Itakwil at labanan ang ilehitimong rehimeng Marcos II

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishTurkishHiligaynonIlocoBisaya

 

Download here
Pilipino: PDF | EPUB | MOBI

Isa sa pinakagarapal na pag-agaw sa kapangyarihan nitong nagdaang kasaysayan sa Pilipinas, ninakaw ng pangkating Marcos-Duterte ang pambansang eleksyon noong Mayo 9 sa pamamagitan ng pagdaya sa dekompyuter na sistema sa eleksyon (automated election system), pagbili ng boto, armadong pamimilit, sistematikong disimpormasyon, manipulasyon sa kaisipan, pampulitikang panlilinlang at pagbaluktok sa kasaysayan.

Ang kampanya ay pinatakbo ng nangungunang mga kumpanyang PR na nanguna sa mga kampanya sa midya at mga grupo ng troll sa social media, pinondohan ng nakaw na yaman ng mga Marcos at pondo ng estado ni Duterte at salaping kontribusyon ng malalaking negosyante, malalaking panginoong maylupa, dinastiyang pulitikal at mga warlord. Sa tabing ng kontra-insurhensya, ginamit ang mga yunit ng pulis at militar para aktibong mangampanya para kina Marcos at Duterte.

Ang anak ng diktador, si Ferdinand Jr., ay nakatakdang maupo bilang pangulo, habang ang anak na babae ng tirano, si Sara Duterte, ay nakatakdang maging bise-presidente. Sa mata ng mamamayang Pilipino, ang papasok na rehimeng Marcos-Duterte ay ilehitimong rehimeng itinatag sa sandigan ng pandaraya at panlilinlang.

Inaasahan ng mamamayang Pilipino na tulad ng kanyang tiranong ama, magtatatag ng isang despotiko at kurakot na rehimen si Marcos Junior na magsisilbing instrumento ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at magdudulot ng labis na pagdurusa sa malawak na masang Pilipino. Nakatakda siyang maging hepe ng neo-kolonyal na estado sa ilalim ng imperyalismong US at pangangasiwaan ang ibayong paglubha ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Ang pangkating Marcos-Duterte ay kumakatawan sa pinakamalalang tirano, pasista at kurap na buruktarang kapitalista ng naghaharing reaksyunaryong mga uri. Si Marcos Junior ay isang walang pagsisisi sa pakinabang at pagtatanggol sa 14 na taong pasistang diktadurang Marcos (1972-1986). Kasama niya si Sara Duterte, isang ganid sa kapangyarihan namuno sa Davao City gamit ang kapanagyrihan ng pulis at militar.

Para hawanin ang daan pabalik sa Malacañang, ginasta ng mga Marcos ang bilyun-bilyong pisong nakaw na yaman para makuha ang lokal na pampulitikang kapangyarihan sa Ilocos Norte at Leyte, para tumakbo at makakuha ng mga pwesto sa reaksyunaryong kongreso, para muling makuha at mapalakas ang katapatan sa kanila ng mga pulitiko, at para muling pahigpitin ang ugnayan pampinansya sa malalaking burgesyang kumprado at dayuhang mga bangko. Ang unti-unti nilang panunumbalik sa kapangyarihan ay pinabayaan ng magkakasunod na reaksyunaryong rehimen simula 1988 sa payo ng kanilang among imperyalistang US na nais plantsahin ang tunggalian ng nagriribalang paksyon.

Ginamit ng mga Marcos ang kanilang naba impluwensya sa pulitika para maglunsad ng malawakang kampanya ng disimpormasyon para baluktutin o burahin ang kasaysayan. Sa nagdaang mga taon, nilayon nilang pagtakpan ang mga krimen ng pandarambong at korapsyon, at mga labis na paglabag sa karapatang-tao na isinagawa sa panahon ng diktadurang Marcos. Ang iskema ni Marcos na makabalik sa Malacañang ay pinalakas sa nagdaang anim na taon sa ilalim ni Duterte na nagbigay ng pambayaning libing para kay Marcos, paulit-ulit na pinapurihan ang kanyang diktadurang paghaharing diktador, sinabing walang nakaw na yaman ang mga Marcos, at panghuli ay nakipagsabwatan para dayain ang eleksyon.

Ang resulta ng eleksyon ay dinoktor para palabasing nanalo si Marcos nang “landslide” (o lubhang malaki ang lamang) para tabunan ang katotohanang milyun-milyon sa buong bansa ang lumahok sa mga demonstrasyong masa sa nagdaang mga buwan para itakwil ang mga Marcos at suportahan ang pampulitikang oposisyon. Layunin nitong pagmukhaing “lehitimo” ang kanyang rehimen. Sa estilong Hitler, ang “panalong landslide” ni Marcos ay sadyang ginawang napakadambuhala para isipin ng mga tao na hindi naman pwedeng iyo’y labis na pambabaluktot sa katotohanan.

Sa layuning pangalagaan ang katatagan ng naghaharing sistema, mayorya sa mga reaksyunaryo, kanilang partido sa pulitika, ang imperyalistang US, ang militar at pulis, ang malalaking burgesyang kumprador ay nagbubulag-bulagan ngayon sa sistematikong pagnanakaw sa eleksyon para kilalanin ang pagkapangulo ni Marcos II. Lahat sila’y nagnanaisa na panatilihing matatag ang naghaharing sistema, at protektahan at itaguyod ang interes ng naghaharing mga uri sa ilalim ni Marcos.

Ang rehimeng Marcos II ay nakatakdang maging pagpapatuloy ng nagdaang anim na taon ng tiranikong paghahari, terorismo ng estado at pagpapakatuta sa dayuhang imperyalistang mga kapangyarihan, at panunumbalik sa antas-Marcos na korapsyon at pandarambong, 50 taon mula nang ideklara ni Marcos Senior ang batas militar at itatag ang paghaharing diktador noong 1972. Ang pag-usbong nito sa pamamagitan ng panlilinlang at pandaraya ay isang malinaw na palatandaan kung paanong ang nagnanaknak na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay bulok sa kaibuturan at pinananaigan ng pinakamasasamang reaksyunaryo.

Mga inaasahan sa ilalim ni Marcos II

Si Marcos Junior ang numero unong tagapagtanggol ng diktadura ng kanyang ama at korapsyon ng kanilang pamilya. Inaasahang magiging isa rin siyang tirano at magnanakaw. Siya at ang kanyang pamilya ay kabilang sa nangungunang buruktratang kapitalista na nagkamal ng kagimbal-gimbal na halaga ng yaman sa pagsisilbi bilang ahente ng mga imperyalista, at ng naghaharing mga uri ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Para sa mamamayang Pilipino, ang paparating na anim na taong paghahari ni Marcos ay katatangian ng mabilis na pagsadsad ng kabuhayan, matinding paghihirap at pang-aapi, at pinaigting na pampulitikang panunupil. Wala silang ibang masusulingan kundi ipagtanggol ang kanilang demokratikong mga karpapatan at interes sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng pakikibaka.

Ang nagbabadyang panganib sa anim na taon ni Marcos Junior ay nagtutulak sa mamamayang Pilipino at kanilang demokratiko, progresibo at patriyotikong mga pwersa na palakasin at paramihin ang kanilang hanay. Lumilikha rin ito ng kundisyon sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka habang ang mamamayan, laluna ang kabataan, ay maramihang nahihikayat na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

1. Oras na maupo si Marcos Junior sa poder, tuluyan nang maglalaho ang salapi ng mamamayang Pilipino na ibinulsa ng mga Marcos nang maghari sila ng 14 na taon noon. Bilang pangulo, may kapangyarihan si Marcos Junior na ipag-utos ang pagrelis sa lahat ng pag-aari at salapi mula sa pagkasekwester, na ipawalambisa ang patakaran ng gubyerno na irekober ang nakaw na yaman, at na ipag-utos ang paglusaw sa Presidential Commission on Good Government o simpleng ipawalang-saysay ito.

2. Ang pagkapangulo ni Marcos ay epektibong magpapawalang-saysay sa lahat ng 40 kasong sibil kaugnay sa kanilang nakaw na yaman na tinatayang hindi bababa sa $10 bilyon, na wala pa sa kalahati ang naibalik sa gubyerno. Si Marcos Junior mismo ay nahatulan ng hindi bababa sa dalawang beses sa kabiguang magbayad ng buwis, at kumakaharap sa kautusang magbayad ng ₱203 bilyong buwis.

Kinakaharap din niya ang mga kasong contempt (paglapastangan sa korte) sa US dahil sa pagtanggi niyang makipagtulungan sa korte ng Hawaii na nag-atas noong 1995 sa mga Marcos na magbayad ng $2 bilyon sa mga biktima sa paglabag sa karapatang-tao. Ang kanyang inang si imelda ay nahatulan ng hindi bababa sa pitong kasong kriminal ng katiwalian na may parusang 11 taong pagkabilanggo sa bawat isa, at nagawang makaiwas sa pagkakakulong. Malamang ay hindi na siya kailanman tatapak sa kulungan sa nalalabing taon ng kanyang buhay.

3. Nais ni Marcos na ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay lumaking mangmang sa walang-kapantay na korapsyon, pandarambong at pang-aabuso sa ilalim ng 14 na taong diktadura ni Marcos, at papaniwalain sila sa alamat na “ginintuang panahon” ang batas militar. Kayang gamitin ni Marcos ang malawak na rekurso ng gubyerno para tuluyang burahin sa mga librong pampaaralan ang pagtuturo ng katotohanan tungkol sa batas militar, at paigtingin lalo ang pagbabago, pambabaluktot o pagbubura sa mga tala ng kasaysayan. Pwede rin nga niyang iutos sa gubyerno na angkinin ang kinatitirikan ng Bantayog ng mga Bayani sa pagdadahilang gagamitin iyon para sa isang proyekto sa imprastruktura.

4. Nagdeklara si Marcos ng mga plano na ipagpapatuloy ang programang Build Build Build ni Duterte na isa sa pinakamalaking palabigasan ng mga kurakot na upisyal ng gubyerno at pangunahing rason ng pagdoble ng utang ng bansa sa ilalim ni Duterte. Kaliwat kanan ang pagtatayo ng mga tulay at daanan, gayundin ng reklamasyon ng lupa, na hindi naman kailangan. Nakabuo ng ugnayan si Marcos sa mga upisyal na Chinese at mga institusyon sa pinansya at malamang ay itutulak ang implementasyon ng Kaliwa Dam, ng Gened Dam, ng proyektong Chico River dam at iba pang mga proyektong imprastruktura na tinututulan ng mamamayan dahil sa kanilang mapanirang epekto sa kalikasan, kabuhayan ng mamamayan at karapatan sa lupa.

5. Sa anyo ng kanyang amang diktador, at sa estilo ni Duterte, nakatakdang itatag ni Marcos Junior ang paghaharing awtoritaryan na walang pagpaparaya sa pagtutol at kritisismo. Gagamitin niya ang malupit na Anti-Terrorism Law laban sa kahit sinong mangangahas na magbangon at tumunggali sa kanyang rehimen. Tulad na ipinanakot ng kanyang ama ang multo ng komunismo para bigyang-katwiran ang deklarasyon ng batas militar noong 1972, ang patakarang ng red-tagging at pagbabansag na terorista ay malamang ibayong titindi sa ilalim ni Marcos Junior.

Para konsolidahin ang suporta ng militar, plano ni Marcos na ipagpatuloy ang National Task Force-Elcac o magtatag ng isang katulad na ahensya. Sa tulak ng mga heneral na matagal nang nagbubulsa ng bilyun-bilyong piso mula sa mga kontrata sa pagbili ng armas sa US, malamang ipagpapatuloy ni Marcos ang paglulunsad ng isang militarista at pekeng lokalisadong usapang pangkapayapaan, paghuhulog ng bomba mula sa ere at brutal na kontra-insurhensyang gera bilang sentral na patakaran ng estado. Wala o halos walang posibilidad na seryosong makikipag-usapang pangkapayapaan si Marcos sa National Democratic Front.

Lubhang natapyasan ang pampulitikang oposisyon. Ang Senado at Kongreso ngayon ay punung-puno na ng mga alyado ni Marcos at Duterte, at tulad dati, ay malamang magsisilbing taga-ayon lamang sa awtoritaryang paghahari ni Marcos.

Kikitid ang kalayaan sa impormasyon at sa pamamahayag tulad pagtanggi ni Marcos na sumagot sa mga kritikal na katangunan mula sa mga mamamamhayag. Sa halip na katotohanan, patuloy na susubuan ni Marcos ang mamamayan ng pekeng balita at huwad na mga larawan bilang bahagi ng pagpapaganda sa kanyang paghahari, katulad ng paglulustay noon ni Imleda ng pondo ng gubyerno para magtayo ng mga gusali at pader para ikubli ang malulubhang suliranin ng lipunan at ang hindi kaaya-ayang sikreto ng mga Marcos.

6. Ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan ay ibayong magpapaigting sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga nagriribalang paksyon ng mga naghaharing uri. Lubos na sasamantalahin ni Marcos ang kanyang anim na taong termino para kumuha ng porsyento ng kita o tuluyang kontrolin ang mga operasyon ng malalaking burgesyang kumprador, sa pamamagitan ng pananakot o mga aksyong ligal o ekstra-ligal, tulad nang ginawa ni Duterte sa mga Lopez at iba pang malalaking negosyo.

Habang pinalalabas ng mga Marcos at Duterte na sila’y magkaalyado, ang totoo, mapait rin silang magkaribal dahil kapwa sila magnanakaw, traydor at walang tiwala sa isa’t isa. Habang utang ng mga Marcos kay Duterte sa paglilibing na bayani kay Marcos Senior, galit rin sila sa pagtanggi ni Duterte na tulungan sila sa anim na taong protestang elektoral nang matalo si Marcos Junior sa eleksyon sa pagkabise-presidente noong 2016. Sa kabilang banda, galit si Duterte kung paanong pinigilan ni Marcos Junior at Gloria Arroyo ang anak niyang si Sara sa pagtakbo bilang presidente at pagtanggi na tanggapin ang alok na “power sharing” (pakikihati sa kapangyarihan). Habang nakaupo si Marcos sa trono, alam na alam din niya ang kakayahan ni Duterte na saksakin siya sa likod.

Para panatilihin ang kanilang alyansa, malamang ay pipigilan ni Marcos ang imbestigasyon at pagsasakdal ng International Criminal Court (ICC) sa mga kaso ng mga krimen laban sa sangkatauhan na nakasampa laban kay Duterte.

7. Ibayong ililibing ni Marcos ang bansa sa utang sa harap ng lumalaking fiscal deficit (kakulangan ng salapi ng gubyerno) na resulta ng laganap na korapsyon sa gubyerno, labis-labis na paggasta ng militar at pulis, sobra-sobrang pagpepresyo sa mga proyektong imprastruktura, at pagkaltas sa buwis ng mga korporasyon. Para mabayaran ang gahiganteng utang, nakatakdang ipagpatuloy ni Marcos ang mga patakarang “inirekomenda” ng International Monetary Fund at iba pang institusyon sa pinansya para “palawakin ang tax base” na nangangahulugang pagpapataw ng paparaming buwis sa mamamayan. Nakatakdang ipagpatuloy niya ang deka-dekada nang patakaran ng liberalisasyon sa pag-iimport at pamumuhunan, mababang sahod, pagpapalit-gamit sa lupa, pagkalatas sa badyet sa serbisyong sosyal (edukasyon at kalusugan), at iba pang neoliberal na mga hakbang na humihila sa bansa sa palalim nang palalim na krisis.

8. Kapalit ng suportang ibinigay sa kanya ng malalaking negosyante, ipagpapatuloy ni Marcos ang patakarang pambabarat sa sahod, at panunupil sa mga unyon at asosasyong manggagawa. Ibayong magdurusa ang uring manggagawang Pilipino sa higit na pagsasamantala at paghihirap sa harap ng pagsirit ng presyo, mababang sahod at hindi patas na mga kundisyon sa paggawa at pagkawala ng kita.

9. Kapalit ng suportang ibinigay sa kanya ng malalaking panginoong maylupa, patuloy na susupilin ni Marcos Junior ang mga kahingian para sa tunay na reporma sa lupa at babalewalain ang paghihirap ng masang magsasaka at minoryang mamamayan na matagal nang nagdurusa sa pang-aagaw ng lupa at sapilitang pagpapalayas.

10. Nakatakdang ipagpatuloy ni Marcos Junior ang patakaran ni Duterte sa sabayang pagpapakatuta o dobleng pamamanikluhod sa US at China. Sa isang panig, kapalit ng mga pautang at suhol ng China, malamang na hindi niya tutunggaliin ang agresyong militar at panghihimasok ng China sa karagatan ng Pilipinas, at hindi igigiit sa China na kilalanin ang soberanya ng Pilipinas sa exclusive economic zone at extended continental shelf nito tulad nang nakasaad sa United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS) at desisyon ng International Arbitral Tribunal. Tulad ni Duterte, isinuko ni Marcos ang pag-angkin na ito sa pagsabing hindi naman kinikilala ng China ang UNCLOS o ang desisyon ng IAT.

Sa kabilang panig, ipagpapatuloy ni Marcos ang pagsasakatuparan ng mga neoliberal na patakarang dikta ng US-IMF-WB (na nakapagbibigay benepisyo rin sa mga monopolyong kumpanyang Chinese). Para konsolidahin ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ipagpapatuloy rin niya ang pagtataguyod sa Mutual Defense Treaty, sa Visiting Forces Agreement, sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang hindi pantay na kasunduang militar sa US, na kasama ang Operation Pacific Eagle-Philippines, ay magpapahintulot sa militar ng US na gamitin ang bansa bilang isang malaking base militar para sa paunang pagpupusisyon ng mga tropa at armas.

Ang patakaran ng dalawahang pagpapakatuta ni Marcos ay malamang na gagawing magnet ang Pilipinas na hihila rito sa gitna ng pag-uumpugan ng US at China na may lumalaking posibilidad na humantong sa armadong tunggalian.

Mga tungkulin sa ilalim ng rehimeng Marcos II

Ang pagkalawit ng pangkating Marcos-Duterte sa kapangyarihan sa pamamagitan ng panlilinlang, pandaraya at dekompyuter na pagnanakaw sa eleksyong Mayo 9 ay nagtutulak sa mamamayang Pilipino na magbangon at ipagtanggol ang kanilang demokratikong mga karapatan at kagalingan sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng pakikibaka. Nananawagan ang Partido sa mamamayang Pilipino at kanilang mga pwersang rebolusyonaryo na isabalikat ang sumusunod na pangkalahatang mga tungkulin.

Maglunsad ng malapad na demokratikong paglaban sa ilehitimong rehimen ni Marcos Junior na naitatag sa batayan ng sistematikong pandaraya at karahasan. Itayo ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-Marcos at anti-Duterte ng lahat ng demokratikong mga pwersa. Maglunsad ng internasyunal na kampanya para ilantad ang gubyernong Marcos II bilang isang ilehitimong rehimen.

Labanan lahat ng patakaran ng rehimeng Marcos II na nagsusulong sa awtoritaryanismo, terorismo ng estado, korapsyon at pagpapakatuta. Labanan ang lahat ng patakarang umaapak sa batayang demokratikong mga karapatan ng bayan, kabilang ang karapatan sa pag-oorganisa, mapayapang pagtitipon, kalayaan sa pamamahayag, kalayaang akademiko at iba pa.

Magkampanya kontra sa disimpormasyon at tangkang baligtarin ang makasaysayang hatol ng bayan sa diktadurang Marcos. Maglunsad ng kampanyang edukasyon at rebolusyon sa kultura para tulungan ang bayan, laluna ang kabataan, na alalahanin at huwag kalimutan ang mga krimeng isinagawa laban sa mamamayang Pilipino ng 14 na taong diktadurang US-Marcos, at kung paanong matapang at militanteng lumaban ang bayan sa lahat ng porma ng pakikibaka.

Isulong ang laban para sa hustisya para sa lahat ng biktima ng pang-aabuso sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Duterte. Suportahan ang itinutulak na imbestigasyon at pagsasakdal kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, at igiit na parusahan siya sa hindi mabilang na mga kaso ng ekstra-hudisyal na pagpaslang, pagdukot at pagtortyur na isinagawa ng mga pwersang pulis at militar sa takbo ng gera kontra droga, gayundin sa brutal na gera kontra-insurhensya sa kanayunan.

Lumaban para wakasan ang militarisadong estado at itulak ang pagbuwag sa NTF-Elcac. Igiit ang pagtatanggal sa lahat ng dating upisyal ng militar sa burukrasya.

Palakasin ang lokal at internasyunal na kampanya para wakasan ang suportado ng US na kampanyang pambobomba mula sa himpapawid, presensya ng militar sa mga komunidad, kampanyang “pagpapasuko” at iba pang taktika na sistematikong tumatarget sa sibilyan.

Itayo at palakasin ang mga unyon ng manggagwa at iba pang porma ng demokratikong organisasyong masa sa mga paaralan, upisina, lugar sa trabaho, sa mga komunidad sa lungsod at kanayunan, para kolektibong igiit ang kanilang demokratikong mga karapatan at kagalingan.

Pukawin, organisahin at pakilusin ang malapad na masa para igiit ang pagtataas sa sahod, mas maayos na kundisyon sa paggawa, pagwawakas sa kontraktwalisasyon at iba pang porma ng pleksibleng paggawa, tunay na reporma sa lupa, dagdag na badyet para sa pampublikong kalusugan at edukasyon, at pagwawakas sa todong liberalisasyon at ismagling ng mga produkto sa agrikultura, pagrespeto sa lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya ng pambansang minorya, at pagwawakas sa agresibong pagpasok ng mga operasyong mina at pagpapalawak ng mga plantasyon at iba pa.

Lumaban para ipagtanggol ang pambansang soberanya ng Pilipinas laban sa panghihimasok ng US at China. Igiit ang pagwawakas sa panghihimasok ng China sa teritoryong pandagat ng Pilipinas. Igiit na palayasin ang lahat ng pwersa at tagapayong militar ng US, ang pagbuwag sa mga pasilidad militar ng US, at ang pagtatanggal sa lahat ng paunang nakapwestong mga armas ng US sa buong bansa.

Lubhang naging paborable ang mga kundisyon para sa ibayong pagpapa-igting ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sa digmang sibil na ito, nais ng kaaway na durugin ang armadong paglaban ng bayan laban sa pasistang pang-aapi. Walang ibang masusulingan ang bayan at kanilang rebolusyonaryong pwersa kundi ang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para biguin at wasakin ang armadong kontra-rebolusyon.

Dapat magpunyagi ang mga kadre ng Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa, at walang pagod na palakasin ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at lahat ng iba pang rebolusyonaryong organisasyong masa para maisulong ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya sa bayan.

Itakwil at labanan ang ilehitimong rehimeng Marcos II