Kasuklam-suklam ang tubong kinakamkam ng mga kumpanya sa langis mula sa pagdurusa ng mamamayan
Dapat ipabatid sa mamamayang Pilipino at masang anakpawis sa buong mundo ang tungkol sa walang-kapantay na tubong kinakamkam ng mga kumpanyang multinasyunal sa langis. Dapat silang pukawin na kumilos para batikusin ang kasakiman ng mga nagmamay-ari ng mga multinasyunal na Big Oil at itulak ang mga ito na makabuluhang irolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo sa antas sa simula ng taon.
Dapat nilang iprotesta ang gubyerno ng Pilipinas sa pakikipagsabwatan sa mga kumpanya sa langis at pagbibingi-bingihan sa sigaw ng taumbayan na ibaba ang presyo ng langis na nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan at pagdurusa.
Sa nagdaang mga araw, iniulat ng mga monopolyong kumpanya sa langis na kumita sila ng walang kapantay na tubo sa ikalawang kwarto ng taon (Abril hanggang Hunyo). Iniulat ng Exxon Mobil Corp, pinakamalaking kumpanya sa langis sa US, ang wala pang kapantay na $17.9 bilyong tubo sa ikalawang kwarto, mas mataas ng $3 bilyon sa dating pinakamataas noong 2008, at halos apat na ulit na mas malaki kumpara sa $4.69 bilyon sa parehong panahon noong 2021.
Nagrehistro rin ang Chevron, ikalawang pinakamalaking kumpanya sa langis sa US, ng walang kapantay na tubo na $11.6 bilyon na dalawang ulit na mas malaki sa dating pinakamalaking tubo nito noong 2008, at halos apat na ulit na mas malaki kumpara sa $3.1 bilyong tubo sa parehong panahon noong 2021.
Iniulat naman ng Shell ang $11.59 bilyong tubo sa ikalawang kwarto, dalawang ulit na mas malaki sa $5.5 bilyong tubo noong ikalawang kwarto ng 2021. Nag-ulat rin ang Total Energi ng $5.8 bilyong kita noong ikalawang kwarto, halos doble sa tubo nitong $3.5 sa parehong panahon noong nakaaang taon.
Dahil nag-aangkat ngayon ng murang krudong langis pangunahin mula sa Russia, asahan din ang higanteng tubo ng mga Chinese na kumpanya sa pagrerepina. Kabilang dito ang China Petroleum and Chemical Corp., ang pinakamalaking nagrerepina sa Asia at tagasuplay ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas.
Asahan nang mag-uulat ng karagdagan pang tubo ang mga subsidyaryong kumpanya sa langis sa Pilipinas. Patuloy nilang niloloko ang sambayanan sa pagsabing ang halos lingguhang pagtaas ng presyo ng langis ay dahil sa pagtaas ng presyo ng krudong langis samantalang mayorya ng mga kumpanyang ito ay repinadong mga produktong petrolyo naman ang inaangkat mula sa China, Japan, South Korea, Singapore at iba pang bansa.
Pinasisinungalingan ng walang-kapantay na tubong kinakamal ng mga monopolyong kumpanya sa langis na tumataas ang presyo ng mga produktong langis dahil sa sinasabing kakulangan ng suplay at mataas na presyo ng krudo. Ang totoo, tumataas ang presyo ng langis dahil sa di maibsang pagkagahaman sa tubo ng mga monopolyo kapitalista.
Ang mga monopolyong kumpanya sa langis ay mga higanteng kapitalistang kumokontrol sa malalawak na rekurso at pamilihan sa daigdig at yumuyurak sa kagalingan ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo. Kasuklam-suklam ang kasakiman nila sa tubo. Sa nagdaang mga buwan, pinasirit nila ang presyo ng diesel at gasolina na nagresulta sa pagdausdos sa kalagayan ng uring manggagawa at masang anakpawis sa buong mundo. Ang walang kapantay sa ilang dekada na tantos sa implasyon ay nagtutulak sa mga ekonomya sa bingit ng resesyon.
Dapat ipabatid sa sambayanang Pilipino ang katotohanan tungkol sa monopolyo kapitalistang kontrol sa pandaigdigang at lokal na industriya ng langis at sa kawalang-puso ng gubyerno ng Pilipinas. Dapat pagbuklurin ang nagngangalit nilang tinig para igiit ang pagpapahinto sa hayok-sa-tubong pagtataas sa presyo ng langis na naghatid ng malawak na paghihirap sa mamamayan sa Pilipinas at iba’t ibang panig ng daigdig.
Ang pagkamkam ng walang-pantay na tubo ng mga kumpanya sa langis ay nagdidiin sa kagyat na pangangailangan na wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang kapitalista na pinatatakbo ng tubo. Itinutulak nito ang sambayanang Pilipino na lumahok sa pangdaigdigang kilusan para wakasan ang walang-habas na pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng sistemang imperyalista. Ipinakikita nito ang pagkamakatwiran, pangangailangan at kakagyatan ng isulong ang pambansa demokratiko at sosyalistang mga rebolusyon para kunin ang yaman ng mga monopolyo kapitalista at wakasan ang kasakimang kapitalista, at itatag ang sistema kung saan hawak ng uring manggagawa ang mga kagamitan sa produksyon at pinaplano ang produksyon alinsunod sa interes at kagalingan ng bayan.