GRP, inutil sa pang-aagaw ng China sa WPS
Mariing kinukundena ng NDFP Palawan ang nagpapatuloy na presensya ng Chinese Coast Guard (CCG) at iba pang pwersa ng imperyalistang China sa West Philippine Sea (WPS) na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.
Nananatili ang mga pwersa ng CCG sa WPS at sapilitang inaangkin ang ilang bahagi nito. Noong Hunyo 25, hinarang ng CCG ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa byahe nito papuntang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang maghatid ng suplay. Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Spratly Islands at saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas (194 kilometro mula sa Palawan).
Ang insidente sa Ayungin shoal ay ang pinakahuli sa ilang serye na ng ginawang panghaharang at pang-iintimida ng CCG sa mga barko at lantsang nagsasagawa ng resupply mission sa mga pwersa ng Philippine Navy sa WPS. Pinakamasahol ang pananaboy at ilang insidente ng pang-aatake sa mga mangingisda, laluna sa mga Palaweño, ng mga pwersa ng CCG para ipataw ang awtoridad nito sa karagatan. Nais angkinin at kontrolin ng China ang WPS.
Kinasusuklaman ng mga Palaweño at sambayanan ang kainutilan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na ipagtanggol ang mamamayan nito sa harap ng malinaw na panghihimasok ng China at ang pinsalang nilikha ng mga ito sa mga mangingisdang Pilipino at sa kalikasan. Hindi magawang ipagtanggol ng Philippine Navy o ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisdang patuloy na dinadahas ng China at pinagkakaitan ng karapatang mangisda sa sariling karagatan. Nagmistulang tinalikdan na ng reaksyunaryong gubyerno ang responsibilidad nito sa pagpapalampas lamang ng nasabing pag-atake ng China sa soberanong karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito sa WPS ayon sa naipanalong ruling sa Permanent Court of Arbitration ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 2016.
Sa nagdaang SONA ni Marcos II nitong Hulyo 25 ang paghahambog nitong “hindi ibibigay ang ni isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa China” ay hungkag at pawang mga retoriko lamang. Ang patuloy na malaya at agresibong paglalayag ng mga barko ng China sa WPS ay patunay na isa lamang itong pangakong mapapako sa termino ni Marcos II lalo’t kasalukuyang nagpipinal ang kanyang gubyerno ng mga kasunduan at proyekto sa naturang imperyalistang bansa.
Sa simula pa lamang, malinaw nang walang maaasahan ang mamamayang Palaweño at ang sambayanan sa rehimeng Marcos II para ipagtanggol at igiit ang soberanya at pambansang patrimonya laban sa panghihimasok imperyalistang China sa WPS. Hindi pa man siya nagiging pangulo, malinaw na ang kanyang tinuran na hindi siya interesado sa arbitral ruling ng UNCLOS. Sa halip, animo inayunan at dinipensahan pa ni Marcos II ang China sa pangangatwirang hindi naman signatory ang China sa nasabing arbitration kaya hindi maoobliga ang China na sumunod sa mga kasunduan dito. Ibinukas niyang magkasamang pakinabangan ng dalawang bansa (Pilipinas at China) ang mga likas na yaman sa WPS sa pamamagitan ng joint explorations. Ngunit sa naging pagtutol ng mga progresibo at ng mamamayan, magbabago ang bibitawang salita ni MarcosII sa kanyang unang SONA. Aniya, “nasa atin ang arbitral ruling at magagamit natin ito para igiit ang ating territorial right sa WPS”. Ibang iba na ito sa unang naging tindig niya bago ang eleksyon.
Ipinapakita lamang nito na walang maaasahang matibay na paninindigan ang mamamayan sa Marcos II pagdating sa usapin ng WPS. Nagbabago-bago ang deklarasyon nito depende kung saan ang direksyon ng hangin. Ang tanging maaasahan ng mga Palaweño ay ang sariling lakas kakapit-bisig ng buong bayan para maipaglaban ang karapatan ng bansa sa WPS laban sa panghihimasok ng China. Nararapat lamang na patuloy na hadlangan ang China sa layon nitong kamkamin ang buong WPS batay diumano sa 9-dash line na nakatala sa kanilang kasaysayan.
Imulat at higit na palawakin pa ang hanay ng mamamayang Palaweño para labanan ang mga dayong kapangyarihan at kasabwat nitong mga lokal na naghaharing uri. Sa ganito lamang natin epektibong mababantayan ang ating soberanya at protektahan ang patrimonya ng ating bayan laban sa mga mangangamkam sa pakikipagsabwatan ng mga lokal na naghaharing uri. Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon at ihatid ito sa tagumpay.
Ipagtanggol ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa WPS!
China, layas!