Ilantad at Labanan ang tuloy-tuloy na harasment ng NTF-ELCAC sa mga lider unyunista at ang militarisasyon sa pook trabaho at komunidad ng manggagawa sa Timog Katagalugan!
Kasama ng buong hanay ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan, mariing kinukondena ng Revolutionary Council of Trade Union – National Democratic Front – Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) ang patuloy na pagbabahay-bahay sa mga lider unyon, pag-iinteroga sa kanilang aktibidad pang-unyon, pananakot para sapilitang tumiwalag sa militanteng sentrong unyong kinaaniban nila at ang militarisasyon sa komunidad ng manggagawa.
Dapat kundenahin at ipatigil sa mga tauhan ng NTF-ELCAC ang kanilang pagbabahay-bahay sa mga lider manggagawa na lumilikha ng teror sa manggagawa, sa kanilang pamilya at maging sa kanilang mga kapitbahay sa tuwing dadating ang sasakyan ng militar at mangangatok sa pintuan ang mga armado at unipormadong tauhan ng Phil. Army (PA) at NTF-ELCAC sa matahimik na komunidad ng manggagawa.
Ngayon lamang buwan ng Agosto, halos araw-araw—na mistulang mga asong gutom na naghahanap-at-nagbabahay-bahay sa mga tukoy nilang lider unyunista ang mga tauhan ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng kanilang TF-UGNAY na nakabase sa pook industriyal ng Laguna. Wala silang pinaliligtas na unyon, subalit ang nasa prayoridad nilang guluhin ay ang mga unyong kasalukuyang papasok sa pakikipagnegosasyon para sa panibagong kontrata o Collective Bargaining Agreement (CBA) sa kapitalista.
Kasuklam-suklam at lubos na nakakagalit ang patuloy na panliligalig ng mga tauhan ng NTF-ELCAC sa manggagawa. Lugmok na nga sa kahirapan ang buhay ng manggagawa at dahil sa walang patid na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at pangunahing serbisyo, habang hindi naman makaagapay ang kanilang kakarampot na sahod na malaon nang napabayaan ng gobyerno. Ang kanilang pagsusumikap na sama-samang magtayo ng unyon bilang bahagi ng pag-ehersisyo ng kanilang batayan at demokratikong karapatan ay malinaw na lehitimo, makatwiran at makatarungang paraan para iangat kahit paano ang kanilang sahod at benepisyo sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap na ipagtatagumpay ang dagdag sahod sa kanilang CBA. Ang pagkakaroon ng CBA sa pagitan ng kapitalista (dayuhan man o lokal) at manggagawa na mismong ang kinatawan ng DOLE ang saksi sa pagbubuo ng kontrata ay malinaw na pag-amin ng pagkilala ng mga kapitalista at DOLE sa karapatan ng manggagawa na magtayo ng unyon at sumanib sa kung ano ang kanilang piniling sentrong unyong aaniban.
Sa kabilang banda, marapat lamang na singilin ng mga unyon ng manggagawa ang pananahimik at pagsawalang kibo ng mga kapitalista sa panliligalig na ginagawa ng mga tauhan ng militar at NTF-ELCAC. Ang pagiging piping saksi ng mga kapitalista ay singkahulugan ng pagkunsinte at pang-uupat sa pasistang militar na maghasik ng teror sa kanyang manggagawa. Lihim man at disimulado, lantarang nagsisilbi ito sa interes ng kapital lalo pa nga’t papasok na sa negosasyon sa CBA ang unyon at kapitalista,
Samantala, ang pananatili ng NTF-ELCAC at ang teroristang aktibidad nito laban sa manggagawa at mamamayan sa ilalim ng ilehitimong rehimen Marcos II ay maagang pagpapatunay na wala ni anumang katiting na aasahang ginhawa ang masang manggagawa. Ipagpapatuloy lamang ni Marcos Jr. at tiyak na hihigitan pa ang rekord ng tiranong si Duterte na iniwan sa mamamayan tulad ng malubhang paglabag sa karapatang pantao sa ngalan ng pekeng gera kontra iligal na droga at gera laban sa rebolusyonarong kilusan ng mamamayan, at ang ipinamanang gabundok na utang na kalakhan ay napunta sa korapsyon at hindi pinakinabangan ng mamamayan.
Ibayong pagdurusa ang naghihintay sa manggagawa sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Ngayon pa lang, kabi-kabila ang pinaplantsang pangungutang para pondohan ang mga gatasang proyektong kagaya ng Build Build Build ng korap na si Duterte at pagbalangkas ng mga dagdag na buwis na ipapataw sa mamamayan na hindi na makagulapay sa krisis at malaon nang lugmok sa kahirapan.
Sa kasaysayan, noong panahon ng batas militar ng diktador na si Marcos Sr., magiting na lumaban at nagpunyagi ang mga manggagawa na itayo ang kanilang unyon. Naglunsad sila ng makatarungang welga para igiit ang pagkilala sa kanilang unyon at pagkakaroon ng CBA. Sa panahon ng pananalasa ng Martial Law ni Marcos isinilang ang militanteng sentrong unyon, ang militanteng pederasyon na siyang nais buwagin ng NTF-ELCAC sa kasalukuyan. Dapat magiting na labanan ng manggagawa sa pamamagitan ng kanilang unyon ang tuloy-tuloy na atake ng militar at NTF-ELCAC sa kanilang hanay. Kung kaya’t esensyal sa kanilang hanay ang patuloy na pag-oorganisa at pagtatayo ng tunay na unyon at patuloy na palakasin ang mga unyong nakatayo na para isulong ang makatarungang pakikibaka para sa dagdag sahod at benepisyo sa gitna ng walang kaparis na kahirapan at panunupil ng pasistang militar at NTF-ELCAC.
Kaalinsabay nito, ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa pamamagitan ng RCTU-NDF ay nananawagan sa masang manggagawa na patuloy na maglunsad ng mga pakikibakang masa para sa kanilang kagalingan, ipagtanggol ang kanilang demokratikong karapatan, buuin ang kilusang lihim sa kalunsuran at lumahok sa iba’t ibang anyo ng rebolusyonaryong paglaban—armado man o hindi. Ang mga sona at larangang gerilya ng hukbong bayan sa Timog Katagalugan ay bukas para sa mga manggagawa na nais sumapi sa NPA at mag-ambag ng kanyang lakas at talino para makamtan ng masang manggagawa at buong sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan at demokrasya. Ang NPA ay matapat sa tungkulin nitong paglingkuran ang sambayanan nang walang pag-aatubili at buong katapatan. Tanging sa pamamagitan ng paglulunsad ng Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) lamang makakamit ang tunay na kalayaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!