Mensahe sa mga mamamahayag sa unang National Press Freedom Day sa bansa
Nakikiisa kami sa mga mamamahayag, manggagawa sa midya, mga tagapamandila ng kalayaan sa pamamahayag at sa buong sambayanan sa paggunita ninyo ngayong araw sa unang National Press Freedom Day sa bansa. Katuwang ninyo ang Partido sa patuloy na paglaban at pagtataguyod sa kalayaan sa malayang pamamahayag, at laban sa nagpapatuloy na paniniil at pambubusal ng mga pwersa ng estado.
Nagpupugay ang Partido sa lahat ng mga reporter, brodkaster at mga patunugot sa matatag na naninindigan para sa kalayaan sa malayang pamamahayag sa kabila ng mga hamon. Nararapat kayong pasalamatan ng buong taumbayan sa ibinibigay ninyong serbisyo sa pagsisiwalat ng katotohanan, laluna yaong pilit na ikinukubli ng mga may kapangyarihan.
Malaking hamon na gugunitain ang unang National Press Freedom Day habang patuloy na ginigipit ang mga kalayaan at karapatan sa ilalim ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr, anak at tagapagtaguyod ng dating diktador na bantog sa pambubumusal sa kalayaan mamamahayag. Sa panunumbalik ng mga Marcos, pilit na binubura sa isip ng taumbayan, laluna ng mga kabataan, ang madilim na kasaysayan ng paniniil at krisis sa panahon ng batas militar, at ang naging dakilang paglaban ng sambayanan.
Sa halos isa’t kalahating dekada ng paghaharing diktador, ang mga pahayagan, telebisyon, radyo at mga imprenta ay kinadena o inangkin ni Marcos para ipagkait ang karapatan ng taumbyan sa malayang midya at kontrolin ang daloy ng impormasyon. Imbing pakana ni Marcos na piringan ang taumbayan, ikubli ang mga abuso ng paghaharing militar at pandarambong sa kabang-yaman ng bayan, at bilugin ang kanilang ulo sa ilusyon ng kasaganahan at kaunlaran.
Subalit bigo si Marcos na habampanahong ikulong sa dilim ang sambayanan. Paglao’y sisigaw ang reyalidad ng krisis na nilikha ng korapsyon ng mga Marcos, walang awat na pangungutang, pagmamanikluhod sa mga dayuhang kapitalista, pagpako sa sahod ng mga manggagawa, malawakang disempleyo, huwad na reporma sa lupa at paglulubog sa masang magsasaka sa utang. Hindi mapipigilan ang pagtindig ng mga pwersang demokratiko para igiit ang kalayaan sa pamamahayag upang magsilbing daluyan ng mga pinagtatakpang katotohanan.
Sa araw na ito, inaalala namin ang mga pangalan ng matatapang na mamamahayag na nanindigan at nakipaglaban para sa ibalik ang mga demokratikong kalayaan, at nakiisa sa sambayanang nagbangon laban sa diktadura.
Labis-labis ang peligro ng pagtataguyod sa kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas. Batid namin kung papanong sa anim na taon sa ilalim ng nagdaang rehimeng Duterte, hindi bababa sa 80 beses ang mga pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag, kabilang ang 23 kaso ng pagpaslang sa inyong mga kasamahang reporter at brodkaster. Batid rin namin na hindi iilang mamamahayag ang sinampahan ng gawa-gawang mga kaso at idinadawit sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Sa panahon din ni Duterte naulit ang ala-Marcos na pagpapasara sa ABS-CBN, at ang panggigipit sa Rappler at iba pang grupo sa midya.
Katulad ng kanyang amang diktador, bantugan si Marcos Jr sa kontra-demokratikong pakikitungo sa kalayaan sa pamamahayag at pagbaluktot sa katotohanan. Lalong nagiging mabagsik ang paninibasib sa karapatan sa pamamahayag at impormasyon gamit ang bagong mga sandata ng tiraniya. Hawak ngayon ni Marcos Jr ang batas na kabalintunaang tinawag na “anti-terorismo” para manindak at magtanim ng takot sa mga demokratikong pwersa. Noon at ngayon, ang reaksyunaryong estado ang pinakamalaking banta sa kalayaan sa pamamahayag.
Gamit ang pondo ng estado, kinakasangkapan ngayon ng pangkatin nila Marcos Jr ang mga troll, ahensya ng gubyerno, mga sundalo at pulis para maghabi ng mga kasinungalingan, magpakalat ng disimpormasyon (fake news), at lumikha ng huwad na larawan ng reyalidad kung saan pilit iniaakyat sa pedestal ang kasukla-suklam na imahe ng mga Marcos at pinagtatakpan ang kabuktutan ng estado. Laganap rin ang panunuhol sa masmidya upang kumanta sa tono ni Marcos. Mayroon ding hindi nakakubling banta katulad ng “ibalita ang maganda tungkol sa Pilipinas” na nagiging takdang limitasyon at nagbubunsod ng pagsesensor sa sarili.
Kamakailan, bago tuluyang maupo si Marcos Jr, ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pagharang sa mga website ng kilalang mga grupo ng alternatibong midya, progresibo at ilang samahang internasyunal, pati na ang website ng mga rebolusyonaryong pwersa. Isinagawa ito para sindakin at busalan ang kritikal na midya at patahimikin ang mga progresibong tinig sa layuning monopolyohin o papaghariin ang kanilang pananaw sa internet.
Kaakibat rin nito ang panggigipit sa mga social media platform, katuwang at sa udyok rin ng rehimeng Marcos, laban sa mga pwersang patriyotiko, progresibo at rebolusyonaryo. Ang mga “community standard” at “rules” na ipinatutupad ng mga higante sa social media ay tuwirang nakaalinsunod sa dikta ng gubyernong US, sa pamamagitan ng pakikipagtuwangan ng mga ito sa Atlantic Council at pag-empleyo ng mga tauhan o dating tauhan ng Central Intelligence Agency at Pentagon.
Ang tahasan at di tuwirang panggigipit sa masmidya ay ginagawa ngayon ng rehimeng Marcos kasabay ng pangkalahatang panggigipit sa mga demokratikong kalayaan gamit ang mga armadong pwersa ng estado. Patuloy na pinalalakas at pinalalawak ang mapaniil na mga pwersa ng estado, kabilang ang AFP at PNP, pati na ang National Task Force (NTF)-Elcac, para wasakin ang mga organisasyon ng taumbayan at pagkaitan sila ng lakas na lumaban.
Huwag nating payagan ang rehimeng Marcos na supilin ang ating tinig at kalayaan sa pamamahayag. Dapat ihatid natin ang mga balita, ulat at iba pang porma nito sa mga komunidad upang ikintal sa mamamayan ang tunay na kalagayan ng bayan. Dapat nating ipabatid ang datos ng karukhaan, pagkawasak ng ekonomya, kawalan ng trabaho, lugmok na agrikultura at hindi matiis na kalagayan ng anakpawis.
Tulad sa nakaraan, marapat na patamaan nang maraming magkakasunod na bigwas ang rehimeng Marcos sa paglalabas ng mga balitang nagsisiwalat sa kabulukan ng kanyang gubyerno, kawalang tugon sa umiiral na krisis sa ekonomya at pulitika, at ang luho ng kanyang gubyerno sa harap ng paghihirap ng sambayanan. Dapat magkaisa ang lahat upang biguin ang pagtatangka ni Marcos Jr na ilambong ang ilusyon ng “kaunlaran” sa taumbayan at pagtakpan ang kabulukan ng kanyang gubyerno at ng buong naghaharing sistema.
Kaakbay ninyo ang Partido sa nagpapatuloy na pakikibaka para ipagtanggol at itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag. Hamon sa lahat ng manggagawa sa midya na manindigan at pumanig sa mamamayang Pilipino sa kanilang pakikibaka laban sa tiranya at panunupil ng estado. Harapin natin ang hamon na padaluyin sa mga panulat at pagbobrodkas ang mga hinaing ng taumbayan, at ang kanilang mga hangarin para sa pambansang kalayaan at demokrasya.