Itakwil ang Ilehitimong Rehimeng US-Marcos II, Paigtingin ang Digmang Bayan, Kamtin ang Tagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan
Walang dapat asahan ang sambayanang Pilipino sa programa at pangakong ipinahayag ng isang ilehitimong pangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang katatapos na State of the Nation Address (SONA). Malinaw pa sa sikat ng araw na ang kanyang rehimen ay magsisilbi lamang sa interes ng naghaharing uring malaking burgesya-kumprador, uring panginoong maylupa, burukrata kapitalista at mga among imperyalista. Tanging sa pagsusulong lamang ng pambansa-demokratikong rebolusyon malulutas ang patuloy na paghihirap ng sambayanang Pilipino sa harap ng naghihingalong ekonomya at pinatinding pasistang paghahari.
Nag-iilusyon ang rehimeng Marcos II sa inihayag nitong napakatataas na target sa pag-unlad sa ekonomya. Nais niyang magpasikat sa sambayanan sa kanyang mga mapanlinlang na mga pahayag at deklarasyon para lamang bilugin ang ulo laluna ng mga maralita. Ngunit mananatili lamang itong isang pangarap at malayo sa katotohanang hinaharap ng bansang nakalubog sa lumalalang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Krisis na lalong pinapasahol ng dinaranas na krisis ng monopolyo kapitalismo, ng neoliberal na globalisasyon at ng pandaigdigang gyera “kontra-terorismo” na haling na ipinagwawagwagan ng US.
Nakatuntong ang pang-ekonomyang programa ni Marcos II sa neoliberal na mga polisiya na matagal nang nagpadapa ng pang-ekonomyang base ng bansa. Higit pa niyang ibinukas ang ekonomya sa dayuhang pandarambong sa pagpapatupad nito ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE Law), pangatlo sa pakete ng Tax Reform Program na binalangkas ng rehimen ni Duterte, at ng liberalisasyon sa ekonomiya sa pamamagitan ng Public Service Act at Foreign Investment Act. Palalawakin din niya ang economic zones para diumano sa mga estratehikong industriya ng mga high-tech na manupaktura na walang iba kundi ang mga industriyang pang-asembol na may mababang dagdag na halaga. Malaki rin ang iniaasa ng rehimen sa pagpapalago ng turismong pangkalusugan (medical tourism). Samantala, papasanin ng mga maliliit na negosyanteng retailer sa online na nagsikap kumita laluna na sa panahon ng pandemya ang buwis na ipapataw naman sa mga digital service provider.
Kasabay ng teroristang panunupil, nais namang linlangin ng rehimeng Marcos II ang mga magsasakang malaon nang pinahihirapan ng kawalang lupang nabubungkal, mababang presyo ng produktong bukid at kawalan ng serbisyong suporta mula sa gubyerno. Nagpakana ang rehimen ng isang taong moratorium diumano sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa ng mga magsasakang benipesyaryo ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Law. Magandang pakinggan para sa mga walang alam at ignorante sa tunay na kalagayan ng mga magsasaka at sa kinahinatnan ng mga huwad na reporma sa lupang ito. Nagbubulag-bulagan ito sa katotohanang mayorya sa mga magsasaka naging benepisyaryo ay hindi sadya kayang magbayad ng amortisasyon sa loob ng 30 taon na nagresulta sa pagkailit o pagsasangla ng kanilang lupa na nagbigay daan para sa muling rekonsentrasyon ng mga lupang agrikultural sa kamay ng mga panginoong maylupa o di kaya naman ay ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa na pinakinabangan ng malalaking burukrata-kapitalista at mga makabagong PML sa agrobusiness.
Sa halip na bigyang prayoridad ang masang magsasaka para sa pamamahagi ng lupa, mas naging prayoridad ng rehimen na ipagkaloob ang malalaking tipak ng kalupaan para sa mga pasistang AFP-PNP-CAFGU at tinalikuran ang mga magsasakang matagal nang nag-aasam na magkaroon ng sariling lupang mabungbungkal. Bago ito, sa ilalim ng kontra-rebolusyonaryong gyera, ang mga lupaing naipagtagumpay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyog agraryo ay inagaw ng AFP-PNP-CAFGU sa ilalim ng NTF-ELCAC at ipinamahagi ito sa kanilang pinapaborang mga asset sa baryo at iba pang kontra-rebolusyonaryong elemento.
Nais din ng rehimeng Marcos II na muling ibaon sa utang ang magsasaka katulad ng nangyari sa panahon ng kanyang ama at diktador na si Marcos Sr. Ang “Masagana 150” ay hinulma sa programang “Masagana 99” ng diktadura at malamang na higitan pa ang mga pahirap sa magsasaka. Ang planong pagpapataas ng produksyon ng palay at mais ay matakaw sa abono at pestisidyo na tiyak na pagpipyestahan ng mga multi-nasyunal na korporasyong agribusiness.
Imbes na isulong ang pambansang industriyalisasyon, mas prayoridad ng rehimen ang industriya ng turismo at pagpapabilis umano ng transportasyon para magsilbi rito. Kaya naman nakabatay diro ang pagpapatayo ng mga airport, pantalan, riles ng tren, mga kalsada at mga imprastrakturang pangmedikal. Layunin nitong higit pang pabilisin ang paghahakot ng mga hilaw na materyales at yamang mineral ng bansa ng mga imperyalistang dayuhan. Ang mga magarbong proyektong pang imprastraktura ay tiyak na magiging gatasan lamang ng mga burukrata-kapitalistang kaalyado ng pamilyang Marcos.
Hindi rin nakaligtas ang sistema ng edukasyon sa neoliberal na pang-aatake sa ilalim ni Marcos II, liban sa sistematikong pagrebisa at pagbabaluktot sa kasaysayan para pabanguhin ang maruming rekord ng mga Marcos, tiniyak din ng bagong kurikulum na ihanda ang mga kabataang Pilipino para maging di masasairang bukal ng mga multi-nasyunal na kumpanya na panggagalingan ng kanilang pangangailangan para sa mura ngunit bihasang lakas-paggawa sa pamamagitan ng pagdidiin sa pag-aaral ng lenggwaheng “ingles” na diumano’y mahalaga para maging manggagawang “world class” sa ilalim ng imperyalistang globalisasyon.
Sa plano ng rehimeng Marcos II na saklawin din ng National ID system ang paggamit ng internet, nais nitong higit pang palawakin ang pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag at pagsupil sa mga kritiko ng rehimen maging ng karaniwang mamamayan sa pagpapasaklaw ng National ID system sa paggamit ng internet. Ito’y walang ibang layunin kundi ang patuloy na pagkontrol at paniniktik ng pasistang rehimen sa mamamayan sa tabing ng pagpapabilis umano at madulas na palitan ng digital information.
Bukambibig din ni Marcos II ang mahalagang papel ng mga pribadong kumpanya na magiging sandigan ng kanyang ambisyosong mga proyekto. Dahil dito palalakasin at palalawakin ang Public-Private-Partnership (PPP) sa kanyang energy projects at maging sa iba pang mga proyektong pang-imprastraktura. Matagal nang napatunayan na walang napala ang mamamayan sa iskemang PPP, bagkus higit nitong pinasirit ang bayarin sa mga pampublikong utilidad at serbisyo.
Pinalalabas ni Marcos II na mulat siya umano sa epekto ng climate change, subalit hahayaan naman niya ang mga dayuhang korporasyon na wasakin ang mga kabundukan at katubigan sa walang patumanggang pandarambong sa yamang mineral ng bansa. Lalo pang ibinukas ng rehimen at mga alipores nito sa kongreso na paluwagin pa ang mga rekisito sa pagbibigay permiso sa pagmimina sa bansa.
Imbes na lutasin ang problema sa kawalang hanapbuhay sa bansa, nais ng rehimen ni Marcos II na pabilisin pa ang proseso ng pangingibang bansa ng mga Pilipinong manggagawa at ibuyangyang sila sa paghihirap at kalupitan ng mga dayuhang employer. Ika nga, ayon sa rehimen, gagawa ng paraan ang gubyerno na maibigay sa kanila ang pakiramdam na mayroon silang tahanan at magiging kaiga-igaya ang kanilang karanasan bilang mga inaapi at pinagsasamantalang OFWs.
Naghahambog si Marcos II na magpapatupad ng independyenteng patakarang panlabas at hindi umano magbibigay ng kahit isang pulgada ng teritoryo ng bansa sa usapin ng pag-angkin ng Tsina sa West Philippine Sea. Ngunit kasabay naman nito ay ang pagsasabing magiging mapagkaibigan sa lahat ng bansa at maging sa mga imperyalista kabilang na ang Tsina. Subalit isa lamang itong mabulaklak na pangako at panloloko na sa katunayan ay nangangahulugan ng pagsuko ng pambansang pantrimonya sa kapariwaraan ng sambayanang Pilipino.
Sa kadulu-duluhan, ang rehimeng Marcos II na nakasandig sa pandaraya ang pagkapangulo na nakatali sa kompromiso sa mga lokal na naghaharing-uri at pinapaboran ng imperyalistang US ay hindi kailanman maasahang tutupad sa kanyang mga mabulaklak na pangako para sa interes ng mayoryang Pilipinong naghihirap at inaapi. Sa halip higit pa nitong pasasahulin ang sistemang malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas.
Higit kailanman, ito ang panahon para mas ibayong paigtingin ang digmang bayan at kamtin ang mga tagumpay para sa pagsusulong ng pambansa- demokratikong rebolusyon. Ito lamang ang hahawan ng landas para makamit ang tunay na reporma sa lupa at ang pambansang industriyalisayon na tanging kalutasan sa paghihikahos ng bansang Pilipinas. Nararapat labanan ng buong mamamayan ang mga neoliberal na polisiya ng imperyalistang globalisasyon na nasa ubod at motor ng pang-ekonomyang programa ng rehimeng US-Marcos II. Itaas ang antas ng digmang bayan para biguin ang kampanyang kontra-insurhensya ng pasistang rehimeng US-Marcos II. Epektibong kontrahin ang mga pinatindi at mas brutal na atake ng mga pasista gamit ang mga makabagong kagamitang pandigma laban sa mamamayan.
Habang patuloy ang matinding paglaban sa mga reaksyunaryo at pasistang pwersa ng rehimen, tuloy-tuloy ang pagtatanggol sa baseng masa at itatayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika kung saan tinatamasa ang malawak na suporta ng organisadong mamamayan. Sa ilalim ng gubyernong bayan higit na mapaghuhusay ang produksyon, sistema ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Isusulong at payayabungin ang pambansa, demokratiko at makamasang kultura na sasalungat sa kultura ng impyunidad, neoliberal at pasista.
Dapat na ilantad at labanan ng mamamayan ang pagmamanipula ng mga bayarang trolls sa impormasyong pangmadla tulad ng mainstream at alternative media kabilang ang social media para sa lansakang pagpapalaganap ng kasinungalingan, pekeng balita at pambabaluktot sa katotohanan ng pamilya Marcos, kanyang mga kroni, at mga kaalyadong burukrata-kapitalista. Hindi rin kayang paniwalain ang sambayanang Pilipino sa ilusyon ni Marcos II na “maganda at mahusay” ang kalagayan ng bansa sa kasalukuyan, gayong naghuhumiyaw ang katotohanang patuloy silang pinahihirapan ng kawalan ng hanap-buhay, kawalan ng lupa, walang patlang na pagsirit ng presyo ng langis, mataas na bilihin at serbisyo, mataas na gastusin sa edukasyon at kalusugan, pagkamkam sa lupaing ninuno ng mga pambansang minorya at patuloy na pandarambong sa likas-yaman ng bansa.
Sa tagumpay na pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang hinaharap, makakamit ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan, kasaganaan, tunay at pangmatagalang kapayaapaan at maaliwalas na kinabukasan para sa susunod na salinlahi.###