Salubungin ng protesta ang ilehitimong rehimen ng tambalang Marcos-Duterte II
Nananawagan ang NDFP-ST sa malawak na sambayanang Pilipino na gawing okasyon ang unang state of the nation address (SONA) ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para imarka ang mariing pagtatakwil ng bayan sa ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte II. Ninakaw ng tambalang ito ang eleksyon noong Mayo 2022 upang iluklok sa kapangyarihan ang kinatawan ng dalawang pinakakorap at tiranong angkang naghari sa bansa. Bantog ang pamilyang Marcos at Duterte bilang pinakamasiba at walang kabusugan sa kapangyarihan na labis na naglugmok sa ekonomya ng Pilipinas at mga mamamayan sa walang kaparis na kahirapan.
Tulad ng rehimen ng diktador na Marcos Sr. na binuhusan ng pautang at petro dollar ng US para pigilan ang pagbulusok ng ekonomya ng bansa at likhain ang ilusyon ng kaunlaran at estabilidad, ipinamana ng rehimen ni Rodrigo Duterte sa tambalang Marcos Jr. at Sarah Duterte Carpio ang isang sisinghap-singhap na ekonomya na nakalutang sa dagat ng pautang at humihiram lamang ng hangin sa salbabida ng mga remitans mula sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.
Pagkaraang nakawin ng mga Marcos at Duterte ang eleksyon, walang nabago sa larawan ng pulitika sa bansa. Patuloy pa rin itong pinaghaharian ng mga pinakamasahol na angkan ng mga mandarambong, pasista at tirano na nagmomonopolyo sa kapangyarihan at marahas na nang-aapi at sumusupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan.
Makatwirang igiit at ipaglaban ng mamamayan ang makabuluhang repormang panlipunang umaayon sa kanilang interes at mithiin. Matapang nating ibandera at imarka ang mga lehitimong kahilingang ito sa unang SONA ni Ferdinand Marcos, Jr. Ang labang ito ay laban ng kasalukuyan at susunod na mga henerasyong Pilipino na matagal nang nagtitiis sa bulok na sistemang panlipunan sa bansa.
Ang pagpapakilos ng reaksyunaryong estado ng mahigit 21,000 pwersa ng pulis sa araw ng SONA sa iba’t ibang panig ng Maynila para pigilan ang mga lehitimong protesta ay patunay kung gaano nasisindak at nahihintakutan si Marcos Jr. sa lakas at galit ng mamamayan. Malinaw na nagpapakita ito kung gaano sumasalig si Marcos Jr. tulad ng kanyang amang diktador sa AFP at PNP upang manguyapit sa kapangyarihan.
Samantala, lalong kasuklam-suklam ang paggastos ni Marcos Jr. ng P100 milyon para sa kanyang unang SONA. Kabilang ito sa mga walang katuturang pagwawaldas ng pamilya Marcos sa gitna ng mamamayang nagdarahop. Matatandaang naglunsad na ng dalawang piging ang mga Marcos simula nang makabalik sa kapangyarihan. Pagbuhay lamang ito sa marangyang pamumuhay ng mga Marcos sa panahon ng diktadura at ang eskandalosong pagpapasikat ni Imelda Marcos ng yaman at kapangyarihan sa publiko.
Kung hindi kikilos ang mamamayan, wala nang hahadlang na walang awat na magpasasa ang mga Marcos sa yaman ng bansa sa muli nilang pagbabalik sa kapangyarihan. Hindi pa umiinit ang kinauupuan ng anak ng diktador ay hambog nitong ipinahayag at ipinagmalaki ang “ginintuang panahon” ng Martial Law sa ilalim ng diktadura ng kanyang amang Marcos Sr. Nais din niyang ipagpatuloy ang mga programa at patakaran ng hinalinhang rehimeng US-Duterte. Kung kaya, malinaw na malinaw ang tatahaking landas ng bagong rehimeng US-Marcos II. Sa suporta ng imperyalismong US, muling bubuhayin ang kapanahunan ng mga Marcos na kinatangian ng malawakang korapsyon at kabulukan sa gubyerno, pagpapasasa sa kabang yaman ng bansa, at pagsupil sa mga karapatan ng mamamayan para patahimikin ang lahat ng mga mga kritiko nito. Habang patuloy na nalulugmok ang di makaahon-ahong maralitang Pilipino sa karagatang ito ng kahirapan, nagpipista naman at nag-aagawan sa biyaya ng rehimen ang mga komprador-kapitalista , mga kroni at mga dayuhang mamumuhunan. Walang pipigil sa reaksyunaryong Kongreso na isulong ang mga anti-mamamayan at pro-imperyalistang mga batas sa kapariwaraan ng mamamayang Pilipino.
Ang paghaharing muli ng mga Marcos sa estado poder ng bansa ay paglapastangan sa magiting na pakikibaka ng mamamayang nagbuhos ng kanilang panahon at nag-alay ng kanilang buhay para labanan at ibagsak ang diktadura. Ang hamon ay nasa kamay na ng kasalukuyang henerasyon na ipagpatuloy ang pakikibakang masa para makamit ang tunay na kalayaan at demokrasyang patuloy na ipinagkakait sa mamamayan.
Kasabay ng magiging SONA ng ilehitimong pangulo ng bansa na si Marcos II, iguguhit ng mamamayan ang tunay na kalagayan ng bansa at sambayanang Pilipino at ihaharap ang kanilang mga programa at hangaring lulutas sa labis na kahirapan sa bansa. Taliwas sa ipinangangaladakan ni Marcos Jr., ipatutupad nito ang mga pantapal na solusyon, programa at palisiya na papabor eksklusibo sa mga tulad niyang kabilang sa naghaharing uri. Dapat ibayong palakasin ng mamamayan ang pakikibaka para sa kanilang mga karapatan at kagalingan sa ilalim ng ilehitimong paghahari ng rehimeng Marcos II. Ilunsad ang mga protestang bayan na nagtatanghal ng tunay na interes ng sambayanan.
Patatagin at palakasin ang malapad na alyansa ng mamamayang Pilipino laban sa ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Ilantad ang mga kasinungalingan at pagmamalinis ng pamilyang ito at ipursigi ang pagbawi ng mga nakaw na kayamanan mula sa kabang yaman ng bansa na kanilang ibinulsa at sinarili. Isulong ang pagpapanagot sa angkan ng mga Marcos sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan at bansa.
Ibayong pasiglahin ang pambansa-demokratikong pakikibaka para labanan ang higit na papatinding karahasan at panunupil sa ilalim ni Marcos II. Maging inspirasyon ang matatag na paninindigan at magiting na paglaban ng sambayanan na nagpatalsik sa diktadurang US-Marcos I. ###