ISAKDAL! | Ang Sampung Pinakamalaking Krimen ni Rodrigo Duterte
Download here
Pilipino: PDF
Bisaya: PDF
Hiligaynon: PDF
Waray: PDF
Sa huling taon ni Rodrigo Duterte sa poder, nahaharap ang mamamayan sa matinding hamon para singilin at papanagutin siya at ang kanyang mga upisyal at heneral sa lahat ng kanilang mga krimen sa bayan. Walang kapantay na pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ang idinulot ng limang taon niyang panunungkulan sa poder. Alinsunod sa kanyang mga utos, puu-puong libo ang pinaslang ng kanyang mga armadong pwersa.
Sinikil niya ang lahat ng mga humadlang sa kanyang ambisyong maging diktador at ipinailalim sa animo’y batas militar ang buong bansa. Ginamit niya ang pandemyang Covid-19 para lalupang palakasin ang tiraniko niyang paghahari.
Ngayon pa lamang, malinaw na ang pangungunyapit ni Duterte sa poder lampas sa 2022. Inihahanda na niya ang buong makinarya ng estado para dayain at agawin ang nalalapit na eleksyon. Sakaling mahirapang isagawa sa harap ng malaking pagtutol, laging nakahanda ang reserbang hakbang na ipataw ang pasistang diktadura bilang huling akto ng desperasyon.
Kailangang idiin na ang pagwawakas sa kanya—sa anyo ng pagpapabitiw, pagpapatalsik o sa eleksyon sa 2022—ang pinakagyat na tungkulin ng lahat ng mga demokratikong pwersa para makabawi ang mamamayan at bansa sa madugo, mapang-api at mapagsamantala niyang paghahari.