Aktibistang magsasaka, pinatay sa Bohol
Patay sa pamamaril ng mga pwersa ng estado ang magsasakang si Lorenzo Paña sa Barangay Dorol, Balilihan, Bohol noong Disyembre 30, 2020. Si Paña ay myembro at dating upisyal ng Hugpong sa Mag-uuma Dapit sa Kasapdan-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Dati nang ginigipit ng estado ang biktima dahil sa kanyang pagiging aktibista. Noong 2018, hinalughog nang walang mandamyento ng mga pulis ang kanyang bahay sa Barangay Bantolinao, Antequera. Pinagmalupitan din ng mga pulis ang kanyang pamilya.
Tortyur. Tinortyur at binugbog ng nag-ooperasyong mga sundalo ng 62nd IB ang sibilyang sina Michael Callao at Jimmy Bayog, parehong residente ng Sityo Agogolo, Barangay Macagahay, Moises Padilla, Negros Occidental. Napadaan lamang ang dalawa sa Sityo Bongao, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Disyembre 26, 2020 nang harangin sila ng mga sundalo.
Istraping. Tatlong sibilyan ang biktima sa walang-habas na pamamaril ng mga sundalo ng 78th IB sa isang bahay sa Barangay Quezon, General MacArthur, Eastern Samar noong Nobyembre 12, 2020. Nasa loob noon ng bahay ang magkakapatid na sina Benan, 50, Boboy, 40, at Ryan Cadello, 22—mga sibilyang inakusahan ng militar na may kaugnayan sa armadong kilusan.
Militarisasyon. Mula Disyembre 25, 2020, sumalakay ang may 90-120 sundalo ng 11th IB at 705th Police Regional Mobile Force Battalion sa 14 na sityo ng mga barangay ng Tayak, Napacao at Casalaan sa Siaton, Negros Oriental. Nagtala ng sampung kaso ng mga paglabag ang mga pwersa ng estado, kabilang ang tangkang pagpatay, pagnanakaw, paninira ng mga ari-arian, interogasyon at pananakot.