Mandatory ROTC, tutulan at labanan
Hindi dapat isalaksak at pilit na ipalunok sa mga kabataang Pilipino ang sapilitang pagpapatupad ng Reserve Officer Training Corps o ROTC pagsapit ng senior highschool. Dapat na tutulan at labanan ng mamamayang Pilipino laluna ng laksang kabataan ang panunumbalik ng ROTC batay sa plano ng pasistang tambalang Marcos II at Sara Duterte. Isa ito sa imbing plano ni Sara Duterte bilang bagong Kalihim ng Department of Education at ng ilehitimong presidenteng Marcos II bilang isa sa prayoridad na adyenda ng kanyang administrasyon na tinuran sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Nitong Hulyo lamang, ipinasa ng tuta ni Marcos II na si Senador Robinhood Padilla ang Senate Bill (SB) 236 na mag-oobliga sa lahat ng mga kabataan sa senior high school (Grade 11 at 12) at nasa edad na 18 na pumailalim sa ROTC para maging reserbang pwersa ng AFP-PNP. Gagawin itong rekisito bago pumasok ng kolehiyo.
Mas masahol pa, tinapatan naman ito ng pagpasa sa Kamara nina House Speaker Martin Romualdez at House Speaker senior deputy majority leader Ferdinand Alexander Marcos ng panukalang batas na House Bill (HB) 11 o National Defense Act of 2022 na mag-oobliga sa lahat ng mga kalalakihang Pilipino mula edad 21-50 na magserbisyo sa militar at maging reserbang hukbo nito—isang panukala para sa sapilitang konskripsyon o pagpapalista para magserbisyo sa mersenaryong AFP at PNP para gamitin sa gerang kontra-rebolusyonaryo ng pasistang rehimen.
Kasuklam-suklam ang mga pahayag ng mga militar at politikong sumisipsip sa rehimeng Marcos II para ipatanggap sa bayan ang mandatory ROTC na dati nang ibinasura matapos na mabulgar ang mga anomalya at abuso rito. Ayon sa sunud-sunurang Kongreso, ipatitimo ng ROTC ang diwa ng boluntarismo at patriyotismo sa hanay ng mga kabataan. At sa pamamagitan ng binayarang pa-survey, pinalabas ng gubyernong positibo ang tugon dito ng publiko.
Sa kasaysayan, tinutulan at napagtagumpayan ng mamamayang Pilipino na ibasura ang programang ROTC bilang isang rekisito sa lahat ng estudyante. Sa TK, nilabanan ng mga estudyante ng UPLB ang matataas na gastos sa uniporme ng ROTC, ang korapsyon, pang-aabuso at hazing ng mga opisyal sa mga kadete. Noong 2002, napilitan ang estado na alisin ang mandatory ROTC sa antas kolehiyo matapos paslangin si Mark Welson Chua, kadete ng ROTC sa Unibersidad ng Sto. Tomas na naglantad sa korapsyon ng mga opisyal nito.
Hindi ROTC ang sagot para magkaroon ang mga kabataan ng diwa ng boluntarismo at pagka-makabayan. Isang malaking insulto ito kung tutuusin sapagkat malaon nang nananalaytay ang diwa ng boluntarismo at pagkamakabayan sa hanay ng kabataang Pilipino. Pinatunayan ito ng pangunguna ng mga kabataan sa pagbubuo ng mga mapagkawanggawang grupo at asosasyon na nagbibigay tulong at serbisyo sa mga biktima ng nagdaang sakuna at pandemya. Naging tampok ang community pantry na pinangunahan ni Patricia Non, isang kabataan, na bumuhay sa diwa ng bayanihan at tulungan sa gitna ng kahirapan dulot ng pandemya. Maraming kabataan ang lumalahok sa Serve the People Corps-Southern Tagalog upang tulungan ang mga biktima ng mga kalamidad. Nakikiisa ang mga kabataan sa pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawa para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan. Aktibo rin silang lumalahok sa pagkilos para ipagtanggol ang pambansang soberanya at patrimonya ng Pilipinas laban sa imperyalismong US at China.
Ang totoo, nais gamitin ng ilehitimong rehimeng Marcos II ang ROTC para lasunin ang isip ng mga kabataan, gawing mga bulag na tagasunod ng estado at gamitin sa kampanyang panunupil laban sa nakikibakang mamamayan. Sa mandatory ROTC, isasailalim ang mga kabataan sa pagsasanay at pasistang indoktrinasyon ng AFP-PNP. Tulad ni Hitler at ng diktador na si Marcos I, huhubugin ayon sa pasistang doktrina ang kaisipan at gagawing mga panatiko ang mga kabataan na bulag na susunod sa lahat ng mga pasistang pakana ng estado.
Ang mandatory ROTC ay nasa balangkas ng Counter-insurgency Guide na inilabas ng imperyalismong US at kabilang sa “whole-of-nation” approach ng anti-komunistang NTF-ELCAC. Sa pagsasabatas nito, nais tiyakin ng estado na makokontrol nito ang isip ng kabataan hanggang sa susunod na mga henerasyon. Desperadong pakana ito para patayin ang lumalakas na kilusang kabataan sa gitna ng tumitinding pasismo ng estado. kabilang rito ang walang humpay na red-tagging lalo sa mga lider-kabataan at ang pagsupil sa academic freedom at freedom of expression sa mga pamantasan.
Isang malaking kabalintunaan at hindi katanggap-tanggap na ipinauna pa ng Marcos II-Sara Duterte ang mandatory ROTC sa harap ng krisis sa edukasyon. Kasalukuyang umaabot ang learning poverty sa bansa sa 91%, pinakamataas sa Asya. Ang learning poverty ay pumapatungkol sa mababang antas ng pagkatuto ng mga bata. Kabilang dito ang mga batang may edad 10 na hindi marunong magbasa, sumulat at umunawa ng isang simpleng pangungusap. Higit pa itong lumala sa panahon ng pandemya kung saan sobra sa apat na milyong estudyante ang tumigil sa pag-aaral bunsod ng palpak na blended learning na ipinatupad ng gubyernong Duterte sa pamamagitan ng DepEd. Kaya naman hindi kataka-takang bumaba pa ang kalidad ng edukasyon dahil sa tahasang pagpapabayang ito ng estado.
Bago ang pandemya, ipinatutupad na ang K-12 program ng DepEd na nakabalangkas sa neoliberalismo at pagbebenta ng murang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino sa mga dayuhang negosyo at kapital. Sinadyang tanggalin ang pag-aaral sa Kasaysayan sa kurikulum ng mga kabataan para papurulin at patayin ang diwang makabayan at pagiging kritikal sa mga kaganapan sa lipunan. Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling kolonyal, komersyalisado at pasista ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Uhaw na uhaw ang mga kabataang makamit nang lubusan ang kanilang karapatan sa de kalidad na edukasyon. Bibiguin nila ang pakana ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na gamitin ang kanilang kabataan para sa pasismo at terorismo ng estado. Nararapat lamang na patuloy na tutulan at labanan ng mamamayang Pilipino ang kasalukuyang bulok na sistema ng edukasyon sa bansa at ang panghihimasok ng AFP-PNP sa loob ng mga eskwelahan. Paigtingin ang pakikipagtagisan sa baluktot na historical revisionism ng ilehitimong rehimeng Marcos II at isulong ang isang pambansa, siyentipiko at maka-masang edukasyon at kultura na tunay na huhubog sa kamalayan ng mga kabataan.
Ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng CPP-NPA-NDFP ang tunay na nagtataguyod ng diwang makabayan at nakikibaka para palayain ang buong bansa mula sa pagkakalugmok nito sa kuko ng salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang mga sonang gerilya sa Timog Katagalugan ay bukas para sa mga kabataang nais sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at mag-ambag ng kanyang talino at galing para makamtan ng sambayanang Pilipino ang dantaong minimithing tunay na kalayaan at demokrasya. Ang NPA ay matapat sa tungkulin nitong paglingkuran ang sambayanan nang walang pag-iimbot ni pag-aatubili. Ang bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong kabataan ang maghahatid sa sambayanang Pilipino tungo sa tagumpay ng digmang bayan.###