Ang mapaminsalang pagmimina at operasyon ng mga plantasyong oil palm ang tunay na dahilan ng pagkawasak ng kagubatan sa Palawan
Isang malaking kalokohan ang pahayag ng kasalukuyang executive director ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na si Teodoro Jose Matta na ang pangunahing dahilan ng pagkasaid ng mga kagubatan sa lalawigan ay ang agricultural expansion. Sinabi ito ni Matta sa Palawan Planning Summit noong Agosto 17-19. Itinatanggi at ikinukubli ni Matta at ng PCSD ang nagdudumilat na katotohanang ang operasyon ng malalaking minahan at plantasyong oil palm sa lalawigan ang tunay na sanhi ng pagkawasak ng kagubatan. Pinawawalang-saysay rin nila ang mga pagtutol at sama-samang pagkilos ng mamamayang Palaweño sa nagdaang mga dekada laban sa mapaminsalang operasyon ng mga minahan at plantasyong oil palm na sumisira at kumakalbo sa kagubatan ng lalawigan.
Ayon sa mga pag-aaral at pananaliksik ng mga burgis na institusyon at tagapangalaga ng kalikasan, mula 2001-2021 umabot na sa 170,000 ektarya o 14% ng kagubatan ng lalawigan ang nawasak — pinakamalaki sa buong bansa. Kalahati o 52% nito ang mga winasak na kagubatan sa Rizal, Bataraza, Quezon, Taytay at Roxas. Sa bayan pa lamang ng Bataraza na may laking 726.70 kilometro kwadrado o 4.96% ng kabuuang kalupaan ng Palawan, aabot na sa 14% ng kagubatan nito ang nasira. Nagsimula ang pagkawasak ng mga kagubatang ito noong taong 2000 nang inilunsad ang maramihan at malawakang pamumutol ng mga puno para sa operasyon ng dambuhalang mga kumpanya ng minang Rio Tuba Nickel Mining Corp, Coral Bay Nickel Corp. at Graymont (Philippines) Inc.
Naitala noong 2021 ang mahigit 28,000 ektarya o 1.89% ng 1.5 milyong ektarya ng kabuuang kalupaan ng lalawigan ang nasasaklaw ng mga operasyon ng mapaminsalang minahan. Bago pa ito, noong 2017 nalantad ang pamumutol ng 15,000 mga puno ng Ipilan Nickel Corp. sa mahigit 100 ektaryang natural forest sa Brooke’s Point. Ang lokasyong ito ang watershed ng limang komunidad ng nasabing bayan. Noong Pebrero 2018 naman naiulat na iligal na ipinaputol ang mga punong itinanim sa likuran ng munisipyo ng Aborlan, na ayon sa mga residente ay para sa operasyon ng minahan. Hindi pa kasama dito ang kagubatang hinawan para sa operasyon ng mga plantasyong oil palm sa probinsya.
Ito ang katotohanang nais pagtakpan ng PCSD at sa halip ay isinisisi sa mga magsasaka ang kanilang mga kapabayaan at lantarang pangangayupapa sa interes ng dayuhang mga korporasyon at lokal na naghaharing-uri. Ang PCSD, LGU ng probinsya at ang pambansang reaksyunaryong gubyerno ang nakikipagsabwatan sa mga dambuhalang kumpanya ng pagmimina at plantasyon. Kaya hindi pagtatakhan ang mga kasinungalingang lumalabas sa bibig ni Matta. Noong Abril 2021, kagyat na ibinigay ng PCSD ang Strategic Environmental Plan (SEP) Clearance sa mga kumpanya para magsimula at magpatuloy ng kanilang operasyon sa pagmimina. Pinayagan din nito ang pagpapalawak pa ng tatlong malalaking kumpanya ng pagmimina sa lalawigan—Ang Berong Nickel Corp., Rio Tuba Nickel Corp., at Citinickel Mining & Dev’t. Corp. Ito’y makaraang tapusin ng anti-mamamayan at tiranikong rehimeng Duterte ang siyam na taong moratorium sa pagmimina na ipinag-utos ng rehimeng BS Aquino sa buong bansa noong 2012.
Ipokrito pang ipinagmamalaki ng PCSD sa pakikipagsabwatan nito sa WESCOM ang inilulunsad nilang usad-pagong na programa para sa reporestasyon. Sa loob ng labing-isang taon mula 2001-2012 aabot lamang sa 28,000 ektarya ang natamnan ng puno o katumbas ng 10% ng nakakalbong kagubatan sa katulad na panahon.
Samantala, isang positibong bagay para sa mamamayang Palaweño ang paghahamon ng ilang board member ng lalawigan na rebyuhin ang Forest Land Use Plan (FLUP) para masugpo at maagapan ang malawakang pagkawasak ng kagubatan. Gayunman, dapat na sundan ito ng mga hakbanging kagyat na magpapatigil sa mapaminsalang operasyon ng mga minahan upang magkaroon ng matagalang solusyon sa tuluyang pagkawasak ng kagubatan. Kaugnay nito, hinahamon namin ang kasalukuyang lokal na gubyerno sa probinsya sa pangunguna ni Gubernador Dennis Socrates na magpatupad ng mapagpasyang hakbangin para maisalba at mapangalagaan ang natitirang kagubatan ng lalawigan na itinuturing na huling prontera.
Dapat patuloy na manindigan ang mamamayang Palaweño laban sa mapaminsalang mga proyektong tulad ng pagmimina at pagbubukas ng mga plantasyong oil palm na nagwawasak sa kapaligiran at naglalagay sa panganib sa buhay at kabuhayan. Higit na pahigpitin ang pagkakaisa at sumalig sa rebolusyonaryong kilusan na tunay na nagtataguyod sa kanilang interes at kasama nila sa ilang dekadang pakikibaka laban sa mapaminsalang operasyon ng mga minahan at plantasyong oil palm. Napatunayan na sa sama-samang pagkilos, magagawa pahintuin at papanagutin ang mga dambuhalang kumpanya ng mina sa lalawigan.###