organisasyon, organo o sinumang kasapi ng Partido sa mga pulong ng Partido;
e. magsiyasat sa katangian ng sinumang kandidato para sa anumang tungkulin o komite;
g. maghabol sa anumang desisyon sa nakatataas na organo ng Partido hanggang sa Komite Sentral at Pambansang Kongreso; at
h. dumalo sa anumang pulong na tinawag upang suriin ang kanilang mga katangian, gawain o anumang aksyong pandisiplina na ipapataw sa kanila maliban kung pagpapasyahan ng nakatataas na komite ng Partido na hindi ipinahihintulot ng seguridad ng Partido.
Seksyon 3. Ang mga tungkulin at karapatan ng mga kandidatong kasapi ay katulad din ng sa mga kasapi ng Partido, maliban sa wala silang karapatang maghalal o mahalal at walang karapatang bumoto sa mga desisyong pagtitibayin ng Partido.
Seksyon 4. Ang mga kandidatong kasapi o kasapi ng Partido ay malayang magbitiw sa Partido. Bawat pagbibitiw ay lubusang ipaliliwanag sa loob ng kinauukulang komite ng Partido.
Seksyon 5. Ang bawat kasapi ng Partido, anuman ang merito at tungkulin, na hindi tumupad sa kanyang mga tungkulin o hindi gumagalang sa mga karapatan ng kanyang mga kasama ay pupunahin at bibigyang-aral. Ang malulubhang paglabag sa mga karapatan at tungkulin ay bibigyan ng karampatang hakbang na pandisiplina.
a. Ang anumang aksyong pandisiplina sa mga kasapi ng Partido ay pagpapasyahan ng sangay o grupo sa organisasyong pangmasa na kinabibilangan nila; ngunit kung ang kaparusahang ipapataw ay pagtitiwalag, kinakailangan ang pagtitibay ng kagyat na nakatataas na komite ng Partido.
b. Ang anumang aksyong pandisiplina sa isang kagawad ng isang komite ng Partido na makakaapekto sa kanyang katayuan bilang kagawad ng komite ng Partido ay pagpapasyahan ng kumperensya na naghalal sa kanya sa tungkuling iyon o ng nakatataas na komite ng Partido. Ang mga kaso na ang karampatang aksyong pandisiplina ay mas magaan sa pagtatanggal sa komite ay maaaring pagpasyahan ng komite na kanyang kinapapalooban o ng komiteng tagapagpaganap kung hindi pa maipatatawag ang pulong plenaryo ng komite.
k. anumang aksyong pandisiplina sa kasapi o kandidatong kagawad ng Komite Sentral ay pagpapasyahan ng Komite Sentral, o ng Kawanihang Pampulitika sa batayan ng kagipitan o kung hindi pa makapagpupulong ang Komite Sentral.
Seksyon 6. Ang mga aksyong pandisiplina ay ipapataw alinsunod sa kabigatan ng paglabag sa disiplina ng Partido at ang mga ito ay alinman sa mga sumusunod: babala, mahigpit na babala, pagtanggal mula sa gawaing naunang itinakda, demosyon, suspensyon o pagtitiwalag mula sa Partido.
Seksyon 7. Bawat kasapi ng Partido ay tatalima sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa pagsusuri sa uri ng Partido sa kasalukuyang lipunan ng Pilipinas, sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon, sa namumunong papel ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido, sa demokratikong sentralismo, sa prinsipyo ng proletaryong diktadura sa anyo ng demokratikong diktadurang bayan at ibang mga saligang prinsipyo sa pagtatayo ng sosyalismo. Sinumang kasapi ng Partido na hindi, o hindi na makatalima sa alinman sa nabanggit sa taas ay hihilinging magbitiw sa Partido at kung posible, maging alyado matapos magsikap sa karagdagang edukasyon na sa tingin ng kagyat na nakatataas na organo ay nakasasapat.
Seksyon 8. Lahat ng kasapi ng Partido na umabot sa edad na 70 taon, may malubhang karamdaman o kaya ay nawalan ng kakayahan ay maaaring pumiling magretiro sa gawaing pampartido. Mananatili ang kanilang pagiging kasapi ng Partido at may karapatan sa suportang pansustento at tulong medikal.
Seksyon 9. Ang mga kadre ng Partido na nagretiro, pero may kakayahan pa sa isip at pangangatawan ay oorganisahin bilang komiteng tagapayo para sa organo ng Partido na huli nilang kinapalooban. Maaari silang magpayo at mabigyan ng espesyal na mga gawain ayon sa kanilang karanasan at kakayahan.
Artikulo IV: Prinsipyo at Istruktura ng Organisasyon ng Partido
Seksyon 1. Ang balangkas ng Partido ay ibabatay sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo, ibig sabihi’y sentralismong nababatay sa demokrasya at demokrasyang napaiilalim sa sentralisadong pamumuno.
Ang mga batayang kundisyon ay ang mga sumusunod:
a. Ang mga namumunong organo ng Partido sa lahat ng antas ay ihahalal at may pananagutan sa organisasyon o kumperensya ng Partidong naghalal sa kanila.
b. Matapos ang malaya at puspusang talakayan, ang mga desisyon ng Partido ay ipatutupad.
(1) ang indibidwal ay napaiilalim sa organisasyon;
(2) ang minorya ay napaiilalim sa mayorya;
(3) ang nakabababang antas ay napaiilalim sa nakatataas na antas;
(4) ang buong kasapian ay napaiilalim sa Komite Sentral at Pambansang Kongreso.
k. Ang mga namumunong organo ng Partido ay laging magbibigay ng masusing pansin sa mga ulat at palagay ng mga nakabababang organisasyon ng Partido at ng masang kasapi ng Partido at laging patuloy na mag-aaral ng mga kongkretong karanasan at magbibigay ng maagap na tulong sa paglutas sa mga suliranin.
d. Ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay magbibigay ng mga regular at espesyal na ulat tungkol sa kanilang gawain sa organisasyong nakatataas sa kanila at maagap na hihiling ng tagubilin tungkol sa mga suliraning nangangailangan ng desisyon ng nagkatataas na organisasyon ng Partido.
e. Lahat ng organisasyon ng Partido ay susunod sa prinsipyo ng kolektibong pamumuno at kolektibong pagpapasyahan ang lahat ng mahahalagang suliranin.
Seksyon 2. Itatatag ang organisasyon ng Partido batay sa dibisyong teritoryal o larangan ng gawain.
a. Ang organo ng Partido na nangangasiwa sa gawain ng Partido sa isang takdang teritoryo ang tatayong pinakamataas na organo sa teritoryong iyon.
b. Ang organo ng Partido na nangangasiwa sa gawain ng Partido sa isang takdang larangan ng gawain o sa isang organisasyong pangmasa ang tatayong pinakamataas na organo sa naturang larangan ng gawain o organisasyong pangmasa.
Seksyon 3. Ang balangkas ng mga organisasyon ng Partido at ang mga namumunong organo nila ay ang sumusunod:
a. Para sa buong Pilipinas, ang buong kasapian ng pambansang organisasyon ng Partido, ang Pambansang Kongreso at ang Komite Sentral.
b. Para sa rehiyon, ang organisasyong rehiyon ng Partido, ang kumperensyang rehiyon at ang komiteng rehiyon.
k. Para sa probinsya o katumbas niyon, ang organisasyong probinsya ng Partido, ang kumperensyang probinsya at ang komiteng probinsya.
d. Para sa regular na distrito at malaking distrito ng lunsod o katumbas niyon, ang organisasyong distrito ng Partido, ang kumperensyang distrito at ang komiteng distrito.
e. Para sa munisipalidad o katumbas niyon, ang organisasyong seksyon ng Partido, ang kumperensyang seksyon at ang komiteng seksyon.
g. Para sa mga pabrika, minahan, plantasyon o asyenda, baryo, kalye, tanggapan, paaralan, mga sityong may malaking populasyon, ibang mga pook ng trabaho gaya ng mga terminal, palengke, daungan, at mga pook ng paninirahan, ang sangay ng Partido, ang pulong ng sangay at ang komiteng tagapagpaganap ng sangay.
Seksyon 4. Ang kataas-taasang pamunuan ng buong Partido ay ang Pambansang Kongreso; ang sa rehiyon, lalawigan, distrito at seksyon ay ang kaukulang kumperensya; at ang sa sangay ng Partido ay ang pulong ng sangay.
Sa pagitan ng mga pulong ng sangay, mga kumperensya ng Partido at mga pambansang kongreso, ang komite ng Partido ang namumunong organo ng organisasyon ng Partido sa bawat antas.
Seksyon 5. Lahat ng namumunong organo ay ihahalal:
a. Ang Komite Sentral ay ihahalal ng Pambansang Kongreso.
b. Ang nakabababang namumunong mga komite sa bawat antas (panrehiyon, panlalawigan, pandistrito at panseksyon) ay ihahalal ng kumperensya ng Partido sa bawat kinauukulang teritoryal na saklaw.
k. Ang mga komiteng tagapagpaganap ng sangay ay ihahalal ng mga pulong ng sangay.
Ang Komite Sentral ang maghahanda ng mga pamantayan at pamamaraan ng halalan. Ang isang nakatataas na organo ng Partido ay maaaring magbuo o magbago ng komposisyon ng nakabababang organo sa pansamantalang batayan, sa loob ng makatwirang haba ng panahon na ipapailalim pa rin sa prinsipyo ng eleksyon ng kinauukulang organisasyon ng Partido.
Seksyon 6. Ang mga kagawad ng Komite Sentral ay dapat naging mga aktibong kasapi ng Partido nang hindi kukulangin sa limang magkakasunod na taon.
Seksyon 7. Maaaring muling buuin, o lusawin ang mga namumunong organo, o itiwalag ang mga kagawad nito ng mga organisasyon ng Partido na naghalal sa kanila o ng mga organo ng Partido na naghirang sa kanila kahit hindi pa natatapos ang panahon ng kanilang panunungkulan. Ilalahad ang karampatang dahilan.
Sa pagitan ng mga kumperensya ng Partido sa anumang antas, maaaring alisin ng nakatataas na komite ng Partido ang mga kagawad sa nakabababang organo ng Partido na sa tingin nito ay kailangan.
Seksyon 8. Ang pagtatatag ng isang bagong organisasyon ng Partido o ang pagbubuwag sa isang nakatatag na ay pagpapasyahan ng nakatataas na mga organisasyon ng Partido o nakatataas na mga organo ng Partido.
Seksyon 9. Ang mga komite ng Partido mula sa organisasyong seksyon at rehiyon ng Partido ay magbubuo ng mga kagawaran, kawanihan, komisyon at iba pang kinakailangang organo alinsunod sa pangangailangan.
Seksyon 10. Ang mga organisasyon ng Partido sa anumang antas ay maaaring magdaos ng iba’t ibang anyo ng pulong, seminar o kumperensya ng mga kadre at aktibong kasapi upang repasuhin o planuhin ang kanilang gawain o talakayin ang mahahalagang desisyon ng nakatataas na organo ng Partido.
Seksyon 11. Bago pagpasyahan ng isang nakatataas na organo ng Partido ang isang patakaran, ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay maaaring malayang magtalakay sa usapin o mga usapin, at maaaring magharap ng mga panukala sa namumunong organo ng Partido. Matapos pagtibayin ang isang desisyon, dapat silang sumunod dito.
Gayunman, kung sa palagay nila’y hindi umaayon ang desisyon sa kalagayan ng isang takdang lugar o larangan ng gawain, maaaring hilingin ang rekonsiderasyon ng desisyon. Kung paninindigan ng nakatataas na organo ng Partido ang desisyon nito pagkaraan ng karampatang rekonsiderasyon, obligado ang mga nakabababang organisasyon ng Partido na ipatupad ito.
Seksyon 12. Ang Komite Sentral, ang Kawanihang Pampulitika o Komiteng Tagapagpaganap ang organong gagawa ng mga desisyon at maglalabas ng mga pahayag tungkol sa mayor na bagong mga inisyatiba at sa mga usapin sa patakaran na may pambansa at internasyunal na katangian. Maaaring talakayin ng mga nakabababang organisasyon ng Partido at mga namumunong organo nila ang mga usaping pambansa at internasyunal at inaasahang magsumite ng kanilang mga opinyon sa mga sentral na namumunong organo, ngunit sila ay may karapatang gumawa ng sariling desisyon at maglabas ng sariling mga pahayag tungkol lamang sa mga usaping lokal na sa loob ng kanilang teritoryal na saklaw.
Seksyon 13. Kapag ang namumunong organo ng Partido ay binubuo sa kalakhan ng mga kadreng may edad na, gagawa ng hakbang na makamit ang balansyadong komposisyon ng nabanggit na organo sa pamamagitan ng pagpapaloob ng mga kadreng bata, may katamtamang-edad at may edad na.
Seksyon 14. Lahat ng publikasyon ng Partido ay dapat magpalaganap ng pangkalahatang linya, mga patakaran at desisyon ng Partido.
Dapat ipalaganap ng lahat ng organisasyon ng Partido ang mga publikasyon ng Komite Sentral. Obligasyon ng mga lokal na publikasyon ng Partido na humingi ng pahintulot ng namumunong organo ng Partido na kagyat na nakatataas sa mga ito.
Artikulo V: Ang Sentral na Organisasyon
Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ay tatawagin at idaraos ng Komite Sentral tuwing ikalimang taon, maliban kung ituturing na kailangan itong idaos pagkatapos o bago sumapit ang takdang panahon. Kung ang mayorya ng mga komiteng panrehiyon ng Partido ay pormal na hihiling na idaos ang kongreso, pagbibigyan ng Komite Sentral ang kahilingan.
Ang pabatid sa pagdaraos ng Pambansang Kongreso ay gagawin nang hindi kukulangin sa isang buwan bago ito idaos. Ang bilang ng mga delegado at ang paraan ng paghalal sa kanila ng mga nakabababang organisasyon ng Partido o pagpili sa kanila ng mga nakabababang organo ng Partido ay pagpapasyahan ng Komite Sentral.
Seksyon 2. Ang kapangyarihan at mga tungkulin ng Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:
a. talakayin, pagtibayin, muling suriin o susugan ang Programa at Saligang Batas;
b. pagpasyahan ang linyang pampulitika ng Partido;
k. ihalal ang mga kasapi at kandidatong kasapi ng Komite Sentral at iba pang sentral na organo pagkaraang pagpasyahan ang kaukulang laki ng kasapian sa bawat organo;
d. tanggapin, talakayin at pagtibayin ang mga ulat ng Komite Sentral at iba pang sentral na organo; at
e. itayo o lusawin kung kinakailangan ang mga sentral na organo bukod sa mga organong naitatag na.
Seksyon 3. Sa pagitan ng mga pambansang kongreso, ang Komite Sentral ang mamumuno sa buong gawain ng Partido, magpapatupad sa mga desisyon ng Pambansang Kongreso, gagawa ng mga napapanahong desisyon at lulutas sa mga umiiral na suliranin, magtatatag ng mga organo ng Partido at mamumuno sa kanilang mga aktibidad, magdidirihe at mag-aayos ng alokasyon ng mga kadre ng Partido at maagap na haharapin ang mga paghahabol ng mga nakabababang organisasyon ng Partido at mga indibidwal na kasapi sa mga kaso ng aksyong pandisiplina.
Seksyon 4. Ang Komite Sentral, sa plenum nito, ay maghahalal ng Kawanihang Pampulitika, Komiteng Tagapagpaganap, Pangkalahatang Kalihiman, Tagapangulo, Unang Pangalawang Tagapangulo at ibang mga Pangalawang Tagapangulo ng Komite Sentral, ng Pangkalahatang Kalihim at ibang mga kalihim ng Komite Sentral.
a. Ang Kawanihang Pampulitika, kasama ng Komiteng Tagapagpaganap nito, ang babalikat ng kapangyarihan at mga tungkulin ng Komite Sentral sa pagitan ng mga plenum.
b. Ang Komiteng Tagapagpaganap ay aakto sa mga usaping pampulitika at administratibo alinsunod sa pirming mga patakaran at umiiral na mga desisyon ng Komite Sentral at ng Kawanihang Pampulitika.
k. Ang Pangkalahatang Kalihiman ng Komite Sentral ang mamamahala sa pang-araw-araw na pangangasiwa, regular na mga aktibidad ng Partido sa pamumuno ng Kawanihang Pampulitika.
Ang bilang ng mga kagawad at kandidatong kagawad ng Kawanihang Pampulitika, ng Komiteng Tagapagpaganap at ng Pangkalahatang Kalihiman ay pagpapasyahan ng Komite Sentral. Kung may bakante, ito ay karaniwang pupunuan ng mga kandidatong kasapi.
Seksyon 5. Ang Komite Sentral sa plenum nito, o sa pamamagitan ng Kawanihang Pampulitika o Komiteng Tagapagpaganap, ay magbubuo at mamumuno sa mga espesyal na organo tulad ng Komisyong Militar, ng Komisyon sa Nagkakaisang Prente, ng Pambansang Komisyon sa Pinansya, ng mataas ng paaralan ng Partido (ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo) at ng mga lathalaing sentral, bukod sa Kalihiman at sa mga kagawaran ng organisasyon, edukasyon at ibang mga kagawaran niyon.
Seksyon 6. Ang Komite Sentral ay magbubuo ng mga komisyong interrehiyonal bilang mga organong istap para sa pangangasiwa sa magkakanugnog na mga rehiyon. Nagmumula ang kapangyarihan at mga tungkulin ng mga komisyong ito sa Komite Sentral.
Seksyon 7. Ang plenum ng Komite Sentral ay tatawagin ng Kawanihang Pampulitika o ng Tagapangulo minsan bawat dalawang taon. Gayunman, ang Kawanihang Pampulitika o ang mayorya ng mga kagawad ng Komite Sentral ay maaaring magpasyang idaos ito nang maaga o lampas sa takdang panahon. Ang mga kagawad at kandidatong kagawad ng Komite Sentral ay dadalo sa plenum ngunit ang mga kandidatong kagawad, bagamat may karapatang magsalita, ay walang karapatang bumoto.
Seksyon 8. Tatayo ang Tagapangulo ng Komite Sentral bilang pangunahing pinuno sa ideolohiya at pulitika ng Partido at bilang ganito ay gagawa ng angkop na mga pahayag sa ideolohiya at pulitika; mangungulo sa Pambansang Kongreso at mga pulong ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap; mamamatnugot sa mga sentral na organo sa ilalim ng Komite Sentral, kabilang ang Pangkalahatang Kalihiman; tumayo bilang Tagapangulo ng Komisyong Militar at Punong-Kumander ng Bagong Hukbong Bayan; at umakto bilang pangunahing kinatawan ng Partido sa ugnayang panlabas sa bayan at sa daigdig.
Seksyon 9. Maaaring ipasalo ng Tagapangulo ng Komite Sentral ang kanyang awtoridad at mga tungkulin sa Unang Pangalawang Tagapangulo at ibang mga Pangalawang Tagapangulo. Sa kaso ng kawalang kapasidad o pagkawala sa Pilipinas ng Tagapangulo ng Komite Sentral sa loob ng isang buwan o higit pa, babalikatin ng Unang Pangalawang Tagapangulo ang kapangyarihan at mga tungkulin ng Tagapangulo sa loob ng Pilipinas. Sa kaso ng permanenteng kawalang kapasidad ng Tagapangulo, babalikatin ng unang pangalawang tagapangulo ang lahat ng tungkulin ng tagapangulo.
Seksyon 10. Lahat ng sentral na organong istap at mga komiteng rehiyon ng Partido ay may obligasyong ipaabot agad sa Komite Sentral sa pamamagitan ng Komiteng Tagapagpaganap at Tagapangulo ang anumang bagong inisyatiba na may mayor na kabuluhan o malawak na kahalagahan at anumang bagay na maaaring maging kontrobersyal o aktwal nang kontrobersyal.
Sa kaso ng anumang kontradiksyon sa pagitan ng sentral na organong istap at iba pa, o sa alinmang teritoryal na namumunong organo, may obligasyon ang dalawang panig na agad na ipaabot ang kontrobersyal na usapin sa Komite Sentral sa pamamagitan ng Komiteng Tagapagpaganap at Tagapangulo para sa kagyat na resolusyon.
Artikulo VI: Mga Organisasyon ng Partido sa Teritoryo
Seksyon 1. Ang mga kumperensya ng organisasyon ng Partido sa mga teritoryo ay idaraos nang regular: sa mga rehiyon, minsan bawat tatlong taon; sa mga lalawigan at distrito, minsan bawat dalawang taon; at sa mga seksyon, minsan isang taon. Gayunman, maaaring idaos ang mga kumperensya anumang oras batay sa desisyon ng nakatataas na organo ng Partido o batay sa petisyon ng mayorya ng mga nakabababang organo ng Partido.
Seksyon 2. Ang mga tungkulin at kapangyarihan ng mga kumperensya sa rehiyon, lalawigan, distrito at seksyon ay ang mga sumusunod:
a. tumanggap, magtalakay at magpatibay ng mga ulat na ginawa ng mga komite ng Partido at iba pang organo ng Partido sa ganoon ding antas;
b. gumawa ng mga resolusyon hinggil sa mga usaping pang-organisasyon at pampulitika; at
k. maghalal ng komite ng Partido pagkaraang pagpasyahan ang angkop na bilang ng mga kagawad.
Seksyon 3. Sa mga kaukulang plenum, maghahalal ang mga teritoryal na komite ng Partido ng komiteng tagapagpaganap at kalihiman (kalihim at mga pangalawang kalihim kahit man lamang para sa edukasyon at organisasyon). Ang kalihim ay mangungulo sa mga plenum, sa komiteng tagapagpaganap at sa kalihiman.
Ang mga komiteng rehiyon ay magdaraos ng plenum minsan sa isang taon; ang mga komiteng lalawigan o katumbas nito, minsan bawat anim na buwan; ang mga komiteng distrito, minsan bawat tatlong buwan at ang mga komiteng seksyon, minsan sa isang buwan.
Seksyon 4. Ang mga komiteng rehiyon, lalawigan, distrito at seksyon ay magpapatupad ng mga desisyon ng mga nakatataas na organisasyon ng Partido, magbuo ng mga probisyunal na nakabababang organo ng Partido, magdirihe sa kanilang mga aktibidad at magtatalaga ng mga kadre ng Partido.
Seksyon 5. Ang mga komiteng rehiyon, lalawigan, distrito at seksyon ay magdaraos ng mga kumperensya sa mga gawain at pag-aaral, taun-taon o batay sa pangangailangan, na dadaluhan ng mga delegadong halal ng mga sangay ng Partido at grupo ng Partido sa mga organisasyong masa. Ang mga kumperensyang ito ay may kapangyarihang magharap sa mga namumunong organo ng Partido ng mga rekomendasyon tungkol sa mga usapin o isyu sa ideolohiya, pulitika, organisasyon, militar at iba pa.
Seksyon 6. Ang organisasyon ng Partido sa labas ng bansa ay itatatag sa hanay ng mga Pilipino sa ibayong dagat, mula sa batayang antas pataas sa ilalim ng direksyon ng Kagawarang Internasyunal ng Komite Sentral.
Artikulo VII: Batayang Organisasyon ng Partido
Seksyon 1. Ang sangay bilang batayang organisasyon ng Partido ay itatatag saanman may di-kukulangin sa tatlong kasapi ng Partido na sama-samang makakikilos bilang isang kolektibong yunit, alinsunod sa pook ng paninirahan, pook ng trabaho at pook ng pag-aaral. Itatatag ang mga sangay ng Partido sa mga pabrika, minahan, plantasyon o asyenda, baryo, paaralan, kalye, tanggapan at mga pook ng paninirahan at sa bawat kumpanya o platun ng hukbong bayan. Kung sa nabanggit na mga lugar ay kulang sa tatlo ang kasapi, ang mga kasaping ito ng Partido ay papaloob sa pinakamalapit na batayang organisasyon ng Partido.
Seksyon 2. Kung lampas sa labinlima ang kasapi ng isang sangay ng Partido, ang buong kasapian ay hahatiin sa mga grupo ng sangay alang-alang sa kaluwagan at kaligtasan, maliban kung ang sangay ay nasa ligtas na rebolusyonaryong baseng purok. Ang bawat grupo ng sangay ay hindi kailanman palalampasin sa sampung kasapi.
Seksyon 3. Ang pinakapundamental na tungkulin ng batayang organisasyon ng Partido ay paunlarin ang pinakamahigpit na ugnayan sa pagitan ng Partido at ng masa ng sambayanan.
Ang mga pangkalahatang responsibilidad ng sangay ay:
a. magsagawa ng gawaing pampropaganda, pang-edukasyon at pang-organisasyon sa hanay ng masa upang ipatupad ang linya ng Partido at ang mga patakaran at desisyon ng mga nakatataas na organo ng Partido;
b. alamin sa masa ang kanilang mga mithiin at demanda, gumawa ng napapanahong mga ulat sa mga nakatataas na organo ng Partido, magbigay-patnubay at lumahok sa buhay pampulitika, pang-ekonomya at pangkultura ng mamamayan.
k. pakilusin at pamunuan ang masa sa pamamagitan ng mga kampanya para sa kapakanan ng mamamayan at sa mga isyung may saklaw at kabuluhang lokal, pambansa o pandaigdig;
d. mangalap ng tulong na materyal at moral para sa armadong pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan;
e. magrekrut ng mga bagong kasapi ng Partido at mga Pulang mandirigma, mangulekta ng butaw ng mga kasapi ng Partido, suriin ang mga ulat mula sa mga kasapi ng Partido at pangalagaan ang disiplina at kaligtasan ng Partido sa hanay ng mga kasapi;
e. organisahin ang pag-aaral ng mga kasapi ng Partido at ang pamamahagi ng mga lathalain ng Partido; at
g. magrekomenda ng mga kasapi ng Partido para sa pagsasanay na pangkadre sa mas matataas na antas hanggang sa Rebolusyonaryong Paaralan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.
Seksyon 4. Ang mga pulong ng sangay ay idaraos nang di bababa sa isang beses sa isang buwan. Ang mga ito ay dadaluhan lamang ng mga pinuno ng mga grupo ng sangay kung sa pook na di matatag at di protektado ay mahirap dumalo ang lahat ng kasapi ng sangay.
Ang mga pulong ng sangay ang maghahalal ng komiteng tagapagpaganap at kalihiman (kalihim at mga pangalawang kalihim) ng sangay at mga pinuno ng mga grupo ng sangay. Ang takdang panahong ipanunungkulan ng lahat ng ito ay isang taon.
Ang mga pulong ng sangay ang magpapatibay sa mga aplikasyon sa pagsapi sa Partido, tatanggap at tatalakay sa mga ulat ng komiteng tagapagpaganap ng sangay, ng mga grupo ng sangay, ng mga grupo ng Partido at ng mga komite ng sangay, at magpapasya sa gawain ng buong sangay.
Seksyon 5. Bawat kasapi ng Partido ay papaloob sa sangay ng Partido. Maaaring mapabilang ang isang kasapi ng Partido sa dalawang batayang organisasyon ng Partido (sangay ng Partido at grupo sa isang organisasyong masa o institusyon) at magbayad ng butaw sa isa lamang, basta’t may pahintulot siya ng isang nakatataas na komite ng Partido.
Ang isang kasapi ng Partido na lumilipat mula sa isang sangay tungo sa isa pang sangay ay magdadala ng awtorisasyon ng komiteng seksyon na nakatataas sa mga sangay na kanyang panggagalingan at paglilipatan, gayunin ng komiteng sumasaklaw sa dalawang sangay.
Artikulo VIII: Mga Grupo ng Partido sa mga Organisasyong Masa
Seksyon 1. Ang mga grupo ng Partido ay lihim na bubuuin sa bawat posibleng antas sa mga organisasyon ng mga manggagawa at sa mga organisasyong masa ng mga magsasaka, kabataan, estudyante, kababaihan, manggagawang pangkultura, propesyunal, tagayaring-kamay at iba pa na may di kukulangin sa tatlong kasapi ng Partido. Kabilang sa mga responsibilidad ng mga grupong ito ng Partido ang pagpapatupad sa mga patakaran at desisyon ng Partido, pagpapalakas sa pakikipagkaisa sa mga aktibistang di kasapi ng Partido at pagpapaunlad ng mahigpit na ugnayan sa pagitan ng Partido at masa sa loob ng mga organisasyong masa.
Seksyon 2. Ang mga kasapi ng Partido sa mga institusyong burges na malawak ang saklaw ay lihim ding oorganisahin ang sarili bilan mga grupo ng Partido. Kabilang sa kanilang mga responsibilidad ang pagpapatupad sa mga patakaran at desisyon ng Partido, pangangalap ng impormasyong kapaki-pakinabang sa Partido, paglalantad sa mga kasalanan at kahinaan ng mga nagsasamantalang uri, at pagrerekrut ng mga kasapi ng Partido mula sa hanay ng petiburgesyang lunsod.
Seksyon 3. Ang bilang ng kasapi sa mga grupo ng Partido ay itatakda ng mga komite ng Partido na namumuno sa kanila. Ang grupo ng Partido sa bawat antas ng mga organisasyong pangmasa ay magkakaroon ng kalihim at mga pangalawang kalihim.
Seksyon 4. Ang katayuan at mga karapatan ng mga grupo ng Partido sa Pambansang Kongreso at sa mga kumperensya ng Partido ay pagpapasyahan ng Komite Sentral.
Artikulo IX: Ang Relasyon ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan
Seksyon 1. Ang Partido, sa pamamagitan ng Komisyong Militar nito sa ilalim ng Komite Sentral at sa pamamagitan ng mga kadre nito sa bawat antas, ay mamumuno at magkukumand sa Bagong Hukbong Bayan at gagabayan ito sa pag-aaral at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pauunlarin ang pinakasulong na mga mandirigma upang maging kasapi ng Partido.
Seksyon 2. Ang Mga Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan ay kikilala sa absolutong pamumuno ng Partido at ng Komisyong Militar nito at magtatakda sa pagtatalaga ng mga pinunong pampulitika sa bawat armadong yunit at bawat teritoryal na kumand ng Bagong Hukbong Bayan.
Seksyon 3. Ang Bagong Hukbong Bayan ang magiging pangunahing sandata ng Partido sa pag-agaw at pagkonsolida sa kapangyarihang pampulitika. Buong tibay na pinagbubuklod nito ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka. Sa kanayunan, lilikhain nito ang kalagayan para itatag ang demokratikong estado ng bayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, ayudahan ang rebolusyong agraryo at tumulong sa pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga rebolusyonaryong organisasyong masa.
Seksyon 4. Itatatag sa loob ng Bagong Hukbong Bayan ang isang sangay ng Partido sa bawat kumpanya o platun, depende sa sitwasyon, at isang grupo ng Partido sa bawat iskwad. Bubuuin ang mga namumunong komite mula sa antas ng sangay hanggang sa pinakamataas na pormasyong militar.
Seksyon 5. Bubuuin ng Bagong Hukbong Bayan ang ilang anyo ng armadong pwersa: mga yunit na gerilya, mga regular na puwersang makilos, at mga regular na pwersa depende sa mga kalagayan. Magbubuo rin ito ng mga pansuhay at reserbang pwersa gaya ng milisyang bayan, mga yunit pananggol-sa-sarili na nakabase sa mga organisasyong masa at armadong partisanong lunsod. Ito ay magiging pwersa sa pakikibaka, sa pagsasanay pulitiko-militar, sa propaganda, sa gawaing pangkultura at sa produksyon.
Seksyon 6. Pauunlarin ng Partido ang pinakamahigpit na ugnayan sa pagitan ng hukbo at mamamayan, sa pagitan ng Partido at hukbo, at sa pagitan ng mga upisyal at mga kawal alinsunod sa proletaryong rebolusyonaryong diwa.
Seksyon 7. Mahigpit na tatalima ang Bagong Hukbong Bayan sa Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan:
Ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina:
1) Sumunod sa mga kautusan sa lahat ng iyong kilos.
2) Huwag kumuha ng kahit na isang karayom o hibla ng sinulid mula sa masa.
3) Ientrega ang lahat ng nasamsam.
Ang Walong Bagay na Dapat Tandaan ay:
1) Maging magalang sa pananalita.
2) Magbayad ng karampatang halaga sa iyong binibili.
3) Isauli ang lahat ng iyong hiniram.
4) Bayaran ang lahat ng iyong nasira.
5) Huwag manakit o mang-alimura ng tao.
6) Huwag manira ng mga pananim.
7) Huwag magsamantala sa mga babae.
8) Huwag magmalupit sa mga bihag.
Artikulo X: Ang Papel ng Partido sa Nagkakaisang Prente
Seksyon 1. Para tiyakin na bagong tipo ang demokratikong rebolusyon at may sosyalistang perspektiba, ang uring manggagawa ang namumunong uri sa pamamagitan ng abanteng destakamento nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Ang talibang papel ng uring manggagawa ay itataguyod ng lahat ng kasapi ng Partido sa nagkakaisang prente sa pangkalahatan at nang tuwiran, di-tuwiran, di pormal o sa praktikal na paraan sa kongkretong mga kaayusang nagkakaisang prente.
Sa prinsipyo at sa praktika, ang Partido ang komprehensibong pinuno at sentro ng rebolusyong Pilipino kapwa sa pambansa-demokratiko at sosyalistang yugto. Pinamumunuan nito ang armadong pakikibaka, ang nagkakaisang prente, ang kilusang masa, ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika, at sa kalaunan, ang Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.
Seksyon 2. Ang pundasyon ng nagkakaisang prente ay ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka. Krusyal ang kahalagahan para sa nagkakaisang prente at sa pambansa-demokratikong rebolusyon na iugnay ng Partido ang uring manggagawa sa uring magsasaka sa pamamagitan ng paglulunsad ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo, pagbubuo ng base at pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.
Seksyon 3. Pinagbubuklod ng nagkakaisang prente ang batayang masang anakpawis at petiburgesyang lunsod bilang mga saligang pwersa ng rebolusyon, kinakabig ang panggitnang burgesya sa pambansa-demokratikong rebolusyon at sinasamantala ang paksyunal na banggaan sa hanay ng mga nagsasamantalang uri upang ihiwalay at wasakin ang kaaway na sa isang takdang panahon ay siyang pinakamasahol na reaksyunaryong paksyon o nananakop na dayuhang agresor.
Seksyon 4. Isasagawa ng Partido ang pakikipagkaisang prente sa pamamagitan ng mga ugnayang baylateral at multilateral na iba’t ibang tipo sa ibang mga entidad sa batayan ng mga konsultasyon at konsensus para makamit ang mga layuning komun at labanan ang mga kaaway at suliraning komun. Maaaring idaan o hindi idaan ang pakikipagkaisang prente sa isang pormal na organisasyon.
Ang saklaw ng nagkakaisang prente ay kinabibilangan ng hayag na mga alyansang ligal sa batayan ng mga interes na makauri, sektoral at multisektoral o mga isyung komun; ng koalisyon sa ibang mga partidong pampulitika; ng tahimik at di pormal na relasyon sa iba’t ibang entidad; ng lihim na mga organisasyong nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka sa pamumuno ng uring manggagawa tulad ng National Democratic Front at ng pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa iba’t ibang antas ayon sa linyang nagkakaisang prente.
Seksyon 5. Pananatilihin ng Partido ang kasarinlan at inisyatiba nito sa nagkakaisang prente at hindi papasok sa anumang kaayusan na mabibitiwan niya ang mga ito. Lagi itong maghahanap ng batayang komun sa mga kaayusang pampulitika sa mga alyado nito, ngunit hindi papayag na madiktahan ng mga ito o mapailalim sa mga ito.
Seksyon 6. Ang National Democratic Front (NDF) ang pinakakonsolidadong lihim na organisasyong nagkakaisang prente ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa, na hayag na nakapailalim sa pamumuno ng uring manggagawa at para sa armadong pakikibaka batay sa pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang NDF ang pinakamahalagang bahagi ng buong pambansang nagkakaisang prente.
Ang National Democratic Front ay isang natatangi at integral na organisasyong nagkakaisang prente, na kinatatangian ng mga esensyal na tungkulin nito na tumulong sa pagpapanday ng pambansang pagkakaisa, sa pagpapalakas sa mga bahagi nitong mga organisasyon, sa pagkabig sa ibang mga pwersa na maging mga bahagi o katulong, at sa paghahawan ng landas para sa pagtatatag ng mga organo ng demokratikong kapangyarihan, laluna sa mga antas na mas mataas sa antas baryo.
Artikulo XI: Ang Pananalapi at mga Rekurso ng Partido
Seksyon 1. Itinataguyod ng Partido ang prinsipyo ng pag-asa-sa-sarili sa pagharap sa mga pangangailangang materyal at pampinansya para sa mga operasyon ng Partido.
Seksyon 2. Ang Partido ay tutustusan ng mga butaw sa pagsapi at regular na butaw ng mga kasapi, ng mga produktibong gawain ng Partido, ng mga espesyal na singil, ng parte sa kita, pag-aari at mana ng mga kasapi, ng mga walang kundisyong kontribusyon at ng mga kampanya sa pagpapalitaw ng pondo.
Seksyon 3. Ang mga taong naghahangad na sumapi sa Partido ay oobligahing magbayad ng butaw sa pagsapi na katumbas ng halaga ng buwanang butaw. Itatakda ng Pambansang Komisyon sa Pinansya ang regular na butaw ng mga kasapi at babayaran ito buwan-buwan.
Seksyon 4. Maaaring magpataw ng mga espesyal na singil sa mga kasapi kung pagtitibayin ng kinauukulang komite ng Partido.
Seksyon 5. Ang mga kasapi ng Partido na nagkaroon ng trabaho sa tulong ng Partido sa mga entidad sa labas ng Partido ay magbibigay ng kanilang kita sa Partido at tatanggap ng halagang pagpapasyahan ng Partido ayon sa regulasyon at sa pangangailangan ng mga kasapi at ng mga myembro ng pamilya na umaasa sa kanila.
Seksyon 6. Ang Komite Sentral ay tatanggap ng walumpung porsyento ng mga butaw sa pagsapi, butaw ng mga kasapi at iba pang buwanang kita at siyang maghahati-hati ng halagang ito sa iba’t ibang antas. Ang dalawampung porsyento ay maiiwan sa sangay ng Partido.
Artikulo XII: Mga Susog at Natatanging Pangyayari
Seksyon 1. Ang Saligang Batas na ito ay sususugan sa pamamagitan ng dalawang-sangkatlong mayorya ng mga dumalo sa Pambansang Kongreso sa panahon ng botohan.
Seksyon 2. Kung ang anumang organisasyon ng Partido ay hindi makaiiral nang ganap na alinsunod sa Saligang Batas na ito, magbubuo ang nakatataas na namumunong organo ng Partido ng napapanahong mga desisyon para pangibabawan o lutasin ang pagkawala o pagkabigo ng pamumuno at iba pang natatanging mga pangyayari sa antas ng nakabababang organo ng Partido.
Pinagtibay: Ikalawang Kongreso
Partido Komunista ng Pilipinas
Nobyembre 7, 2016